Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Ginang sa Kaibigang Panay Post sa Social Media, Natuwa pa Siya nang Maramdaman Niyang Naghihirap Ito

Naiinggit ang Ginang sa Kaibigang Panay Post sa Social Media, Natuwa pa Siya nang Maramdaman Niyang Naghihirap Ito

“Totoo bang naghihirap na si Lei ngayon? Puro paninda na ang naka-post sa social media account niya, eh, hindi katulad dati na puro pasarap!” sambit ni Emely sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang yayain siya nitong mag-almusal.

“Naku, mukhang hindi naman, nakita po silang nagkakape riyan ng asawa niya sa mamahaling kapehan noong isang linggo, eh,” tugon ng kaniyang kaibigan habang hinahati ang binili nilang karne.

“Alam mo naman ‘yon, basta may maipakita lang na pupwedeng maipagmayabang sa internet, gagawin niya kahit wala na siyang pera,” nguso niya pa habang iiling-iling.

“Hindi ko lang alam, wala naman siyang nababanggit sa akin. Ni hindi na nga niya ako natatawagan o kahit napapadalhan ng mensahe, eh,” sagot nito saka pinakita sa kaniya ang huling mensahe nito na noon pang isang taon.

“Baka nahihiyang umamin na naghihirap na nga siya. Sino ba namang hindi maghihirap sa ginagawa niya? Kung saan-saan siya nagpupunta, mamahaling pagkain ang mga kinakain at kung anu-anong gamit pa ang binibili! Sana hindi na siya naglalagay ng litrato sa social media kung maghihirap lang din naman siya dahil doon!” inis niyang sambit.

“Hayaan mo siya, buhay niya ‘yon, eh, ikaw talaga!” wika nito dahilan para siya’y mapairap sa inis.

Inis na inis ang ginang na si Emely sa dati niyang kaibigan na panay ang pagpapabida ng buhay sa social media. Sinuwerte kasi itong makapangasawa ng isang Amerikano na siyang nag-angat sa buhay nito na labis niyang ikinaiinggit.

Siya kasi, nakapangasawa na nga ng isang tambay sa kanto, sakit pa ito sa ulo niya dahil ayaw nitong magtrabaho kahit panggatas lamang ng kanilang anak.

Ito ang dahilan para siya na ang kumilos upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang anak sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang empleyado sa isang opisina sa Maynila.

Kaya naman, ganoon na lang siya tila nakararamdam ng inggit sa tuwing makikita ang masarap na buhay ng dating kaibigan sa social media. Naiinis siya rito dahil tila wala itong pakialam sa mga taong naghihirap katulad niya at panay pa sa pagyayabang sa social media.

Nang maramdaman niya namang tila naghihirap na ito dahil panay na ang post nito ng mga paninda sa social media, ganoon na lang siya bahagyang nagdidiwang. Wika niya pa, “Mabuti nga sa’yo, mayabang ka kasi! Ako naman ang aalwan ang buhay ngayon!”

Dito na siya nagsimulang magyabang sa social media. Pinapakita niya rito ang mga nailuluto niyang masasarap na pagkain dahil sa kaniyang pagtatrabaho, mga gamit na nabibili niya sa kaniyang anak at pati na ang bagong bili niyang alagang aso.

At dahil marami ang natutuwa, nagkokomento at nagla-like sa ginagawa niyang ito, tinuloy-tuloy niya ito upang maungusan ang kaibigang ngayon ay bihira na lang mag-post ng personal na buhay social media.

Kaya lang, sa kaniyang pagkawili rito, bahagya niyang napabayaan ang kaniyang trabaho. Madaling araw na siya kung matulog dahil sa pananaliksik niya ng kung anu-anong bagay na pupwede niyang ibida na nagbubunga nang pagkahuli niya sa paggising at pagpasok sa trabaho kinaumagahan.

Sa patuloy niyang pagkahuli sa trabaho, siya’y tuluyang natanggal at nawalan ng pagkakakitaan sa buhay.

Doon na siya muling nakipagkita sa kaniyang kaibigan upang humingi ng tulong. Wika nito, “Naku naman, Emely, buong akala ko, maalwan na ang buhay mo dahil sa mga post mo sa social media, ‘yon pala, wala ka nang pera!” dahilan para siya’y mahiya.

“Ewan ko ba, bigla na lang akong nahumaling sa pagpapakitang gilas sa social media katulad ng dati nating kaibigan,” nguso niya pa.

“Magkaiba kayo, Emely, sa totoo lang. Hindi siya nagpapakitang gilas, binabahagi niya lang kung anong nangyayari sa buhay niya. Kita mo, hanggang ngayon, hindi siya naghihirap dahil naging madiskarte siya kahit mayaman na ang asawa niya. Ayos lang sanang mahumaling ka sa social media basta gamitin mo iyon sa mabuting paraan. Hindi lang para magmayabang,” pangaral pa nito sa kaniya na labis niyang ikinatungo.

Sa pagkakataong iyon, tuluyan niyang napagtantong tila nasira ng inggit ang payapa niyang buhay. Kung naging kontento lang sana siya sa kung anong mayroon siya at naging masaya sa maalwang buhay ng dating kaibigan, sana ngayo’y may trabaho pa siyang nagpapagaan ng buhay niya.

Simula noon, kasabay nang paghahanap niya ng trabaho, nilimitahan niya na rin ang paggamit ng social media upang maiwas sa pagkainggit sa mga taong naroon.

Sa ganitong paraan, mas napagtuunan niya na ng pansin ang bago niyang trabaho sa isang mall, nabigyan niya pa ng oras ang kaniyang anak.

Advertisement