Makailang Ulit nang Napalayas sa Kaniyang Pinupwestuhan ang Tinderang Ito; Ngunit Bakit sa Tapat ng Isang Partikular na Bahay ay Tila Welcome ang Lahat na Magtinda at Pumuwesto?

Pinahid ni Aling Ising ang kaniyang pawis at sandali munang huminto sa tapat ng isang tindahan upang magpahinga sa paglalako. Alas tres pa lang ng hapon at tirik na tirik pa ang araw ngunit hindi iyon naging hadlang upang siya ay magsimula nang maglako dahil kailangan niyang maka-quota ngayong araw. Wala na kasing panggatas ang kaniyang bunsong apo at hindi sapat ang kinita ng anak niya kagabi upang makabili niyon.

“Pabili nga po ng softdrinks.” Dumungaw siya sa bintana ng naturang tindahan upang bumili ng maiinom. Matapos niyang bayaran ang binili ay iniabot naman sa kaniya ng tindera ang kaniyang sukli, kasabay ng pagbibitiw ng mga kataga.

“Ale, bawal hong pumuwesto sa tapat ng tindahan namin, ano ho? Makakaistorbo ho kasi sa mga kostumer,” sabi nito na ang tinutukoy ay ang kaniyang paninda.

“Ganoon ba?” May panlulumong napatango si Aling Isadora sa tinuran nito. Sayang, dahil mukhang marami pa namang dumaraan sa puwestong iyon. “Hindi bale, iinumin ko lang itong softdrinks at ako’y aalis na,” sagot na lamang niya.

Makailang ulit na siyang napaalis sa dapat ay pupuwestuhan niya kaya naman sanay na siya sa mga ganoong senaryo sa pagiging tindera niya, araw-araw. Kaya naman muli siyang nagpatuloy sa paglalakad at paghahanap ng magandang pagpupuwesuhan.

Nasa ganoong sitwasyon si Aling Isadora nang mamataan niya mula sa ’di kalayuan ang tila pagkukumpulan ng mga kapwa niya Vendors sa tapat ng isang malaking bahay, kung saan maraming kostumer na dumaraan. Dahil doon ay dali-dali siyang nagpunta sa naturang lugar at nagtanong sa mga naunang nakapuwesto.

“Ayos lang bang makipuwesto rin ako rito?” tanong ni Aling Isadora sa mga ito.

“Aba, oo! Sige, p’westo ka lang diyan,” sagot naman ng isang tindera na hindi inaalis ang kaniyang paningin sa pagbabalot ng mga paninda dahil tila hindi ito maubos-ubusan ng kostumer. Paano’y malilim ang naturang p’westo dahil sa dalawang naglalakihang puno sa loob ng bakurang iyon kaya naman madalas din iyong puwestuhan ng mga taong pagod at galing sa trabaho.

Advertisement

Maya-maya pa, mula sa paisa-isa ay dinagsa na rin ng mga dumaraang kostumer ang mga panindang balot ni Aling Isadora. Mukhang maaga siyang makauuwi ngayong araw dahil maganda-ganda ang napuwestuhan niya!

Ngunit halos manlumo na naman si Aling Isadora nang sa kaniyang paglingon sa malaking bahay ay namataan niyang mayroong lumalabas na tao. Agad siyang nakapag-isip ng maaaring maging senaryo. Hula niya ay paaalisin na sila sa tapat ng bahay ng mga ito.

Ngunit ganoon na lang ang kaniyang gulat nang matantong hindi ganoon ang mangyayari… dahil ang mga lumabas na tao sa naturang bahay ay may hatid na pantawid-gutom para sa lahat ng mga tindero’t tindera na nakapuwesto roon ngayon!

Hindi naman nakadarama ng gutom si Aling Isadora kanina, ngunit ganoon na lang ang pagkalam ng kaniyang sikmura nang masamyo ang mabangong amoy ng mga platito ng bagong lutong lasagna na noon ay isa-isang ipinamimigay sa kanila ng may-ari ng bahay. Napakasarap ng lasa niyon nang matikman na ni Aling Isadora kaya naman labis ang pasasalamat nila sa mabubuting may-ari ng bahay.

Napag-alaman ni Aling Isadora na noon pa man ay hinahayaan na ng mga ito ang iba’t ibang tindero na pumuwesto sa tapat ng kanilang bahay, at kung minsan pa nga ay may kasama pa iyong meriyenda.

“Aba, napakabait naman pala ng mga nakatira sa bahay na ’yan, ano?” komento ni Aling Isadora sa kaniyang kausap.

“Sinabi mo pa! Talagang mababait sila at marunong lumingon sa pinanggalingan. Ang mga anak kasi ng mag-asawang nakatira sa bahay na iyan ay napagtapos lamang nila noon sa pamamagitan din ng pagbe-vendor. Dahil doon, nang makatapos na’t makapagtrabaho ang mga bata ay ipinangako nilang tutulong sila sa mga kapwa-vendor ng kanilang mga ama at ina, at ito ang kanilang paraan upang tuparin iyon,” paliwanag pa ng kausap niya.

Lalong humanga si Aling Isadora sa kuwentong iyon ng mabubuting taong may-ari ng kanilang pinagpupuwestuhan. Dahil doon, nagkaroon siya ng panibagong inspirasyon na sipagan pa ang kaniyang pagtatrabaho lalo pa at may apo rin siyang sinusuportahan upang makapagtapos ito ng kolehiyo sa pamamagitan ng kaniyang pagtitinda.

Advertisement

Alam ni Aling Isadora na malayo pa ang kaniyang tatahakin upang maabot ang naabot ng kaniyang tinitingalang pamilya ngunit gagawin niya ang lahat upang kahit papaano ay makasunod siya sa yapak ng mga ito.