
Itinago ng Ama ang Tunay Niyang Hanapbuhay sa Kaniyang mga Anak; Ito ang Ginawa ng Panganay na Anak nang Malaman ang Katotohanan
“Magpahinga ka muna, Lito, bago ka maligo. Ang tindi ng gawain natin dito sa kontraksyon baka naman mapasma ka niyan!” saad ng kaibigan at katrabahong si Jun nang makita niya ang ginoo na magtutungo sa palikuran upang linisin ang kaniyang maruming katawan.
“Alam mo naman kung bakit ko ginagawa ito, Jun. Ayaw kong malaman ng mga anak ko na isang construction worker lamang ang tatay nila. Ayaw kong pagtawanan sila sa paaralan,” tugon naman ni Lito.
“‘Yan ang hindi ko maintindihan sa’yo, Lito. Ano bang masama sa pagiging construction worker natin? Marangal naman ang trabaho natin. Mukhang mababait naman ang mga anak mo at sa tingin ko ay mauunawaan ka nila,” sambit pa ng kaibigan.
“Jun, natatakot kasi ako na matulad sa akin ang mga anak ko. Kapag nalaman nila na ang tatay nila ay walang pinag-aralan baka mawalan na rin sila ng gana sa pag-aaral. Ayaw kong lumaki silang mangmang at mahirap kagaya ko. Ayaw kong pagtawanan sila ng mga tao at kutyain. Handa akong gawin ang lahat para maiba naman ang buhay ng mga anak ko,” saad pa ni Lito.
“Nag-aalala lang naman ako sa kalusugan mo, pare. Hindi biro ang ginagawa natin dito sa construction site. Ipahinga mo muna ang katawan mo bago ka maligo,” muling saad ni Jun.
Ngunit hindi na nakinig pa kay Jun ang kaibigang si Lito. Dumeretso na ito ng banyo upang maligo at magpalit ng damit.
Araw-araw ay maagang umaalis si Mang Lito sa kanilang bahay na bihis na bihis. Ang alam kasi ng kaniyang mga anak ay isa siyang klerk sa isang opisina. Laging ipinagmamalaki ng kaniyang mga anak ang tatay nila. Bukod kasi sa mag-isa na itong nagtataguyod ng kanilang pamilya ay kahanga-hanga din ang ipinarating nitong trabaho sa kaniyang mga anak.
Pagdating sa construction site ay agad na magpapalit si Mang Lito ng damit. Titiisin ang hirap at bigat ng kaniyang trabaho. Pagdating naman ng hapon, pagkatapos ng kaniyang trabaho ay agad itong maliligo at muling magpapalit ng kaniyang maayos na damit. Araw-araw ay ganito ang ginagawa ni Mang Lito sa takot na kapag nalaman ng kaniyang mga anak ang tunay niyang trabaho ay magsihinto na ito sa kanilang pag-aaral at lumaking mangmang.
Pagkagaling sa trabaho ay hindi na makapaghintay si Mang Lito na makauwi sa tatlong anak. Ngunit mabigat din ang kaniyang loob dahil batid niya ang araw-araw niyang pagsisinungaling sa mga ito.
Hindi pa man din nakakapasok ng tarangkahan ng bahay nila itong si Mang Lito ay agad na siyang sinalubong ng panganay na anak na si Paula. Malapit na itong magtapos ng high school at sa mga panahong ito ay dapat ay nakaipon na si Mang Lito ng pangmatrikula ng anak ngunit sa hirap ng buhay ay wala pa rin siyang naiipon kahit singko.
“Nagluto na po ako ng hapunan, ‘tay. Tatawagin ko na rin po ang mga kapatid ko para makakain tayo nang sabay-sabay,” saad ni Paula sa ama.
Masayang pinagsaluhan ng mag-aama ang ulam nilang galunggong. Lumilipad naman ang isip ni Mang lito habang pinagmamasdan ang kaniyang mga anak.
“‘Tay! Tay!” sambit ni Paula sa ama.
“A-ano ‘yun, anak? Pasensya ka na at may iniisip kasi ako,” tugon naman ng ama.
“Kailangan ko na po kasing kumuha ng mga entrance exams para sa pagkokolehiyo ko. May bayad po kasi ‘yun. Kailan po kaya ako p’wedeng kumuha?” tanong pa ng dalaga.
“Sa tingin ko, anak, kailangan na pumili ka na lang ng isang unibersidad na gusto mo talaga at doon ka na lang magpokus. Ano ba ang gusto mong kuning kurso sa kolehiyo?” wika pa ng ama.
“Nais ko po kasing magdoktor, ‘tay. Sa tingin n’yo po ba ay kakayanin natin ang matrikula ng medisina?” tanong muli ni Paula.
Napalunok na lamang si Mang Lito sa pagkabigla. Ngunit hindi naman niya maamin sa anak na hindi nila kaya. Ni wala nga siyang maibabayad sa pang-entrance exam nito at araw-araw siyang nangangamba kung kaya ba talaga niyang pag-aralin sa kolehiyo ang kaniyang mga anak.
