Hinahamak ng Ginang ang Kapitbahay dahil sa Tipid na Pagpapadala ng Anak na OFW; Tameme Siya sa Tunay na Dahilan Nito
“Rita, balita ko sa anak mo ay galing ka raw sa remittance center. Nagpadala na ba sa’yo ang panganay mo?” sambit ng ginang na si Aling Fe sa kaniyang kapitbahay.
“Hinanap kasi kita kanina sa anak mo at makikihingi lang sana ako ng dahon ng malunggay d’yan sa puno niyo. Ayon nga, sabi ng anak mo ay nagpunta ka raw ng bayan. Siguro ay malaki-laki ang bigay ng anak mo, ano?” saad pa ng matanda.
“Oo, galing nga ako ng remittance center. Nagpadala nga si Arthur ng pandagdag sa pagpapagawa ng makinang panahi ko. Aabutin kasi ng dalawang libo,” tugon naman ni Aling Rita.
“Magpabili ka na lang sa anak mo ng bago. Kayang-kaya niya ‘yun! Aba’y ano’ng silbi ng pagtatrabaho niya sa ibang bansa kung ganiyan lang na dalawang libo ang ibinibigay sa iyo? Pumapayag ka na hindi ka binabahagian ng kita niya,” pahayag muli ni Aling Fe.
“Hayaan mo na. Hindi naman madali ang trabaho ng anak ko sa ibang bansa. Saka ang gusto ko kasi ay i-enjoy niya ang kita niya. Nakakaraos naman kami sa pang-araw-araw. May trabaho pa naman ang asawa ko at nananahi pa rin naman ako,” sambit ng ginang.
“Kahit na. Dapat nga sa edad mong iyan ay hindi ka na nananahi. ‘Yung anak ko na nasa ibang bansa, panay-panay ang padala. Laging sampung libo pataas kung magpadala,” saad pa ng kapitbahay.
“Ayos lang sa akin kung may ibibigay sila o wala. Basta para sa aming mag-asawa ay nais naming maging maginhawa ang kanilang pamumuhay,” tugon muli ni Aling Rita.
Parang malaking isyu kay Aling Fe ang pagiging OFW pareho ng kanilang mga anak ng kapitbahay na si Aling Rita. Lagi niyang ipinamumukha sa ginang na mas malaki ang kita at ipinadadala ng kaniyang anak kaysa sa anak ni Aling Rita na si Arthur.
Dalawa lamang ang anak ng mag-asawang Rita na isang mananahi at Mang Carding na isang drayber ng dyip. Ang panganay nilang si Arthur ay nagtatrabaho sa pabrika sa Korea habang ang kanilang bunsong si Reese ay nag-aaral pa sa kolehiyo.
Kahit na isang OFW si Arthur ay kahit kailan ay hindi siya pinuwersa ng kaniyang ina na magbigay sa kanila. Sapat na ang makita ng mag-asawa na unti-unting naaabot ng mga anak ang kanilang mga pangarap.
Isang araw ay parang sirena na naman ang bunganga ni Aling Fe sa pagmamalaki na nagpadala muli ng package ang kaniyang anak.
Nang matanaw niya si Aling Rita na pauwi na sa bahay nito ay agad niya itong tinawag at ipinakita ang package mula sa kaniyang anak.
“Nakita mo ba ang lahat ng ito, Rita? Padala ‘yan ng anak ko. Bibigyan kita ng ilang sabon at tsokolate para naman makalasap ka ng galing sa ibang bansa. Paano naman kasi ‘yang anak mo ay hindi man lang kayo padalhan. Hindi ba limang taon na rin siyang nasa ibang bansa? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo nakakatanggap ng package?” pagyayabang muli ni Aling Fe.
“Hindi bale na lang, Fe. Ayos lang sa akin. May mga sabon pa naman kami. Hndi rin ako mahilig sa mga tsokolate. Sa totoo lang ay hindi mahalaga kasi sa akin ang mga ganiyang bagay. Pero masaya ako dahil nakatanggap kayo ng package mula sa anak mo,” wika ni Aling Rita.
