Inday TrendingInday Trending
Pinagsalitaan ng Masama ng Dalaga ang Kinilalang Ina; Kakainin Niya rin ang Lahat ng Kaniyang Sinabi

Pinagsalitaan ng Masama ng Dalaga ang Kinilalang Ina; Kakainin Niya rin ang Lahat ng Kaniyang Sinabi

“Itlog at tuyo na naman ang ulam? Kailan ba talaga ako makakakain ng masarap na ulam sa bahay na ito? Mabuti pa ang ibang kasing edad ko ay nakakakain ng masarap, samantalang ako ay puro ganito lang ang nakakain,” naiiritang sambit ni Jasmin.

“P-pasensya ka na, anak. Hindi kasi sapat ang kinita ko ngayong buwan. Nagbayad ako ng mga utang para sa matrikula mo. Hayaan mo, kapag lumakas-lakas ang kita ay bibilhan kita ng paborito mong manok,” saad naman ng inang si Yolly.

“Puro ganyan na lang ang sinasabi mo! Hindi na ako kakain kasi mangangamoy tuyo na naman ako at baka tuksuin pa ako ng mga kaklase ko. Gagayak na ako nang makapasok na sa eskwela,” sambit pa ng dalaga.

Gabi pa lang ay plantsado na ang mga uniporme ni Jasmin. Paggising niya pa sa dalaga ay nakahain na ang pagkain. Kahit na kaya na niya ang kaniyang sarili at puyat mula sa pagtitinda sa punduhan ang ina ay pinagsisilbihan pa rin siya nito.

Ngunit ibang buhay ang gusto ni Jasmin. Sawang-sawa na siya sa mahirap niyang buhay. Inggit na inggit siya sa mga kamag-aral niyang nabibili ang lahat ng gusto dahil mayayaman ang kanilang pamilya.

Pagdating ni Jasmin sa eskwela ay sinalubong agad siya ng kaniyang mga kaibigan.

“Jasmin, nagpaalam ka na ba sa nanay mo? Sagot mo na lang ang hinihintay! Lahat ng barkada ay sasama na sa outing,” saad ng isang kaibigan.

Alam ni Jasmin na imposible siyang payagan ng kaniyang ina dahil nga sa sitwasyon ng kanilang buhay. Pagkain nga ay problema nila. Saan naman siya hahanap ng pera panggastos para sa outing na iyon?

“M-marami pa kasi akong kailangang gawin. Saka aalis rin kami ni nanay ng araw na ‘yun. Importante kasi ang lakad namin kaya hindi ako makakasama,” tugon ng dalaga.

“Ang sabihin mo ay hindi ka pinayagan dahil wala ka namang pambayad. Bakit kasi ang hirap masyado ng buhay n’yo, Jasmin? Lahat naman ay imposible sa iyo dahil lagi kang walang pera!” saad ng isa pang dalaga.

“Huwag n’yong sabihin na hindi matutuloy ang outing nang dahil na naman kay Jasmin. Hayaan na lang natin siyang hindi sumama. Ituloy na lang natin ang outing. Hindi naman natin kasalanan na wala siyang panggastos!” saad pa ng isang kaibigan.

“S-sige, wala namang kaso sa akin kung ituloy ninyo ang outing nang wala ako. Ayos lang sa akin,” nahihiyang sambit pa ni Jasmin.

Sa totoo lang ay labis ang hinanakit nitong si Jasmin dahil sa sinabi ng ilang kaibigan. Lalo siyang naiinis sa kaniyang ina dahil lumaki siyang mahirap.

Pag-uwi ng bahay ay mainit muli ang ulo nitong si Jasmin. Hindi naman maiwasan ni Yolly na pansinin ang anak.

“Ano ba ang ipinagmamaktol mo riyan, anak? May nangyari ba sa eskwela?” tanong ni Yolly.

“Nagmamaktol? Pinahiya na naman ako ng mga kaibigan ko dahil hindi na naman ako makakasama sa outing dahil wala tayong pera!” pabalang na sagot ng anak.

“Anak, kung pinapahiya ka ng mga ‘yan, hindi ba dapat magsimula ka nang mag-isip kung kaibigan mo talaga sila? Hindi naman importante ang outing na ‘yan. Mas kailangan natin ang pera para sa pang matrikula mo,” paliwanag pa ng ina.

“Lagi na lang ganiyan! Laging hindi ako makasama dahil sa mahirap tayo! Bakit kasi pinanganak ako sa pamilyang ito? Hindi na nga kumpleto ang pamilya ay wala pang pera! Kung p’wede lang sanang mamili ng magulang!” galit na galit na sigaw ni Jasmin.

Labis ang sama ng loob na naramdaman ni Yolly dahil lang sa mga sinabi ng kaniyang anak.

“A-ayaw mo na ng buhay mo dahil mahirap lang tayo? Siguro nga isang pagkakamali na inako ko pa ang lahat ng responsibilidad ko sa iyo. Kung ayaw mo na sa akin at sa buhay na kaya kong ibigay ay p’wede ka nang bumalik sa tunay mong mga magulang,” saad pa ni Yolly habang patuloy sa pagluha.

