
Tumanggap ng Menor de Edad sa Pinagtatrababuhang Motel ang Dalaga, Pinagsisihan Niya Ito
“Hoy, mare, mga menor de edad ‘yong dalawang ‘yon, hindi ba? Nakasuot pa ng uniporme ng kanilang paaralan! Bakit mo hinayaang makapasok dito?” sambit ni Gleny sa kaniyang katrabaho, isang hapon nang may nakita siyang dalawang magkasintahang menor de edad na pumasok sa isa sa kanilang mga pinapaupahang kwarto.
“Hayaan mo na ‘yan sila. Wala namang makakaalam na menor de edad sila, eh. Hayaan mo na silang maglambingan sa silid na inupahan nila. Ang mahalaga, may pambayad sila,” sagot ni Joy habang binibilang ang perang kanilang kinita ngayong araw.
“Kinakabahan naman ako sa’yo, eh. Baka mamaya, sugurin tayo ng magulang ng mga ‘yan!” kabadong wika nito na ikinatawa niya.
“Hindi naman natin kasalanan na nagpasiya ang dalawang ‘yan na magrenta ng kwarto sa atin!” katwiran niya.
“Kahit na, palabasin mo na kaya sila?” payo nito na ikinakunot ng ulo niya.
“Tumigil ka nga! Kailangan kong makakota ngayon para may dagdag sahod ako at makauwi nang maaga! Gusto ko nang magpahinga, eh!” sigaw niya rito dahilan para ito’y mapailing.
“Bahala ka, ha, basta labas ako riyan, ha?” paninigurado nito.
“Oo na, maglinis ka na lang d’yan!” bulyaw niya dahilan para mataranta itong bumalik sa paglilinis habang siya, bumalik sa pagbibilang ng perang bayad ng dalawang magkasintahan.
Empleyado sa isang tagong motel sa Maynila ang dalagang si Joy. Dahil nga tago ang kanilang motel at marami nang nagsiusbungang bagong mga panuluyuan sa kanilang lugar, iilan na lamang ang mga taong nakakapunta rito dahilan para kakaunti na lamang din ang kitain ng naturang negosyo.
Sa katunayan, inabisuhan na siya ng may-ari ng naturang motel na baka sa isang buwan, isasara na ang panuluyuang ito dahil mas malaki na ang nilalabas nitong pera para pangbayad sa kanilang mga empleyado, kuryente, at iba pang bayarin dito kaysa sa perang pumapasok.
Ngunit dahil nga napamahal na siya sa trabaho niyang ito at ayaw niyang maghanap pa nang panibagong trabaho, ginagawa niya ang lahat upang makabenta siya ng sampung kwarto sa isang araw.
Ang ginagawa niya, habang walang taong nagpupunta sa kanila, siya’y nagpo-post sa social media tungkol sa ganda ng kanilang mga silid, nagpapadala siya ng mensahe sa kaniyang mga kakilalang magkasintahan, at kung ano pa mang paraan na maaaring makapagpaingay muli sa kanilang motel.
Suportado naman siya ng kaniyang boss sa gawain niyang ito. Sa katunayan, binibigyan pa siya nito ng bonus sa tuwing makakapagparenta siya ng sampu kwarto o higit pa sa isang araw.
Kaya lang, tila lumabis naman ang kagustuhan niyang ito dahil paminsa’y nababali na niya ang kanilang mga patakaran.
Katulad na lamang noong araw na ‘yon na kaniyang pinatuloy ang dalawang menor de edad na magkasintahan. Nanghihinayang kasi siya sa kikitain niyang pera sa dalawang ito at bukod pa roon, dadalawa pa lang kasi ang nabebenta niyang silid noong oras na iyon.
Kaya kahit alam niyang lingid ito sa kanilang mga patakaran, pinatuloy niya pa rin ito. Wika niya pa sa iba niyang katrabaho na pilit siyang kinukuwestiyon sa ginawa niyang ito.
“Bawal tanggihan ang grasya!” dahilan para siya’y hayaan na lamang ng mga ito.
Ilang oras pa ang lumipas noong araw na ‘yon, laking tuwa niya nang muling tumunog ang paingay sa kanilang pintuan.
Ngunit bigla siyang naramdam ng kaba nang pumasok ang dalawang pulis at ilang mga opisyal ng kanilang munisipyo.
“Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?” magiliw niyang tanong habang ngiting-ngiti.
“Nagsasagawa kami ngayon ng surprise visit sa mga panuluyuang rehistrado. Tago kasi itong motel niyo, eh, kaya ngayon lang kami nakadaan. Pwede na ba kaming magsimula? Huwag kayong mag-alala, hindi namin gagambalain ang mga kustomer niyo ngayon,” sambit ng isa sa mga opisyal ng munisipyo na lalo niyang ikinakaba.
“Siyempre naman po!” sagot niya saka pinatuloy ang mga ito.
Wala pang ilang minuto, narinig niyang galit na nanenermon ang isa sa mga pulis dahilan para tingnan niya ito at halos lumuwa ang mata niya nang makitang hawak-hawak nito sa kwelyo ang binatilyong kakalabas lamang sa inupahang kwarto.
“Ah, eh, sir, ano pong problema?” awat niya.
“Ikaw, bakit mo hinayaang makapasok ang anak ko pati ang binatang ito sa ganitong klaseng panuluyan, ha? Ang babata pa ng mga ito!” sigaw nito sa kaniya na ikinatungo niya habang umiiling-iling ang mga opisyal na nakakita nito.
Katulad ng inaasahan niya, nagreklamo ang pulis na ito sa kanilang munisipyo dahilan para tuluyang maisara ang motel na kaniyang pinagtatrababuhan.
Galit na galit sa kaniya ang may-ari ng naturang negosyo. Halos isumpa siya nito sa laki ng kailangan nitong bayaran dahil sa ginawa niyang aksyong lihis sa batas.
“Sa kagustuhan kong makatulong, lalo pang lumala ang sitwasyon!” iyak niya.
Sa galit ng kaniyang boss, hindi na siya sinuwelduhan nito, ayaw pa nitong makita ang pagmumukha niya sa Maynila dahilan para tuluyan na siyang umuwi sa kanilang probinsya at doon muling magsimula nang tuwid na buhay.