
Pinagtitripan ng Isang Bully ang Payat na Kaklase; Isang Bagong Salta ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral
Unang araw pa lang ng klase ay naghahasik na ng kasamaan ang estudyanteng si Brando. Komo malaki ang pangangatawan ay wala siyang ibang ginawa kung hindi i-bully ang mga kaklaseng mas maliit sa kaniya. Habang nagpapatuloy ang ibang estudyante sa paghahanap ng kanilang mga silid-aralan ay pinagtitripan naman ng binatilyo ang kaklaseng si Mike.
“Gusto mong umuwi ng may pasa sa katawan? Ibigay mo na sa akin ang lahat ng baon mo! Ang tigas ng ulo mo, a!” bulyaw ni Brando sa patpating kaklase.
“Sinabi ko na nga sa iyo na hindi ako binigyan ng pera ng nanay ko, Brando! Pinagbaon lang niya ako ng pagkain! Kung gusto mo ay kapkapan mo pa ako!” naiiyak na sa takot si Mike.
“Sige, p’wede na ‘tong pagkain mo! Tutal masarap namang gumawa ng sandwich ang nanay mo!” sambit pa ng barumbadong binatilyo.
Nang makuha ni Brando ang baong pagkain ni Mike ay saka lang niya ito tinigilan.
“Sa susunod, damihan mo ang baon mong pagkain para nakakain ka rin!” tatawa-tawang sambit pa nito.
Habang inaayos ni Mike ang kaniyang sarili ay nilapitan siya ng isa pang binatilyo.
“Ayos ka lang ba? Nakita ko kanina na sinasaktan ka ng lalaking ‘yun!” wika ni Allen, bagong salta sa paaralan.
“Ayos lang ako, salamat,” sagot naman n Mike.
“Ako nga pala si Allen, bago lang ako rito sa paaralan. Maaari mo bang ituro sa akin kung nasaan ang silid na ito? Kanina pa kasi ako paikot-ikot pero hindi ko makita,” dagdag pa ng binatilyo.
“Magkaklase pala tayo! Tara at sumama ka na lang sa akin. Pero sinasabi ko na sa iyo, kapag naging kaibigan mo ako ay baka pagtripan ka rin ni Brando. Ako lang kasi ang lagi niyang kinakayan-kayanan sapagkat alam niyang hindi ako makakalaban sa kaniya,” saad pa ni Mike.
“Huwag kang mag-aalala. Hindi naman ako mahilig makipag-away, saka wala sa akin kung pagtitripan niya ako. Magiging kaibigan kita kasi mukha ka namang mabait. Matagal na bang naghahari-harian dito ‘yung lalaking ‘yun? Para kasing lahat ng estudyante ay ilag sa kaniya,” muling sambit ni Allen.
“Oo, basta lahat kami ay ayaw makabangga ‘yang si Brando. Malakas pa naman ‘yan sa principal kasi kumpare ng lolo niya. Kaya kahit anong sumbong namin ay nakakalusot siya!”
“Hindi dapat hinahayaan ang mga taong may gano’ng ugali. Ang akala siguro niyang si Brando ay habangbuhay siyang nasa itaas. Sabagay, hayaan na natin siya. Baka hindi lang siya mahal sa bahay nila,” natatawang saad pa ni Allen.
Pagpasok pa lang ng dalawa sa silid-aralan ay sinalubong na sila ni Brando at mga kaibigan nito.
“Aba’t may kasamang bagong mukha itong si patpating Mike. Sa hilatsa pa lang ng mukha nitong bagong salta na ito ay mukhang mahina rin kagaya nitong kaibigan niya!” natatawang kantiyaw ni Brando.
“Ikaw, bago ka rito at dapat ay alam mo ang kalakaran. Ako ang masusunod rito kung hindi ay sasamain ka rin sa akin tulad niyang bago mong kaibigang lampa!” dagdag pa ng binatilyo.
“Sige, kung iyon ang sabi mo. Ngayon ay p’wede na ba kaming umupo? Nakaharang ka kasi sa daraanan namin,” saad naman ni Allen.
Dahil sa ginawa ng bagong estudyante ay lalong uminit ang ulo nitong si Brando.
“Sumagot ka ng maayos sa akin kung ayaw mong baliin ko ang buto mo at hindi ka na makapasok rito. Hindi ka ba natatakot sa katawan ko? Kaya kitang dikdikin sa isang kamao ko lang!” bulyaw pa ni Brando.
“Maaaring tama nga ang sinabi mo. Pero nagpunta ako sa paaralan na ito upang mag-aral at makipagkaibigan. Hindi para makipag-away. Kung kating-kati ka makipag-away ay hindi ako ang tamang taong kailangan mo,” kalmadong sagot muli ni Allen.
Dahil hindi na nakapagtimpi si Brando ay nais na niyang pakitaan ng pagiging basagulero niya itong si Allen. Tangka sana nitong sasapakin si Allen nang mabilis itong umiwas at saka siya binigwasan.
“Sabi ko na nga ba at ampaw lang ang laki ng katawan mong iyan! Uulitin ko sa iyo, hindi ko hangad na makipag-away. Ang nais ko lang ay mag-aral at makipagkaibigan. Pero kapag kinanti mo pa ako o kung sino mang kaklase natin rito, lalo na itong si Mike ay hindi ako magdadalawang isip na gantihan ka,” babala pa ng binata.
Talagang nasaktan itong si Brando. Sa sobrang init ng ulo niya ay muli niyang tangkang sasapakin si Allen ngunit nakaiwas na naman ito. Sa pagkakataong ito ay itinulak lang siya ni Allen ng walang kahirap-hirap hanggang sa mapaupo siya sa sahig.
Tiyempo naman ang pagpasok ng kanilang guro.
“A-anong nangyayari rito? Nakikipag-away ka na naman ba, Brando?” bungad ng guro.
“H-hindi po, ma’am, natalisod lang po siya dahil nakaharang ang mga gamit ko. Pasensya ka na, Brando,” tugon naman agad ni Allen. Saka niya tinulungang tumayo ang barumbadong binata.
“Akala ko ay pinagtitripan mo rin ang bago nating estudyante. Mga mag-aaral, siya nga pala si Allen Pereira. Kakalipat lang ng pamilya nila rito sa atin. Galing siya sa ibang bansa. At ang balita ko sa kaniyang mga magulang ay isang magaling na black belter sa martial arts itong si Allen. Siguro, sa susunod ay maaari niya tayong pakitaan ng kaniyang talento. Pero sa ngayon ay kailangan na muna nating magsimula sa ating aralin. Magsi-upo na kayong lahat,” pahayag naman ng guro.
Labis na napahiya sa mga kaklase itong si Brando. Kahit ano’ng gawin niya at ng kaniyang mga kaibigan ay hindi na natatakot sa kanila ang ibang mag-aaral. Napag-alaman rin kasi na bukod sa galing ni Allen sa martial arts ay kamag-anak din nito ang direktor ng naturang paaralan kaya tunay na wala nang laban itong si Brando.
Tumigil na si Brando sa ginagawang pambabarumbado sa kaniyang mga kaklase dahil nakakita na siya ng katapat. Sobrang tuwa ni Mike at ng iba pa dahil ngayon ay makakapag-aral at makakakilos na sila sa paaralan nang matiwasay at walang nang-aagrabyado sa kanila.
Ngunit sa totoo lang ay hindi naman gagamitin ni Allen ang kaniyang kakayahan kay Brando para sa sarili niyang kapakanan. Nais lang niyang takutin ang binata nang sa gayon ay matigil na ang paghahari-harian nito sa paaralan.