
Inis na Inis ang Binata sa Pagiging Makalilimutin ng Ina; Ikadudurog ng Kaniyang Puso ang Dahilan Nito
Panay ang busina ni Marcus habang nasa loob ng kaniyang sasakyan at hinihintay ang paglabas ng kaniyang inang si Edna mula sa kanilang bahay.
“‘Ma, bilisan mo naman! Mahuhuli na tayo sa appointment mo! Hindi ko na kayang mag-leave pa sa trabaho sa susunod!” naiinis nang sigaw ng binata.
“Sandali na lang, anak, at heto na ako!” pasigaw ring sagot ng ina.
Ilang sandali pa at lumabas na rin ang ina at agad na sumakay sa kotse ng anak.
“‘Ma, tingnan mo kung anong oras na! Sabi ko naman sa inyo ay gumayak kayo nang maaga. Kapag nahuli na naman tayo sa nakatakdang oras ay sa susunod na araw na naman tayo pupunta. Hindi na ako p’wedeng lumiban sa opisina! Ilang beses na natin itong napag-usapan, ‘di ba?” naiiritang saad pa ng binata.
“Pasensya ka na, anak, at nawala sa isip ko. Sige na, paandarin mo na ang sasakyan at baka talagang mahuli na tayo. Malaking tulong sa akin kapag nakuha ko na ang pensyon ng papa mo,” muling sambit ni Edna sa anak.
Dahil tinanghali na nga ay naipit na sa mabigat na trapiko ang sinasakyan ng mag-ina. Iritang-irita si Marcus dahil marami pa siyang kailangang gawin.
Makalipas ang ilang oras ay nakarating na rin sila sa kanilang pupuntahan. Pasarado na sana ito kaya nakiusap pa si Marcus.
“Malayo pa kasi ang pinanggalingan namin at naipit kami sa trapiko. Baka naman p’wede n’yo nang pagbigyan itong mama ko. May edad na rin naman siya at mapapagod na siya kung magpapabalik-balik pa,” pakiusap ni Marcus.
Pinahintulutan naman ng guwardiya na makapasok pa ang mag-ina, ngunit nang tawagin na ang pangalan ni Edna ay pilit siyang may hinahanap sa kaniyang bag.
“‘Ma, kanina pa po kayo tinatawag ng klerk, pumunta na po kayo sa counter!” sambit ni Marcus.
“Oo, naninirig ko nga, Marcus. Pero wala kasi rito sa bag ko ang mga papeles na kailangan ko. Alam ko nilagay ko lang dito sa loob ‘yun, e!” pag-aalalang sambit ni Edna.
“Baka naman naiwan n’yo sa sasakyan. Sandali at babalikan ko!”
Hinanap na ni Marcus kung saan-saan ngunit wala siyang nakita.
“‘Ma, wala talaga sa sasakyan. Sigurado po ba kayong nadala n’yo?” tanong ng binata.
“H-hindi ko maalala, e,” tugon ng ina.
Dahil sa tagal ng paghihintay ay napilitan na ang mga klerk na magsara.
“Bumalik na lang po kayo sa susunod na araw. Hindi po namin maipo-proseso ang pensyon kung wala po ang mga kaukulang papeles,” saad ng klerk.
Labis na nainis itong si Marcus, lalo na nang makita niyang naiwan pala sa bahay ng ina ang mga papeles.
“Sinabi ko na po sa inyo na siguraduhin n’yong nakaayos na ang lahat bago tayo umalis. Ang tigas talaga ng ulo n’yo! Paano ‘yan ngayon? Hindi ko alam kung kailan ko pa kayo p’wedeng samahan ulit!” sambit ni Marcus sa ina.
“Hayaan mo na, anak. Ako na lang ang magpupunta sa susunod. Alam ko naman na kung paano pumunta,” wika naman ni Edna.
“Kaya n’yo pa bang magmaneho?”
“Kayang-kaya pa. Nagpasama lang naman ako sa iyo dahil hindi ko kasi alam ang gagawin ko sa tanggapan. Baka mamaya ay kung anu-ano ang hingin sa akin. Ngayon ay alam ko na kaya p’wedeng hindi mo na ako samahan,” saad pa ng ina.
Laging nag-iinit ang ulo nitong si Marcus sa pagiging makakalimutin ng kaniyang ina. Lalo na sa mga mahahalagang bagay. Minsan pa ay napasugod siya sa bahay nito dahil ang balita ay muntik na raw magkasunog dahil naiwan ng kaniyang ina ang pinapakulong baka. Umalis ito papuntang simbahan.
“Binirahan n’yo ng alis, alam n’yong nagluluto kayo! Ano ba namang klaseng pag-iisip ‘yan, ‘ma! Paano na lang kung nasunog ang bahay? Mabuti na lang at iniwan n’yo ring bukas ang pinto at naisara ng mga kapitbahay natin ang kalan. Tingnan n’yo, iniwan n’yong nakabukas ang pinto. P’wede kayong nakawan!” sermon ng anak.
