
Tinulungan ng Pilay at ng Bata ang Kapwa Pulubi; Hindi Nila Akalaing May Nagmamatyag pala sa Kanilang Mag-ama
Lukot-lukot man ang damit na binili sa ukay-ukay ay pilit na nagpapakapormal itong si Mang Gerry. Naghahanap kasi ito ng trabaho nang sa gayon ay maialis niya ang anak sa lansangan.
Dating empleyado sa isang pabrika itong si Mang Gerry. Dahil kasama sa unyon ng mga manggagawa ay isa siya sa natanggal sa trabaho nang magkaroon ng bagong namamahala sa kompanyang pinagtatrabahuhan.
Mula noon ay iniwan na siya at ang nag-iisang anak ng kaniyang asawa. Ang masaklap pa noon ay naaksidente pa siya habang naghahanap ng trabaho dahilan upang mapilay ang isa niyang paa.
Hindi na alam ng ginoo ang kaniyang gagawin dahil nga bukod sa pisikal na kaanyuan ay wala naman talagang siyang tinapos na pag-aaral. Kaya ganoon na lang ang hirap ng buhay niya at ng kaniyang anak na si Buboy.
Bitbit ang anak, hindi pa man nakakapasok ng mga gusali ay pinagtatabuyan na agad siya dahil sa kaniyang itsura. Tila napaka-imposible na makakuha siya ng trabaho na sasapat para sa kanilang pangangailangan ng anak.
“Tatay, p’wede po muna ba tayong magpahinga? Pagod na pagod na po kasi ako sa kakalakad. Nauuhaw at nagugutom na rin po ako,” saad ni Buboy sa ama.
“Kaunting tiis na lang, Buboy. Tingin ko ay makakahanap ako ng trabaho ngayong araw,” saad pa ng ginoo.
Tiningnan ni Mang Gerry ang laman ng kaniyang bulsa at nakakita siya ng bente pesos. Tanging ito na lang ang pera niya. Hindi niya alam kung paano ito pagkakasyahin sa buong maghapon.
Binili ni Mang Gerry ang anak ng biskwit at ice tubig. Pagsapit ng gabi ay naglatag na lang sila ng anak kung saan sila maabutan.
Hindi maiwasan ng ginoo ang maiyak dahil sa kalagayan ng anak. Hindi na siya makapaghintay pa ng umaga upang makahanap muli ng trabaho.
Sinubukan ni Mang Gerry na bitbitin ang anak sa may palengke. Kahit pagkakargador ay papatusin na niya.
“Sa iba ka na lang maghanap! Ano naman ang gagawin ng isang pilay na tulad mo rito?! Kailangan namin dito ay mabilis ang kilos!” saad ng isang ale.
Nilibot ni Mang Gerry kasama si Buboy ang buong palengke, ngunit walang tumanggap sa ginoo.
Kumakalam na ang sikmura ng mag-ama. Kaya dinala ni Mang Gerry ang anak sa isang karinderya. Binilhan niya ito ng isang order ng kanin at nanghingi ng isang tasang sabaw. Mabuti na lang at mabait ang tindera at binigyan rin si Mang Gerry ng isang tasang sabaw at kanin.
Pinagsaluhan ng mag-ama ang unang kain nila ng araw na iyon. Tanging limang piso na lang ang natitira sa bulsa ni Mang Gerry. Batid niyang bukas ay problema na naman ang kanilang pagkain.
Maya-maya ay may isang matandang lumapit sa mag-ama. Nanghihingi ito ng makakain at ilang araw na rin daw hindi pa kumakain.
Sa labis na awa ni Mang Gerry ay pumunta siya muli sa karinderya at nagpumilit na bumili ng limang pisong kanin. Nanghingi muli siya ng sabaw sa tindera.
“Pasensya na kung kalabisan na ito. May isang matanda kasing nagugutom din sa labas. Ito lang ang kaya kong ibigay sa kaniya,” pakiusap ng ginoo.
Pagbalik ni Mang Gerry ay binigay niya ang kanin at sabaw na binili sa karinderya.
“P-pasensya na po kayo at iyan na lang talaga ang kinayanan ng pera ko. Tulad n’yo po kasi ay palaboy-laboy lang kami ng anak ko,” saad ng ginoo.
Inalok ng matanda ang mag-ama upang kumain muli.
“Kainin n’yo na po, tatang. Baka mamaya ay mawalan kayo ng malay dito sa lansangan dahil sa sobrang gutom. Higupin n’yo na po ang sabaw habang mainit pa, para mainitan din ang inyong sikmura,” saad pa ni Mang Gerry.
“Maraming salamat. Mabuti ang kalooban n’yong mag-ama. Matanong ko lang, bakit nga ba narito kayo sa lansangan? Noon ba ay hindi ganito ang buhay n’yong mag-ama?”
“Mahabang istorya po — mapait na istorya sa totoo lang. Pero hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa nitong si Buboy. Alam kong isang araw ay makakahanap din ako ng trabaho. Hindi ko kasi makayanan na nasa lansangan lang ang anak ko. Hindi ito ang buhay na gusto ko para sa kaniya. Kaso, ano naman ang laban ng isang baldado at walang pinag-aralan na tulad ko? Ipinagdadasal ko na lang na sana gumawa ang Diyos ng paraan upang mabago ang buhay naming mag-ama, lalo na nitong anak kong si Buboy,” pahayag pa ng ginoo.
