Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya Sinusuportahan ng Ina sa Kaniyang Pangarap; Kaya Niya ba Talagang Makamit ang Tagumpay nang Mag-isa?

Hindi Siya Sinusuportahan ng Ina sa Kaniyang Pangarap; Kaya Niya ba Talagang Makamit ang Tagumpay nang Mag-isa?

“Hoy, Darlene! Umagang umaga, puro kolorete na naman ang inaatupag mo!”

Napanguso na lamang ang dalagita nang marinig niya ang matinis na boses ng kaniyang ina.

Sa araw araw kasi ay lagi siya nitong sinasaway ukol sa kaniyang kinahihiligan – ang pagkokolorete.

Masayang masaya siya sa tuwing gingawa niya ang bagay na nakahiligan. Hindi kasi siya magaling sa eskwela, o sa kahit na anong bagay.

Sa kanilang magkakapatid, siya ang pinakakulelat. Siya ang hindi nakakatanggap na kahit na anong parangal. Siya ang ikinahihiya ng kanilang mga magulang.

Ang pagkokolorete lang ang tanging bagay kung saan magaling siya. Madalas niyang marinig sa kaniyang mga kaklase at kaibigan na bumibilib ang mga ito sa kaniyang talento.

“Darlene, itatapon ko ang mga ‘yan kapag hindi umayos ang marka mo sa eskwelahan!” isang araw ay pananakot ng kaniyang ina.

Kaya naman ginawa niya ang lahat upang umayos ang kaniyang mga grado. Ngunit sadyang limitado lang ang kaya niyang gawin dahil nang lumabas ang kaniyang marka ay galit na galit siyang kinompronta ng kaniyang ina.

Sa galit nito ang pinagsusunog nito ang kaniyang mga kolorete.

“Wala kang mapapala kung puro kolorete ang inaatupag mo! Hindi ka magkakapera rito!” sermon pa nito habang isa isang inilalagay sa apoy ang mga koloreteng pinag-ipunan niya pa.

Walang magawa si Darlene kundi ang lumuha habang minamasdan ang kaniyang mga kagamitan na nilalamon ng apoy.

Gayunpaman, hindi niya sinukuan ang pangarap. Alam niya kasi na iyon ang magpapasaya sa kaniya. Sinusubukan niya pa rin na linangin ang kaniyang kakayahan nang patago.

“‘Ma, ayaw ko pong maging engineer, hindi po ‘yun ang pangarap ko,” isang araw ay pag-amin niya sa ina.

“Hindi. Hindi maaari. Magiging engineer ka dahil iyon ang kukumpleto sa pangarap namin ng Papa mo. Hindi ako papayag na pagtawanan ako ng mga amiga ko dahil diyan sa kursong gusto mong kunin!” matigas na tugon ng kaniyang ina.

“Sabihin mo nga sa akin Darlene, bakit mo pipiliin maging tagapinta ng mukha ng kung sino sino kung pwede kang magkaroon ng mas mataas na propesyon? Hindi ka talaga nag-iisip!” matalas na pangaral nito.

“M-mama. Mahal ko po ang ginagawa ko. Sana po payagan niyo akong gawin ang bagay na talagang gusto ko,” umiiyak na pakiusap niya sa ina. Sakal na sakal na siya sa pandidikta ng ina.

“Kung ayaw mong sumunod sa akin, lumayas ka sa pamamahay ko!” asik nito.

“Siguro nga po mas maganda na ‘yun, Mama. Malaki ang pasasalamat ko sa’yo pero hindi mo ako pwedeng diktahan nang diktahan dahil buhay ko ito,” sumusukong wika niya sa ina.

Nang araw ding iyon ay umalis siya sa kanilang bahay. Tandang tanda niya pa ang huling sinabi ng kaniyang ina.

“Wala kang utang na loob! Hinding hindi ka magtatagumpay sa buhay!” galit na galit na sigaw nito habang naglalakad siya palayo sa bahay na kaniyang kinalakhan.

“Papatunayan ko sa’yo, Mama,” bulong niya sa hangin.

Alam ni Darlene na hindi magiging madaling abutin ang kaniyang pangarap dahil tila nagkakatotoo ang sinabi ng kaniyang ina.

Naigapang niya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo ngunit nahirapan siya makahanap ng trabaho.

Subalit hindi siya pinanghinaan ng loob. Alam niya kasi na gagantimpalaan din ang kaniyang sipag at tiyaga.