“Oo, anak. Alam kong kayang-kaya mong makatapos ng medisina dahil alam kong matalino ka,” saad pa ng ama.
Mula nang gabi na ‘yun ay lagi nang malalim ang iniisip ni Mang Lito. Madalas siyang tulala at wala ang isip sa kaniyang ginagawa lalo na sa trabaho. Napansin ito ng kaniyang kaibigang si Jun.
“Pare, tungkol na naman ba ito sa anak mo? Bakit kasi hindi mo na lang sabihin sa kaniya ang katotohanan. Mabuti kang ama, pare, mababait ang mga anak mo, maiintindihan ka nila!” payo pa ng kaibigan.
“Nais maging doktor ni Paula. Hindi ko alam kung paano ko iyon gagawin? Hindi ko alam kung saang kamay ng Diyos ko kukunin ang ipangtutustos sa matrikula ng anak ko. Ngunit ayaw ko naman siyang panghinaan ng loob. Gusto kong makatapos siya ng pag-aaral. Bakit kasi pinanganak akong mahirap at walang pinag-aralan. Ngayon tuloy ay maipapasa ko ang kahirapan na ito sa aking mga anak,” pahayag pa ni Lito.
“Huwag kang mag-alala, Lito, may awa ang Diyos. Matutupad din ang pangarap ng anak mo. Kumapit ka lang,” saad pa ng kaibigan.
Pag-uwi muli ni Mang Lito ay pinapaalala ni Paula sa ama ang perang kailangan para sa kaniyang entrance exam ngunit palaging nagdadahilan itong si Mang Lito para makakuha pa ng palugit.
Ramdam ni Paula na may kakaiba sa kinikilos ng kaniyang ama.
“Marahil ay may problema sa trabaho si tatay. Alam ko na, dadalhan ko siya ng baon bukas nang sa gayon ay mapasaya ko siya,” sambit ni Paula sa kaniyang sarili.
Kinabukasan, bitbit ang inihandang pananghalian para sa ama ay nagtungo si Paula sa itinuro sa kaniyang gusali ng ama kung saan ito nagtatrabaho. Ngunit laking pahiya ng dalaga nang sabihin ng guwardiya na walang nagtatrabahong Lito de Guzman sa pasilidad na iyon.
Dito na umigting ang kutob ni Paula na may itinatago ang kanilang ama. Kaya kinabukasan ay pinagplanuhan niyang sundan ang kaniyang tatay.
Laking gulat niya nang pumasok sa isang construction site ang kaniyang ama. Pilit niyang pinasok ang construction site na iyon at pagpasok niya ay tumambad sa kaniya ang katotohanang hindi isang klerk ang kaniyang ama.
Laking gulat naman ni Mang Lito nang makita niya sa kaniyang harapan ang anak.
“Kailan pa po kayo nagtatrabaho dito?” naiiyak na tanong ni Paula sa ama.
“A-anak, patawarin mo ako. Hindi ko gustong itago ang lahat sa inyo. Ayaw ko kasing mapahiya kayo sa maraming tao. Ayaw kong pagtawanan kayo dahil lamang sa trabaho ko. Hindi totoong nakatapos ako ng pag-aaral, anak. Marunong lang akong magbasa at magsulat ngunit salat ang isip ko sa edukasyon,” nauutal na pagpapaliwanag ni Mang Lito.
Ngunit imbis na magalit ang anak ay hindi makapaniwala si Mang Lito sa ginawa nito. Agad na tumakbo papalapit si Paula sa ama at saka niya ito niyakap nang mahigpit.
“Tatay, hindi ko po kayo ikakahiya kung ano man kayo at kung ano po ang kaya n’yong ibigay. Hindi n’yo lang alam kung gaano kami kaswerte ng mga kapatid ko dahil kayo ang aming ama. Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Walang ibang mahalaga sa akin kung hindi ang pamilya natin!” umiiyak na sambit naman ng dalaga.
Napaluha na rin si Mang Lito dahil hindi niya akalain na hindi siya ikakahiya ng kaniyang anak kapag nalaman nito ang tunay niyang hanapbuhay.
Simula nang araw na iyon ay hindi na kailangan pa ni Mang Lito na magpanggap sa kaniyang mga anak.
Bilang ganti naman sa pagpupursigi ng kanilang ama ay nag-aral nang mabuti ang tatlong anak. Pinag-ipunan ni Mang Lito ang pang entrance exam ni Paula sa isang kilalang unibersidad at malaking pagpapala ng Diyos na nakapasa ito at isa pang ganap na iskolar sa kursong medisina.
Ngayon ay pinagbubuti ni Paula ang kaniyang pag-aaral. Nagtatrabaho rin siya upang makatulong kahit paano sa kaniyang ama sa mga gastusin. Baon ng dalaga ang kagitingan at pagmamahal ng kanilang amang si Mang Lito sa pag-abot niya ng kaniyang mga pangarap.

Kinaiinisan ng Mister ang Palaging Pagbibigay ng Pagkain ng Misis sa Matandang Ginoo; Nadurog ang Kaniyang Puso nang Malaman ang Dahilan Nito
