Tinulungan ng Drayber ng Bus ang Batang Walang Pamasahe; Nang Magretiro Siya’y Ikagugulat Niya ang Ganti ng Binata
“Boy, ano ba? Kanina ka pa, ah? Sasakay ka ba o hindi? Hindi ka presidente o kaya ay hari para paghintayin mo kami!” saad ng kundoktor ng bus na si Gringo sa binatang si Lucas habang nag-iisip ito kung sasakay o hindi.
Nagsisimula na kasing dumilim ang paligid at palinga-linga na ang binatang si Lucas. Galing kasi siya sa kaniyang unibersidad at pauwi na sana ng kanilang bahay nang mapagtanto niyang kulang ang kaniyang pamasahe pauwi.
Balak na lang sana niyang lakarin hanggang sa kanila ngunit aabutin siya ng apat na oras sa paglalakad. Delikado pa man din ang daan lalo na para sa kaniyang estudyante pa lamang.
“Sasakay po,” saad ni Lucas sabay sampa sa bus.
Umupo siya sa pinakadulo ng bus at hindi mapakali.
Nang sinisingil na siya ng kundoktor ay wala siyang maibayad.
“Pare, ihinto mo! Pabababain mo ‘tong isang ‘to. Sasakay-sakay wala naman palang pambayad!” sigaw ng kundoktor sa drayber ng bus na si Mang Andoy.
Tiningnan ng drayber ang binata.
“Pabayaan mo na, pare. Baka mamaya ay wala talagang pamasahe at gusto ng umuwi,” saad ng ginoo sa kundoktor.
“Ayan ka na naman, pare. Kaya tayo nalulugi niyan, e. Alam mo namang porsyentuhan tayo at bawat pasahero ay mahalaga,” saad ng kundoktor.
“Sige, bigyan mo ng tiket at baka may inspektor na sumakay. Ako na ang magbabayad para sa kaniya,” wika ni Mang Andoy.
Napapailing na lamang si Gringo sa tinuran ng matanda. Samantalang, laking pasalamat naman si Lucas sa ginawang kabutihang ito ng drayber.
“Ibang klase ka talaga. Lagi na lang tuloy bawas ang kinikita mo dahil sa panlilibre mo sa ilang pasahero. Mabilis kang maawa, pare. ‘Yung iba riyan ay sa tingin ko’y nagpapaawa lang,” saad ng kundoktor.
“Hayaan mo na sila. May iba-iba tayong bagahe sa buhay. At ang nais ko ay makagawa kahit ng maliliit na kabutihan sa kanila, ano man ang tunay nilang katayuan,” wika pa ni Mang Andoy.
Ilang dekada na ring drayber itong si Mang Andoy at kilala talaga ito dahil sa kaniyang kabaitan. Isang taon na lamang ay magreretiro na ito. Hindi na rin kasi nito kaya pa ang mahabang oras ng byahe at sa init ng panahon dahil nagkakaedad na.
Kinabukasan ay naisakay na naman nila ang binatang si Lucas. Agad niyang kinausap si Mang Andoy pagkasakay ng bus.
“Tatang, hinintay ko po talagang dumaan ang bus niyo. Grabe ang panalangin ko na sana ay masakyan ko kayo ulit. Malayo na po kasi ang nilakad ko, kulang na naman po ang pamasahe ko,” saad ng binata.
“O sige, ako na ang bahala sa pamasahe mo, boy. Maupo ka na riyan,” saad ni Mang Andoy na hindi nagdalawang isip man lamang.
“Tatayo na lang po ako, tatang. Maraming maraming salamat po!” naluluhang wika ng binata.
Habang nakatayo malapit kay Mang Andoy ay hindi nito napigilan na tanungin ang binata tungkol sa buhay nito at dahilan kung bakit lagi siyang walang pamasahe.
“Naglalakad lang po ako ng dalawang oras sa umaga para po makapasok sa eskwela. Minsan po ay sumasabit sa mga sasakyan para makatipid po. Pinagkakasya ko lang po kasi ang ibinibigay sa akin para po hindi ako mahinto sa pag-aaral,” saad pa ng binata.