Hanggang sa isang araw ay dininig ang kaniyang panalangin.

Isang maliit na parlor ang tumanggap sa kaniya bilang isang make-up artist. Iyon ang naging simula.

Dahil sa natural na talento at matagal na pagsasanay ni Darlene ay unti unting nakilala ang kaniyang pangalan.

“Darlene, dahil sa galing at talento mo ay unti unting dumami ang mga kliyente! Naku, mabuti na lamang at duamting ka!” tuwang tuwang wika ng kaniyang boss.

“Ma’am, kayo nga po ang dapat kong pasalamatan. Kahit bagito lang ako ay nagtiwala kayo sa akin,” buong pagpapakumbabang sagot niya rito.

Makalipas pa ang ilang taon ay puro mga sikat na personalidad na ang kumukuha kay Darlene bilang isang make-up artist.

Masasabi ni Darlene na naabot niya na nga ang pangarap na matagal niya ang inaasam. Subalit sa kaniyang puso ay naroon pa rin ang kahungkagan na hindi napunan ng kaniyang tagumpay.

Malayo man siya sa kaniyang pamilya ay sinisiguro niya pa rin na nasa maayos na kalagayan ang mga ito, lalong lalo na ang kaniyang ina.

Hanggang sa isang araw ay dumating ang sunod sunod na dagok sa kanilang pamilya.

Kinasuhan ang kaniyang Kuya Hector ng isa sa mga pasyente nito. May mali raw na ginawa ang kaniyang kapatid sa operasyon ng pasyente, dahilan upang magkaroon ng komplikasyon ang pasyente.

Ang kaniya namang Kuya Alexander na isang hukom ay napatalsik mula sa posisyon dahil tumatanggap daw ito ng suhol mula sa mga maiimpluwensiyang tao.

Ang kanilang pamilya na tinitingala nang marami ay bumagsak sa isang iglap lamang.

Bagaman may kaunting sama ng loob sa kaniyang ina ay hindi maiwasan ni Darlene na mag-alala para sa kaniyang ina.

Subalit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung paano ito haharapin. Alam niyang may galit ito sa kaniya.

“Darlene, may isang kliyente na ikaw ang gusto. Maghihintay raw siya na mabakante ka. Pwede mo bang puntahan pagkatapos mo riyan?” isang araw ay untag sa kaniya ng kasamahan.

Nang matapos siya ay dali dali niya itong pinuntahan. Ayaw na ayaw kasi niya na pinaghihintay ang kanilang mga kustomer.

Nang humarap ang babae ay halos mapaluha siya nang makita ang isang pamilyar na mukha.

Halos wala itong ipinagbago. Sopistikada, elegente, at perpekto pa rin ang dating nito. May malaking ngiti sa labi nito na tila ba tuwang tuwa itong makita siyang muli makalipas ang ilang taon.

“M-mama?”

Sinalubong siya nito ng isang mahigpit na yakap. “Anak.”

“Kumusta ka na, anak? Kumakain ka ba nang tama? Ang payat payat mo naman,” kunot noong puna nito.

Ngumiti siya sa ina. “Maayos naman ako, Mama.”

Matagal na katahimikan ang namayani sa mag-ina bago niya narinig na nagsalita itong muli.

“Anak. Patawarin mo ako. Nagkamali ako. Akala ko bilang ina mo, alam ko ang pinakamabuti para sa’yo. Sa pagtatangka kong maging mabuting ina, hindi ko ikinonsidera kung ano talaga ang magpapasaya sa’yo.”

“Pero tingnan mo, ngayon, sa inyong magkakapatid, ikaw ang may pinakamagandang buhay,” dagdag pa nito.

Gusto man ni Darlene na magbunyi at magmalaki dahil sa wakas ay napatunayan niya na na kaya niyang magtagumpay nang wala ang ina ay hindi niya magawa.

Alam niya naman kasi na walang saysay ang tagumpay kung hindi niya iyon maibabahagi sa kaniyang mga mahal sa buhay.

“Naiintindihan ko po, Mama. Patawad po kung nagmatigas ako noon. Ayoko lang po talaga magsisisi na hindi ko ginawa ‘yung bagay na gusto ko talagang gawin,” tugon niya naman sa ina.

“Masaya po na naiintindihan niyo na ako ngayon,” dagdag pa niya.

Masayang masaya ang mag-ina. Masalimuot man ang pinagdaanan nila ay pareho silang natuto.

Advertisement