Ikinahihiya ng Isang Dalagang Doktor ang Amang Nabaon sa Utang; Hindi Niya Akalain ang Dahilan Nito
“Sheena, bakit dala mo ang lahat ng gamit mo? Saan ka pupunta?” labis na pagkabigla ni Mang Ador nang makita niya ang anak na nakaempake at paalis ng kanilang bahay.
“Anak, sumagot ka! Bakit ka aalis? Saan ka pupunta?” muling sambit ng ama.
“Ako na ang bahala sa buhay ko, pa! Napapagod na ako na sa araw-araw! Parang walang patutunguhan ang buhay ko! Marami akong pangarap pero hindi ko lahat matutupad ‘yun kapag nakatali pa rin ako sa inyo! Kailangan ko nang umalis. Tatawag-tawagan ko na lang kayo,” sambit ni Sheena sabay alis ng kanilang bahay.
Pilit mang pinipigilan ni Mang Ador ang kaniyang anak ay tila buo na ang desisyon nito at wala na siyang nagawa pa.
Simula nang namayapa ang asawa ng panaderong si Mang Ador na si Aling Rebecca ay malaki na ang pinagbago ng anak na si Sheena. Dahil palaging abala sa panaderya itong si Mang Ador ay hindi na niya nasubaybayan ang paglaki ng kaniyang anak dahilan upang maging lubusang mapalapit din si Sheena sa kaniyang ina.
Ngunit nang pumanaw ito ay tila hindi alam ni Mang Ador kung paano pa patutunguhan ang dalaga. Sinusubukan man ay hindi alam kasi ng ginoo kung paano niya makukuha ang damdamin ng anak.
Marami rin kasi silang hindi pinagkakaunawaan. May mga pangangailangan si Sheena na hindi rin kayang ibigay ni Mang Ador tulad ng pagnanais nito na maging isang doktor. Pinakiusapan na siya ng ama na maghintay lamang at gagawa siya ng paraan upang makapasok siya sa unibersidad na kaniyang nais ngunit hindi na makapaghintay si Sheena.
Ito ang dahilan ng kaniyang pag-alis sa kanilang tahanan. Naniniwala siya na si Mang Ador ang humahadlang sa kaniyang mga pangarap.
“Sa tingin mo ba ay tamang iniwan mo na lang ng basta ganoon ang tatay mo, Sheena? Kahit hindi kayo nun malapit sa isa’t isa ay nag-aalala pa rin iyon sa’yo. Anak ka pa rin niya,” pahayag matalik na kaibigan na si Camille.
“Kung mananatili ako kasama ang papa ko ay wala akong mararating. Hindi pwedeng maging isang panadero na lang din ako. Kung hihintayin kong makaipon siya ay baka matanda na ako e hindi pa rin ako nakakapagdoktor. Ako na ang gagawa ng paraan sa sarili ko!” wika naman ni Sheena.
Pumasok sa kung anu-anong trabaho itong si Sheena hanggang sa inaya siya ni Camille na magtrabaho sa ibang bansa. Mas marami nga naman daw oportunidad na nag-aabang sa kanila kung lilisanin nila ang bansa.
Dahil sa pag-iipon ay unti-unti nang naisasantabi ni Sheena ang kaniyang pangarap na maging isang doktor.
Nawawalan na siya ng pag-asa hanggang sa isang araw ay may isang liham siyang natanggap.
“Sa tingin mo ay totoo ang sulat na ito, bes? May isang mayamang ginoo daw ang mag i-isponsor daw sa akin upang mag-aral dito sa ibang bansa,” wika ni Sheena.
“Malay mo naman totoo, bes. Baka isa ‘yan sa mga naging kostumer natin sa salon. Bakit hindi ka sumubok na mag-exam at pumasok sa unibersidad dito. Baka mamaya ito na ang pagkakataon mong matupad ang pangarap mong maging isang doktor,” pahayag naman ni Camille.
Nang makapasa si Sheena sa pagsusulit ay laking tuwa niya ng nagpadala na ang kaniyang sponsor ng pera para sa kaniyang pangmatrikula. Buwan-buwan ay pinadadalahan din siya nito ng panggastos upang hindi na siya magtrabaho pa at makatutok siya sa pag-aaral.
Lumipas ang mga taon at nakatapos na si Sheena ng kaniyang pag-aaral at tuluyan ng naging isang doktor. Lubhang nagbago na ang takbo ng kaniyang buhay. Unti-unti na siyang nagkaroon ng kakayahan upang mamuhay nang masagana.
Ngunit isang balita ang kaniyang natanggap mula sa kaniyang kaibigan.