Nagulat naman ni Jasmin nang lumabas ang katotohanan, ngunit kahit paano ay nais na rin niyang makita ang tunay na mga magulang. Baka sakaling mas maging maganda ang takbo ng kaniyang buhay doon.

Hinanap ng dalawa ang tunay na mga magulang ng dalaga. Hindi nagtagal ay natagpuan rin nila ito. Sa laki pa lang ng bahay sa labas ay mahahalata mong maykaya ang mga magulang ni Jasmin.

“Tinago mo sa akin ang katotohanan at pinagkait mo sa akin ang buhay na ito? Makasarili ka! Pagpasok ko sa bahay na ito ay kakalimutan na kita!” wika pa ni Jasmin.

Masakit man kay Yolly ay tinanggap na niya ang katotohanan. Alam rin naman niya noon pa na darating rin ang araw na pagtatapat niya sa anak-anakan ang totoo. Hindi lang siya nakahanda sa lahat ng mga binitawang salita ng dalaga.

Buong akala ni Jasmin ay may magandang buhay na naghihintay sa kaniya. Ang hindi niya alam ay isang kasambahay sa malaking bahay na iyon ang kaniyang tunay na ina.

“Yolly, ano ang ginagawa n’yo rito? Hindi ba’t nagkaroon na tayo ng kasunduan? Huwag mong sasabihin sa akin na isasauli mo sa akin ang batang iyan!” bungad ng ginang.

“G-gusto ka raw makilala ng anak mo. Nais niyang umuwi na sa inyo at mabuo ang inyong pamilya,” saad pa ni Yolly.

“Sinabi ko na sa iyo noon na pinuputol ko na ang pagiging magulang ko sa kaniya. Responsibilidad mo na siya ngayon. Ang dami ko nang anak at hindi ko na kaya pa ng isa! Hindi ko na nga alam kung saang kamay ng Diyos ko kukunin ang ipapakain sa mga anak ko! Sige, kung uuwi siya sa akin ay kailangan niyang magtrabaho para matulungan niya ako sa iba pa niyang mga kapatid!” mariing sambit pa ng tunay na ina.

Dahil nais ni Jasmin na panindigan ang kaniyang mga sinabi ay nagpumilit siyang tanggapin ng tunay na ina.

Isinama siya nito sa probinsya upang ipakilala sa ilang kapatid. Dahil nga mas mahirap pa ang kanilang buhay ay kailangan ni Jasmin na tumigil ng pag-aaral at maghanapbuhay para sa kaniyang pamilya.

Paggising pa lang niya sa umaga ay wala nang pagkain, ni hindi nga siya pinaghahandaan ng kahit mainit na kape man lang ng kaniyang ina. Madalas pa siya nitong makagalitan dahil pabigat daw ito sa kanilang buhay kahit na ginagawa naman ng dalaga ang lahat para matanggap siya nito.

Sa pagkakataong iyon ay naalala ni Jasmin ang kaniyang Nanay Yolly at kung paano nito gawin ang lahat para lang maibigay sa kaniya ang lahat ng pangangailangan.

Isang araw ay nagulat na lamang ang ginang nang makita sa labas ng kaniyang bahay ang anak-anakan.

“Jasmin, a-anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t dapat ay nasa probinsya ka kasama ang pamilya mo?” pagtataka ni Yolly.

“Umalis na po ako sa amin, ‘nay! Hindi ko na po kasi kaya ang buhay ko doon. Ayos lang po sana kung mahirap kami pero nagmamahalan. Walang araw na hindi ipinamukha sa akin ng tunay kong ina na hindi niya ako mahal at wala dapat ako sa puder nila. Sana po ay may puwang pa ako dito sa bahay, Nanay Yolly. Patawarin n’yo na po ako sa lahat ng mga sinabi ko!” pagtangis pa ng dalaga.

“Alam mong hindi kita matitiis, anak. Ikaw ang buhay ko. Simula nang napasa akin ka ay ipinangako ko talaga na gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay. Pasensya ka na kung ang buhay na ito lang ang nakayanan ko,” umiiyak ring sambit ni Yolly.

“Ako po ang dapat humingi ng tawad, ‘nay. Hindi n’yo na nga ako tunay na anak pero labis-labis ang pagmamahal na ibinibigay n’yo sa akin. Daig mo pa ang tunay kong mga magulang. Pero binalewala kong lahat ng iyon. Patawad po, nanay!”

Pinawi ng mga mahihigpit na yakap ang tampuhan ng mag-ina. Simula nang araw na iyon ay naunawaan na ni Jasmin ang maraming bagay. Labis na siyang nagpapasalamat sa mga maliliit na bagay na mayroon siya.

Isa pa, nilayuan na niya ang mga dalagang itinuturing niya noong mga kaibigan. Ngayon ay itinuon na lang ni Jasmin ang kaniyang isip sa pag-aaral. Nais niyang makapagtapos nang sa gayon ay siya na ang magbigay ng magandang buhay sa kaniyang Nanay Yolly.

Advertisement