“Buong akala ko talaga ay naisara ko na kasi ang kalan. Huwag ka nang magalit at ayos naman ako. Pasensya ka na at naabala ka pa. Hindi na mauulit,” dagdag pa ng ina.
Hindi na maintindihan ni Marcus ang nangyayari sa kaniyang ina. Naiisip niya tuloy ay malungkot pa rin ito dahil sa pagkawala ng kaniyang ama kaya palaging nasa iba ang isipan.
Isang araw ay umalis si Edna upang pumunta ulit sa tanggapan para asikasuhin muli ang pensyon ng nasirang asawa.
Dumaan muna siya sa isang restawran para bumili ng inumin, saka siya tumuloy sa pupuntahan.
Kinagabihan ay nag-aalala na itong si Marcus. May usapan kasi sila ng ina na doon siya sa bahay nito maghahapunan. Pagdating ni Edna sa bahay ay agad siyang sinalubong ng anak.
“Saan po ba kayo nanggaling, ‘ma, at ngayon lang kayo? Akala ko ba ay sabay tayong maghahapunan? Sa tingin ko ay wala pa kayong naluluto! Huwag n’yong sabihing nakalimutan mo na naman!” sambit ni Marcus.
“Inasikaso ko kasi ang pensyon ng papa mo. Sinabi ko na sa’yo, ‘di ba?” tugon naman ni Edna.
“Akala ko ba ay magmamaneho kayo? Bakit parang namasahe lang kayo? Nasaan ba ang sasakyan mo, ‘ma? Sira ba?” tanong muli ng anak.
“Sasakyan? Oo nga! May dala akong sasakyan kanina. Naku, naiwan ko sa restawran! Bumili kasi ako ng maiinom. Tapos noon ay nag-taxi na lang ako papunta sa appointment ko. Sabi ko na ay may nakalimutan ako, e!” tugon naman ng ginang.
‘’Ma naman! Paano mo nakalimutan ang sasakyan, e, ang laki-laki no’n?! Ano ba naman ang nangyayari sa inyo?” padabog na sambit muli ng binata.
Nag-isip nang mabuti itong si Marcus, saka niya napagtanto na baka hindi lang basta malungkot ang kaniyang ina. Lahat ng kaniyang galit ay napalitan ng pag-aalala.
“Hindi ako papasok bukas, ‘ma, may appointment ka kay Doctor Suarez at sasamahan kita,” sambit ng binata para hindi makatanggi ang ina.
“Mayroon akong appointment? Nakaligtaan ko na naman. O, siya, sige at ipagmaneho mo na nga ako baka mamaya ay kung saan ko na naman maiwan ang sasakyan,” natatawa pang saad ni Edna.
Halos buong gabing hindi nakatulog si Marcus sa kakaisip ng kalagayan ng ina. Kinabukasan ay maaga silang umalis ng ina upang magpasuri sa doktor.
Isang linggo ring hindi napakali itong si Marcus sa paghihintay ng resulta, hanggang isang araw ay tumawag si Doktor Suarez.
“Alzheimer’s disease? Kaya nakakalimot na ang mama ko dahil may malubha siyang karamdaman? Dok, paano ito magagamot?” tanong pa ni Marcus.
“Ikinalulungkot kong sabihin, Marcus, na wala pang lunas sa sakit ng mama mo. Maaari lang akong magbigay ng gamot para mapabagal ang paglimot niya pero hindi nito mapapagaling ang mama mo nang tuluyan,” pahayag pa ng doktor.
Habang sinasabi ng doktor sa binata ang mga maaaring mangyari sa kaniyang ina ay patuloy ang pagpatak ng kaniyang luha. Hindi niya akalain na dumaranas na pala ang ina ng matinding karamdaman.
Pag-uwi niya ay hindi sinabi ni Marcus sa ina ang tunay na kalagayan nito, bagkus ay niyakap na lang niya ito.
“Ayos naman daw kayo, ‘ma, sabi ni Dok Suarez. Pero kasi napagtanto kong nami-miss ko na pala ang mga luto n’yo kaya naisipan kong dito na muna tumira ulit. P’wede po ba, ‘ma?” tanong ng binata.
Masayang masayang sinagot ni Edna ang anak.
“Aba’y oo naman! Dati ko pa sinasabi sa iyo na hindi mo naman kailangang umalis dito sa bahay. Aayusin ko na agad ang kwarto mo nang sa gayon ay makalipat ka na kaagad. Hindi mo lang alam kung gaano mo ako napasaya, Marcus!”
Pilit na pinipigil ni Marcus ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.
Mula nang araw na iyon ay nakapagdesisyon siya na itago na lang sa ina ang tunay na kalagayan nito. Mas bibigyan at paglalaanan na niya ito ng oras. Mananatili siya sa tabi nito hanggang sa kaniyang makakaya, dahil alam niya na maaaring isang araw ay tuluyan na ring mawala sa kaniya ang pinakamamahal na ina.