
Umiiyak na Nakiusap ang Batang Lalaki sa mga Tauhan ng Ospital na Gamutin ang Kaniyang Nahihirapang Ina; Ngunit Pera ang Hiningi ng mga Ito sa Kaniya
“Miss, pakiusap, asikasuhin niyo ang mama ko!” umiiyak na pakiusap ng batang si Cyrus sa tauhan na nandoon sa mismong information desk. “Nahihirapan siyang huminga at hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa kaniya,” aniya.
Bahagyang nilingon ang inang nasa bisig ng kaniyang Ninang Mayette, pinapaypayan nito ang mama niyang nahihirapang huminga.
“Ano ba ang nangyari sa mama mo?” tanong ng babaeng staff, at bahagyang tiningnan ang kaniyang ina.
“Naglalaba lang po siya kanina, miss, tapos bigla na lang po’y hinahabol na niya ang kaniyang paghinga at hindi na niya kayang tumayo, kaya naisip kong dalhin na siya rito,” paliwanag ni Cyrus.
Ngunit imbes na kumilos na’t tulungan ang nahihirapan niyang ina’y kalmado lang na nakaharap sa selpon nito ang babaeng staff.
“Miss, hindi ka man lang ba gagalaw d’yan sa kinatatayuan mo upang tulungan ang mama ko?” tanong ni Cyrus.
Hindi siya makapaniwala sa inaakto ng babae. Nakikita na nitong hirap na hirap na ang mama niya, ngunit imbes na kumilos ito at matarantang tulungan ang mama niya’y nanatili lamang ito sa kinatatayuan at walang pakialam.
“Bata, may pang-downpayment ka bang dala d’yan kahit isang libo, para ma-proseso natin ang pagpapagamot ng nanay mo?” anang babae. “Pribadong ospital kasi itong pinuntahan niyo, kung wala kayong perang pang-downpayment, hindi kayo pwede rito. Kung gusto mo’y ilipat niyo na lang sa pampublikong ospital iyang mama mo,” dugtong pa nito.
Hindi makapaniwalang tiningala ni Cyrus ang babaeng staff ng ospital. “Nakikita niyo naman na nahihirapan na ang mama ko, miss. Hindi niya na kakayanin kung ililipat pa namin siya sa ibang ospital,” nakikiusap na wika ng batang lalaki.
Sa kabilang banda’y may isang lalaki ang lihim na nakikinig sa usapan nila at naaawa sa batang walang ibang nais gawin kung ‘di ang mailigtas ang nanganganib na buhay ng ina.
“Ito ang pinakamalapit na ospital na dinaanan namin. Wala na akong pakialam kung pampublikong ospital ito o pribado, dahil ang mahalaga’y isa itong ospital at gagamutin niyo ang lahat ng taong papasok rito dahil iyon ang dapat na gawin ninyo. Walang nakasulat sa labas na dapat may mga pera lang ang papasok sa ospital ninyo, kaya bakit ayaw niyong tulungan ang nanay ko?!” tumatangis nang wika ni Cyrus.
Hindi na napigilan ni Alexandre na makialam sa batang humahagulhol ng iyak habang kausap ang staff na animo’y walang pakialam sa desperadong bata, nilapitan niya ang umiiyak na bata at masinsinang kinausap ang babae.
“Miss, ako na ang magbibigay ng pang-down para asikasuhin niyo lang ang nanay ng batang ito,” ani Alexandre, saka humugot ng tatlong libo sa pitaka at binigay sa babae. “Pakibilisan ang pag-aasikaso para mailigtas pa ang nanay niya,” utos niya.
Natataranta namang inasikaso ng babae ang mga kakailanganin at agad na tinawag ang iba pang staff upang tulungan ang ina ng batang lalaki. Naisip ni Alexandre, na parang isang vending machine ang babaeng staff, kung hindi ito huhulugan ng pera’y hindi ito gagalaw at iyon ang nakakalungkot na katotohanan sa mundo.
Niyuko niya ang batang panay pa rin ang iyak habang sinusundan ang inang sakay ng wheel chair, na ngayon ay kinabitan na ng oxygen, dahil hirap itong huminga. Kapag wala kang pera, wala kang karapatang magkasakit, iyon ang nasaksihan niyang sitwasyon kanina.
Nang tuluyang nakapasok ang ina sa emergency room ay saka lamang siya nilingon ng batang si Cyrus. Namumugto ang mga mata nito sa labis na pag-iyak.
“Salamat po talaga, kuya ah. Ang laki ng utang na loob ko sa’yo at hindi ko alam kung paano ko iyon mababayaran,” humihikbing sambit nito. “Maraming-maraming salamat, kuya,” anito saka niyakap siya nang mahigpit.
“Magiging maayos din ang nanay mo, bata, kaya tumahan ka na,” ani Alexandre.
Sinamahan niya’t hindi iniwan ang batang si Cyrus hanggang sa idineklara ng doktor na nag-asikaso sa nanay nito ang balitang ligtas na ang ina nito at nalampasan na nito ang hirap na dinanas kani-kanina lang.
Bago niya iniwan si Cyrus ay iniwanan niya ito ng pera at pagkain, kung saka-sakaling may kailangan itong bilhin ay mabibili nito kaagad. At bago siya tuluyang lumabas sa ospital na iyon ay pinatawag niya muna lahat ng admin at nagtataasang opisyal sa ospital na iyon, upang ipaalam anb ginawa ng isa sa mga staff ng ospital.
Ang kaniyang ama ang may-ari ng ospital na iyon at isa rin siyang doktor pero hindi siya rito naka-assign. Nagkataon lang kanina na binisita niya ang branch na ito at narinig niya ang kawawang batang nakikiusap sa isa sa mga staff nila. Ngunit imbes bigyan ng aksyon ay binalewala nito ang pakiusap ng batang lalaki.
“Isa sa mga sinumpaan natin sa ating propesyon ay ang gamutin ang sinumang may sakit, may pera man o wala! Hindi ko lubos akalain na animo’y mga vending machine pala ang mga staff ng ospital na ito. Kailangan pa ng pera bago magawang gumalaw!” galit na salaysay ni Alexandre sa lahat ng naroroon.
“Ayoko na sanang maulit ang tagpong ito! Tanggapin ang kahit sinuman ang pumasok sa ospital natin. May pera man o wala, gamutin natin dahil una sa lahat iyon ang binitawan nating pangako!” aniya.
Pinagsabihan at masinsinang kinausap ni Alexandre ang babaeng staff na dapat baguhin nito ang ugaling nasaksihan niya kanina, bago pa man makapagdesisyon na tanggalin ito sa trabaho. Nangako naman ang babaeng hindi na ulit gagawin ang kagaspangang pag-uugali sa lahat ng pasyenteng hihingi ng tulong sa ospital nila.
Pribado man o pampubliko, basta ospital ay nararapat lang na gawin nila ang kanilang trabaho na manggamot ng may sakit – may pera man o wala.