Naawa naman si Mang Andoy sa kwento ni Lucas.
“Hintayin mo ang bus ko umaga at gabi. Isasakay kita para hindi ka na rin maglakad papasok,” saad pa ng matanda.
Labis naman ang galak ni Lucas sa sinabi ni Mang Andoy.
Sa loob ng ilang buwan ay laging ganito ang naging tagpo. Maagang maghihintay si Lucas sa bus na minamaneho ni Mang Andoy at sa gabi rin ay naghihintay siya upang libre na ang kaniyang pamasahe. Minsan nga ay inaabutan pa ito ng matanda ng kaniyang pambaon.
“Maraming salamat po sa inyo, Mang Andoy. Hinding-hindi ko po makakalimutan ang kabutihan niyo sa akin,” saad ng binata.
Hanggang sa tuluyan nang nagretiro itong si Mang Andoy. Si Lucas naman ay nagpatuloy pa rin sa pag-aaral at upang makatulong sa kaniyang panggastos ay napilitan na rin siyang maghanap ng trabaho.
Lumipas ang mga taon at hindi naging madali ang pamumuhay ni Mang Andoy. Hindi rin naman kasi kalakihan ang nakuha niyang pera nang siya ay magretiro. Nagamit pa ito sa pampagamot sa kaniyang asawang may karamdaman.
Dahil sa katandaan ay hirap na rin si Mang Andoy. Ngunit imbis na namamahinga na lamang sa bahay ay nagtitinda pa ito ng basahan sa may tabing kalsada.
Hanggang sa isang araw, dahil sa init ng ay tila matutumba na dahil sa pagkahilo si Mang Andoy.
Isang binata na nakadamit ng pormal ang tumulong sa kaniya.
“Dito ko lang pala kayo mahahanap, Mang Andoy!” sambit ng binata.
Iniupo niya ang matanda at saka binigyan ng tubig. Nang mahimasmasan ito ay pinakatitigan niya ang mukha ng binata.
“Ako po ito, si Lucas. Hindi nyo na po ba ako naaalala?” saad ng binata.
Napangiti na lamang si Mang Andoy sapagkat hindi niya talagang nakilala ang binata dahil sa ayos nito.
“Sa tingin ko ay malayo na ang narating mo, Lucas. Masaya ako sapagkat natupad mo na rin ang pangarap mong makatapos ng pag-aaral,” saad ni Mang Andoy.
“Hindi lamang po ako basta nakatapos ng pag-aaral, Tatang. Isa na po akong abogado. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo. Hinding-hindi ko po malilimutan ang lahat ng ginawa niyo sa akin. Kaya ang tagal ko na kayong hinahanap, Mang Andoy,” sambit pa ni Lucas.
“Gusto ko pong ibalik sa inyo ang lahat ng kabutihang ginawa nyo sa akin. Simula po ngayon ay hindi na kayo magtitinda pa ng basahan. Ako na po ang bahala sa panggastos nyo sa pang-araw-araw. Bibigyan ko rin kayo ng puhunan para makapagsimula ng manukan o babuyan o kahit anong negosyo na nais niyo. Basta narito po ako upang tumulong sa inyo, Mang Andoy!” dagdag pa ng binata.
Napayuko na lamang si Mang Andoy at napaluha. Hindi niya akalain kasi na sa tanda niyang ito at sa dami ng taong kaniyang natulungan ay balang araw ay may tunay na magbabalik nito sa kaniya.
Para kay Lucas, walang halaga ng pera ang makakapantay sa tulong na natanggap niya kay Mang Andoy. Higit kasi sa panlilibre nito ng pamasahe sa kaniya ay nakita niya sa mga mata ng matanda ang pag-asa sa buhay kaya hindi rin siya bumitaw sa kaniyang pangarap.
Ang nais ni Lucas ay malasap ni Mang Andoy ang ginhawa sa buhay kahit sa maliit na paraan na kaya niya.