“Baka naman talagang hindi pang-empleyado ang tulad mo. Ano ba ang hilig mong gawin?” tanong pa ng matanda habang kumakain.
“Naku, magaling pong magluto ang tatay ko hindi n’yo lang naitatanong! Lahat nga po ng mga kapitbahay namin ay sarap na sarap sa luto niya. Kaya nga rin po nahulog sa kaniya ang nanay ko dahil raw sa galing magluto ni tatay. Kaso hindi pala sapat ang galing ng pagluluto para hindi umalis itong si nanay sa amin,” biglang nalungkot itong si Buboy.
“Huwag na kayong malungkot. ‘Ika nga ng iba, baka talagang hindi nagtatagal sa buhay natin ang ibang tao dahil una pa lang ay hindi na sila dapat kabilang nito. Maraming salamat nga pala sa pagkain na binigay ninyo at nabusog ako. Nawa ay isang araw ay muli tayong magkita. Sa pagkakataong iyon ay pakiramdam kong iba na ang buhay n’yo,” saad pa ng matandang pulubi.
Naghiwalay ng landas ang mag-ama at ang matandang lalaki.
Kinabukasan ay nagpatuloy pa rin sa pakikibaka sa hamon ng buhay ang mag-amang Gerry at Buboy. Sa pagkakataong ito ay naghanap na lang sila muna ng mga kalakal upang maibenta sa junkshop. Kahit paano ay naitatawid nito ang kanilang pang-araw-araw na pagkain.
Isang araw ay nagulat na lang si Mang Gerry nang isang mayamang matandang lalaki ang biglang tumawag sa kaniya.
“Natatandaan mo pa ako?” tanong ng matandang lalaki.
“Pasensya na po pero hindi ko po kasi kayo kilala. Nagkita na po ba tayo dati?” pagtataka ni Mang Gerry.
“Ako ito, Gerry. Ako ang matandang lalaking pulubi na tinulungan n’yo noong isang gabi. Sa totoo lang ay hindi naman talaga ako pulubi. Ginawa ko lang iyon upang subukin kung karapat-dapat nga kayo sa tulong na aking ibibigay,” saad ng ginoo.
Pilit pa ring pinoproseso ni Mang Gerry ang mga pangyayari.
“Alam mo, matagal ko na kayong sinusubaybayan ng anak mong si Buboy. Alam ko ang mga hirap na inyong dinaranas mula sa kumakalam na sikmura, mga gabing namamaluktot kayo sa lamig at sa lamok, hanggang sa pagtabuyan kayo sa mga pinag-a-aplayan mong trabaho. Ngunit kahit ganoon ay may pagkakataon ka pa ring tumulong sa isang nangangailangang matandang pulubi, kahit na walang wala ka na. Kahit na iyon na lang ang nalalabi mong pera at hindi mo alam kung paano na kayo kinabukasan. Pinahanga mo ako nang lubusan. Kaya naman tulad ng sinabi ko sa iyo, sa muli nating pagkikita ay magbabago na ang buhay n’yo,” saad pa ng matanda.
Binigyan ng matandang ginoo ng isang “food truck” at pampuhunan ang mag-ama. Bukod sa pagtitinda ay maaari na rin silang matulog dito pansamantala habang pinapaayos ng matandang ginoo ang kanilang malilipatang bahay.
“Ginoo, sobra-sobra po ang binigay ninyong ito sa amin. H-hindi ko po ito matatanggap!” naluluhang sambit ni Gerry.
“Hindi labis ang mga ito. Noong gabing iyon ay ibinigay mo ang lahat ng perang mayroon ka para makakain lang ako. Kaya ito ang sukli sa iyong kabutihan!” dagdag pa ng mayamang ginoo.
Napaluhod at napaiyak sa labis na kaligayahan si Gerry. Niyakap niya ang anak na hindi rin makapaniwala sa mga biyayang kanilang natatanggap.
“Maraming salamat po! Maraming maraming salamat! Hindi n’yo lang po alam kung paano nito babaguhin ang buhay naming mag-ama. Ngayon ay hindi na matutulog sa lansangan ang anak ko! Makakakain na rin siya sa oras at higit sa lahat ay makakapag-aral!” pagtangis pa ni Mang Gerry.
Ngayon ay nakatira na sa isang maayos na bahay ang mag-ama. Naging patok ang kanilang negosyong food truck dahil sa sarap magluto ni Mang Gerry. Dahil dito ay lumago ang kanilang negosyo. Ngayon ay hindi na mabilang ang food truck ng mag-ama na nakakalat sa buong bansa.
Hindi lang basta negosyo ang pinagkakaabalahan ng mag-ama. Ang kanilang food truck ay nagbibigay rin ng mga libreng pagkain para sa mga pulubi.
Talagang hindi nasayang ang regalong handog ng matandang lalaki sa mag-ama. Dahil hanggang sa huli ay kabutihan pa rin ng puso ang pinaiiral ni Mang Gerry. Isa itong pagtanaw sa dating katayuan ng buhay nilang mag-ama.