Hindi Nakapagkolehiyo ang Binatang ito dahil sa Kahirapan; Paglipas ng Tatlong Taon, Umikot ang Mundong Ginagalawan Niya

“Hoy, Marvin! Sa Maynila kaming lahat mag-aaral ng kolehiyo? Ikaw, saan mo balak mag-kolehiyo? Sa Maynila ka na lang din mag-aral para sama-sama pa rin tayo!” masiglang sambit ni Roger sa kaniyang kaibigan, isang gabi matapos ang programa ng kanilang pagtatapos sa hayskul.

“Ah, eh, kayo na lang siguro. Hindi ko kasi alam kung makakapag-aral pa ba ako ng kolehiyo,” nakatungong sagot ni Marvin habang pilit na pinipigil ang kaniyang luha.

“Ha? Bakit naman? Hindi ba’t pangarap mong makapagtapos ng pag-aaral?” pang-uusisa pa nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.

“Pangarap ko nga ‘yon, kaso mukhang imposible pa sa ngayon dahil sa sitwasyon ng buhay namin. Kung magpapatuloy ako sa pag-aaral, walang magbabanat ng buto sa pamilya namin para may makain kami, wala akong pera pangbaon at higit sa lahat, mahihirapan ang mga nakababata kong kapatid sa kanilang pag-aaral,” paliwanag niya rito habang pilit pa ring pinipigil ang kaniyang luha.

“Naku, sayang naman ang oportunidad, Marvin!” sambit pa nito.

“Wala, eh, gusto ko man, parang ayaw naman ng tadhana,” wika niya.

“Makakapagtapos ka rin, magsumikap ka lang. Ipinagmamalaki kong kaibigan kita,” sambit nito saka siya mahigpit na niyakap na naging dahilan para ganoon na lang tuluyan bumagsak ang kaniyang luha. 

Panganay sa tatlong magkakapatid ang binatang si Marvin. Bukod sa siya ang inaasahan ng kaniyang ina na maging katuwang sa mga gawaing bahay, siya rin ang inaasahan nitong makakapagpaangat sa kanila sa kahirapan.

Advertisement

Ito ang dahilan para siya’y labis na magsumikap sa pag-aaral hanggang siya ay makapagtapos na ng hayskul. Kaya lang, nang sabihin niya sa kaniyang ina na nais niyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo, tugon nito, “Pasensya ka na, anak, wala tayong kakayahanang pag-aralin ka sa kolehiyo. Pagkain pa nga lang natin, hirap na hirap na akong kitain,” dahilan para ganoon na lang siya magpasiyang huwag nang tumuloy sa pag-aaral at agad nang maghanap ng trabaho.

Nais niya na rin kasing matapos ang paghihirap na mayroon sila. Gusto na niyang mapakain ang kaniyang ina at mga kapatid nang masusustasiyang pagkain na ibang-iba sa araw-araw nilang pagkain na kanin at tagpipisong chichirya.

Kaya naman, kahit na gustong-gusto niyang mag-aral kasama ang kaniyang mga kaibigan na mag-aaral sa Maynila, isinantabi niya ito at inuna ang kalam ng sikmura ng kaniyang pamilya.

Agad siyang naghanap ng trabaho kung saan-saan at dahil nga siya’y matalino at magaling mag-Ingles, nang subukan niyang mag-apply bilang isang call center agent, agad siyang nakuha rito na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.

Doon niya nasimulang bigyan nang maginhawang buhay ang kaniyang pamilya. Hindi man niya matanggal sa isip ang labis na pagkainggit sa kaibigan niyang masayang nag-aaral sa Maynila, ginawa niya itong inspirasyon upang lalong maging matapang sa buhay.

Kahit na bahagyang mataas ang sahod niya, hindi siya naging maluho sa buhay at siya’y natutong mag-ipon hanggang sa marinig niya ang salitang “investment” sa kaniyang mga katrabaho at siya’y nahumaling na subukan ito.

Sa tulong ng ilan niyang mga katrabahong sumusubok dito, unti-unti niyang napalago ang pera niya hanggang sa magkaroon siya nang sapat na pera upang makapagpatayo ng isang grocery store.

Doon na tuloy-tuloy na umangat ang buhay ng kaniyang pamilya. Nakabili na siya ng bahay at lupa, may malaking ipon sa bangko at may malusog at masayang ina at mga kapatid dahilan para ganoon na lang din siya maging masaya sa buhay na mayroon siya ngayon.

Advertisement

Nang matantiya na niyang kaya na niyang pagsabayin ang kaniyang negosyo at pag-aaral, sumunod siya sa kaniyang mga kaibigan sa Maynila at doon pumasok ng kolehiyo gamit ang sarili niyang pera.

Kahit na isang taon na lang ang makakapagtapos na ang mga ito, masaya pa rin siyang maabutan ang mga ito sa naturang paaralan.

“Ibang klase ka talaga, Marvin! Isipin mo ‘yon, kasing edad ka lang namin pero matagumpay ka na agad!” sambit sa kaniya ni Roger nang siya’y makita sa naturang paaralan.

“Hindi pala sa ayaw ng tadhana na pag-aralin ako sa kolehiyo, gusto lang niya siguro talagang tulungan ko muna ang pamilya ko bago ko umpisahan ang pangarap ko,” tugon niya saka siya mahigpit na niyakap nang kaibigan dahil sa sobrang saya sa naabot niyang tagumpay.

Hindi kailanman naging karera ang buhay, kailangan lang nating magtiwala sa proseso dahil hindi Niya tayo pababayaan. Magbubunga ang lahat ng sakripisyo’t paghihirap basta para sa ikabubuti ng pamilya.