“Bes, malayo na ang narating mo. Baka pwede mo namang kumustahin ang papa mo. Hindi raw mabuti ang kalagayan niya sa Pilipinas. Nawala na ang lahat ng ari-arian niya pati ang kaniyang panaderya. Nagkabaun-baon na sa utang ang tatay mo at hindi na alam kung ano ang gagawin,” pahayag ni Camille sa kaibigan.
“Kaya pinahanap niya ako? Noong mga panahong kailangan ko siya ay wala siyang nagawa para sa akin. Tapos ngayong alam niyang nakakaluwag na ako sa buhay ay saka niya ako hahagilapin?” tugon naman ni Sheena.
“Tama ang hinala ko kung inantay ko ang pagkakaroon ng papa ko ng sinasabi niyang ipon para maging isang doktor ako ay siguro hanggang ngayon ay umaasa pa rin kami sa kita ng panaderya na hindi naman kumikita! Malamang sa malamang ay hindi pa rin ako isang doktor!” dagdag pa nito.
“Sige na, bes. Tatay mo pa rin naman siya. Maawa ka na sa kaniya. Ang sabi pa nga ng ilan ay nagtatago na daw ang papa mo. Wala na siyang ibang malalapitan kung hindi ikaw,” saad pa ng kaibigan.
“Ano pa nga ba ang magagawa ko? Ganiyan naman talaga, e. Anak ka lang kapag napapakinabangan ka nila,” sambit pa ni Sheena.
Sa sinabing ito ni Sheena ay lubusang nag-iba ang itsura ng kaniyang kaibigang si Camille at nagbago na rin ang tono ng pananalita nito.
“Ganiyan na ba talaga kapag nasa itaas ka na? Nakakalimutan mo na ang lahat ng tao sa paligid mo? Ang kapal ng mukha mo, Sheena, para sabihin ‘yan sa papa mo. Hindi mo alam kung ano ang tunay na nangyari sa kaniya!” sambit ni Camille.
“Alam na alam ko, Camille. Ipinaglalaban niya lagi ang panaderya niya! Kaya siya lumulubog dahil sa nalulugi na ay ayaw pang sumuko!” sigaw ni Sheena.
“Parang hindi na ikaw ang dating Sheena. Naging doktor ka lang ay akala mo kung sino ka na. Sana ay lingunin mo ang papa mo dahil siya na lang ang natitira mong pamilya.
At isa pa, Sheena. Ikaw ang dahilan kung bakit nalubog sa maraming pagkakautang ang papa mo!” hindi na naiwasan pa ni Camille na sabihin ang katotohanan.
“Anong sinasabi mo riyan! Kahit kailan ay wala akong napalang tulong mula sa kaniya!” sambit ng dalaga.
“Ang sinasabi mong mayamang ginoo na nag-sponsor sa’yo upang maging isang doktor dito sa ibang bansa ay ang papa mo. Lahat ay ginawa niya para lang matupad mo ang pangarap mo, Sheena. Kaya huwag mong sabihing wala siyang nagawa para sa iyo. Lahat ng kaya niya ay ibinigay niya, higit pa!” pahayag muli ng kaibigan.
Labis na nanlumo si Sheena sa katotohanang sumambulat sa kaniya. Hindi niya akalain na sa mga nakalipas na taon ay ang ama niya pala ang nasa likod ng lahat. Pinilit nitong suportahan siya kahit malayo at mahirap.
Bumalik ng Pilipinas ang dalaga upang puntahan ang kaniyang ama. Labis ang kaniyang pagtangis ng makita niya ang kaawa-awa nitong kalagayan. Bilang ganti ay binayaran niya ang lahat ng pagkakautang nito. Sinama na rin niya ito sa ibang bansa upang kasama na niya manirahan.
“Patawarin po ninyo ako, papa, sa lahat ng pagkukulang at pagkakamali ko. Sana po ay bigyan nyo pa ako ng isang pagkakataon upang makabawi sa inyo,” saad ni Sheena.
“Walang magulang ang kayang tiisin ang kaniyang anak. Ang tanging hangad ko lamang ay mapabuti ka kahit kapalit nito ay ang paghihirap ko. Masaya ako na tuluyan mo nang naabot ang mga pangarap mo, anak. Mahal na mahal kita,” saad pa ni Mang Ador.
Isang mahigpit na yakap ang pumawi sa lahat ng mga taong lumipas nang hindi magkasama ang mag-ama.
Ngayon ay tuluyan na silang nagkasama upang magsimula muli ng panibagong buhay.