Lumipas ang mga araw at palaging ganun ang ginagawa ni Aling Fe kay Aling Rita. Kahit anong isagot ng ginang ay palaging pinapamukha ni Aling Fe na tila walang utang na loob sa kaniyang mga magulang itong si Arthur.
Hanggang isang araw, habang papunta si Aling Rita upang ihatid ang mga tinahing punda at kobre kama ay siya namang sita muli ni Aling Fe sa kaniya.
“Rita, tingnan mo, hanggang ngayon ay kumakayod ka pa. Ayaw mo pa kasing sabihin sa anak mo na magpadala na lang siya nang hindi ka na napapagod na mag-asawa sa pagtatrabaho,” sambit ni Aling Fe.
Nag-iinit na rin ang ulo ni Aling Rita sa laging sinasambit ni Aling Fe sa kaniya aty nais na niya itong sagutin ng pabalang. Ngunit nang lalapit na sana siya ay nagulat na lamang siya nang isang tinig ang sa kaniya’y tumawag.
“Nanay!” sambit ng isang lalaki.
Paglingon ni Aling Rita at laking gulat niya nang makita ang kaniyang asawa at isang anak na kasama ang panganay na si Arthur.
“A-anong ginagawa mo rito? Hindi ba dapat ay nasa Korea ka pa rin hanggang ngayon?” nagtatakang sambit ng ina.
“Hindi talaga namin sinabi sa iyo ang pag-uwi ko, ‘nay, para pasurpresa ka. Kinuntyaba ko sila tatay at si bunso. May gusto kasi akong ibigay sa inyo,” saad ng binata.
Inilabas ni Arthur ang isang maliit na sobre at iniabot sa kaniyang ina.
“Imposibleng malaking halaga laman niyan kasi napakanipis ng sobre!” pagpapel ni Aling Fe.
Nang buksan ni Aling Rita ang sobre ay mas nagtaka siya sa laman nito na isang larawan ng bahay.
“Ano ang ibig sabihin nito, anak?” muling tanong ng ina.
“Tingnan niyo pa ang nasa sobre, ‘nay!” masayang sambit ni Arthur.
At meron pa ngang nakapa si Aling Rita sa sobre. Nang ilabas niya ay isa itong susi.
“Pasensiya na kayo, ‘nay, kung palagi akong tipid na magpadala sa inyo. Nagpapasalamat din ako sa Panginoon kasi kayo ang ibinigay na pamilya sa akin. Kahit kailan ay hindi niyo ako inobliga sa responsibilidad.
Bilang ganti po, nanay, tatay, at kapatid ko, regalo ko po sa inyo ang bahay na iyan. Iyan po talaga ang pinag-iipunan ko, matagal na. Sa wakas ay natapos na rin at nakumpleto na rin ang mga gamit sa loob. Kahit ngayon po ay pwede na tayong lumipat sa maganda at magarang bahay na ‘yan!” masayang balita ng anak.
Napaluha na lamang si Aling Rita sa sinabing ito ni Arthur. Hindi niya akalain na sa tagal ng panahon ay isang bahay pala ang pinaghahandaan ng kaniyang anak upang ibigay sa kanila.
Samantala, nanlaki naman ang mga mata ni Aling Fe sa lahat ng kaganapang ito. Laking inggit niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa siya nabibilhan ng anak ng sariling bahay na tunay niyang nais.
“Hindi mo na kailangang gawin ito, anak. Masaya na kami ng tatay mo na malaman na nalalagay na sa ayos ang buhay niyo. Pero maraming maraming salamat sa’yo! Mahal na mahal namin kayong magkapatid!” wika ni Aling Rita habang walang tigil sa pagluha dahil sa lubos na kaligayahan.
Tuluyang lumipat si Aling Rita at kaniyang pamilya sa magandang bahay na ipinatayo ng kaniyang anak. Kahit na nagpapadala na ng pera si Arthur sa kaniyang mga magulang ay hindi pa rin tumigil ang mga ito sa paghahanapbuhay.
Nais kasi ng mag-asawang Rita at Carding na kahit kailan ay hindi maging pabigat sa kanilang mga anak.