Unang Beses Umibig ang Isang Dalaga, Ngunit sa Isang Seminarista; Hindi Niya Akalain ang Kayang Gawin ng Tunay na Pag-Ibig
“Bes, trenta’y dos ka na. Wala ka na sa kalendaryo. Ang wish ko talaga para sa’yo ay makapag-asawa na!” saad ni Carlyn sa kaniyang matalik na kaibigan na si Erica na nagdiriwang ng kaarawan habang sila ay nasa simbahan.
“Asawa agad? Paano ako ikakasal ni wala nga akong dyowa! Nagpapatawa ka rin, e ‘no!” sambit naman ng dalaga.
“Paano ka kasi magkakaroon ng kasintahan kung napakapihikan mo sa lalaki. Ang daming nanliligaw sa iyo pero walang nakakapasa. Ang dami mo pang rason!” wika naman ni Carlyn.
“Kasalanan ko ba na wala akong natitipuhan sa kanila? Sa totoo lang kasi, bez, ay hindi ko rin alam talaga kung ano ang hinahanap ko sa lalaki. Simple lang naman kasi ang gusto ko basta mabait at marespeto. Saka basta may kakaibang koneksyon. Pero wala talaga sa kanila, e. Ito nga ipagtitirik ko na ng kandila itong lab layp ko!” pabirong saad pa ni Erica.
Sakto namang pagkatapos nilang magtirik ng kandila ay umpisa na ng misa sa loob ng simbahan.
Agad na pumasok ng simbahan ang dalawang dalaga. Sa pagmamadali ay nakabangga ni Erica ang isang binata na nakasuot ng sutana.
“Patawad, hindi ko sinasadya,” saad nito sa lalaki.
Nang magkatitigan sila ng binata ay hindi niya maintindihan ang ibang koneksyon na nararamdaman niya.
“Bes, mag-iingat ka kasi. Naku, tauhan pa ng simbahan ang nabangga mo. Mababawasan ang puntos mo sa langit,” pagbibiro ni Carlyn sa kaibigan.
Ngunit tila walang naririnig itong si Erica. Patuloy ang pagkalunod niya sa pagkakatitig sa binata.
Agad naman siyang inakay ni Carlyn patungo sa kanilang uupuan.
“Ano ka ba naman, bes. Grabe namang pagkagulat mo sa lalaking ‘yun! Kilala mo ba siya?” pagtataka ng dalaga.
“Parang kilala ko siya, bes. Siya na siguro ang una at huli kong mamahalin. Grabe ang bilis naman ng sagot ng Panginoon sa mga dasal ko,” sambit ni Erica.
“Simula ngayon, bes, dito na tayo magsisimba. Kailangan malaman natin ang schedule ng sakristan na ‘yan,” dagdag pa ng dalaga.
Maya-maya ay nakita ni Carlyn na mataimtim na nananalangin muli si Erica.
“Ano na naman ang pinagdadasal mo, bes?” tanong ni Carlyn.
“Kasi dininig ng Diyos na makita ko na ‘yung para sa akin. Sana naman ay malaman din ng lalaking iyan na para naman ako sa kaniya,” sagot pa ni Erica.
Simula noon ay araw-araw na kung magsimba itong si Erica. Sinisigurado niya sa bawat pagsisimba niya ay mapapansin siya ng binata.
Hanggang isang araw ay krus muli ang kanilang landas nang sumali si Erica sa koro ng parokya. Mas napalapit ngayon siya sa binatang si Xander.
Ngunit habang mas papalapit siya ay mas lalayo pala ang distansiya ng dalawa sapagkat ang binatang inakala niyang isang sakristan lamang ay nagseseminaryo pala ay nag-aasam na maging isang pari.
Halos pagsakluban ng langit at lupa itong si Erica dahil imposible na magkatuluyan pa sila ni Xander.
Ngunit ang hindi niya alam ay pilit mang inilalayo ni Xander ang kaniyang sarili sa dalaga ay hindi rin nito maintindihan ang kaniyang nararamdaman dito. Hanggang isang araw ay ikinabigla niya ang pag-amin ng dalaga sa kaniya.
“Alam kong walang pag-asa na maging tayo at nakakahiya man itong gagawin ko pero nais ko lang malaman mo na sa tanda kong ito ay unang beses lang akong umibig. Kaso sa hindi pa pwede, sa bawal, sa walang pag-asa,” pag-amin ni Erica kay Xander.
Bumuntong hininga lamang ang binata at akmang may sasabihin. Ngunit umalis na si Erica. Iyon lang naman kasi ang nais niya ang ilabas ang kaniyang tunay na nararamdaman sapagkat tanggap na niyang hindi ito maibabalik sa kaniya ni Xander.
Lumipas ang dalawang buwan at hindi na muling nagkita pa ang dalawa.
Si Erica naman ay pilit pa ring kinakalimutan ang kaniyang unang pag-ibig. Kahit na dinadaan na lamang niya sa biro ang lahat ay halata pa rin na masakit pa rin sa kaniya ang nangyari.
Hanggang isang araw habang nasa simbahan si Erica at nananalangin sa Maykapal ay isang lalaki ang tumabi sa kaniya. Laking gulat niya nang pagdilat ng kaniyang mga mata ay muli niyang nakita si Xander.
“Kailangan kong lumayo, Erica, upang makalimutan ko ang nararamdaman ko sa iyo. Dahil bilang isang seminarista ay alam mo namang ang puso ko ay buo kong ibinibigay sa Panginoon. Ngunit hindi ko magawang kalimutan ka at magkakasala ako sa kaniya kung hindi ko aaminin ang tunay kong nararamdaman para sa iyo.
Tinatakasan ko ang katotohanan na mahal kita, Erica. Ngunit sa bawat hakbang ko papalayo sa iyo ay lalong tumitindi ang pagnanais kong makasama ka,” pahayag ni Xander.
“Buong buhay ko ang nais ko ay maging isang pari. Ngunit nang makita kita, noon ko lang napagtanto kung ano ba talaga ang nais ko sa buhay,” dagdag pa nito.
“Ang nais ko ay makasama kang tumanda at mahalin ka habang ako ay nabubuhay,” sambit muli ng binata.
Hindi na naiwasan pa ni Erica ang maluha sa sinabing ito ni Xander.
“Nakakadasal ko lang sa Panginoon ngayon na kung hindi ka para sa akin ay tulungan niya akong kalimutan ka. Pero heto ka ngayon at ipinagtatapat sa akin ang nararamdaman mo. Sinabi ko na nga ba. Una pa lang kitang makita, kilala na kita. Ikaw ang una at huli kong mamahalin,” saad ng dalaga.
Tuluyan ng umalis sa pagpapari si Xander upang harapin niya ang bagong simula kasama si Erica.
Muling humarap sa altar ng simbahan ang dalawa upang mag-isang dibdib. Dahil sa kanilang pagmamahalan ay napatunayan nilang ang pag-ibig ay kumikilos sa mahiwagang paraan at ang Diyos ang siya lamang nakakaalam kung talagang kayo ang itinadhana para sa isa’t isa.