Tutol ang Ina sa Nobya ng Kasintahan Dahil sa Pangingialam Nito sa Aspetong Pinansyal; Bandang Huli ay Magsisisi Siya sa Kahihiyan
Wala na sigurong mas sasaya pa kay Lizzie nang tuluyan na siyang yayain ng kaniyang kasintahan na si Jacob para lumagay sila sa tahimik. Sa loob kasi ng walong taong relasyon nila bilang magkasintahan, sa wakas ay mauuwi na rin ito sa simbahan.
“Alam mo sa totoo lang, Jacob, hind na ako makapaghintay pa na maikasal sa iyo. Madalas ko talagang iniisip kung ano na kaya ang mangayayari sa atin kapag magkasama na tayo sa iisang bubong o kung dala-dala ko na ang apelyido mo,” pahayag ni Lizzie sa kaniyang nobyo.
“Ako din sa totoo lang. Pasensya ka na sa akin kung natagalan akong tanungin ka. Gusto ko kasi ay ‘yung handa na tayo talaga pareho. Tapos na tayo sa pag-aaral at unti-unti na nating natutupad ang pangarap ng bawat isa,” wika naman ni Jacob.
“Mas ayos sana sa akin, Jacob, kung simpleng kasalan na lang ang gawin natin. Mas gusto ko kasing paglaanan talaga ang buhay natin bilang mag-asawa. Nais kong maghanap ng kahit maliit lamang na lupa upang mapatayuan ng sarili nating bahay. Nang sa gayon ay hindi na tayo makipisan pa,” saad naman ng dalaga.
“Sang-ayon ako diyan sa sinasabi mo,” tugon naman ng nobyo.
Napagkasunduan ng dalawa na makalipas pa ng dalawang taon bago sila magpakasal. Pag-iipunan at itutuon muna nila ang kanilang atensyon sa paghahanap ng bahay at lupa na kanilang bibilhin habang inaayos rin ang simpleng kasalanang nais nila.
Ngunit habang dumadaan ang araw ay napapansin ni Lizzie na tila nagbabago ang mga desisyon ng kaniyang nobyo.
“Akala ko ba ay ibibigay na natin ang down payment sa bahay na nakita natin, Jacob. Kung hihingi na naman tayo ng palugit ay baka mamaya’y ibigay na ‘yun sa iba,” saad ng nobya.
“‘Yung perang gagamitin ko sana ay hiniram ng mama ko. Nagastos daw kasi niya ang pera sa kooperatiba at kailangan niyang palitan agad. May pinasok kasing negosyo pero hindi pa kumikita. Hayaan mo kapag nailabas na daw ang puhunan ay ibabalik kaagad sa akin,” tugon naman ng binata.
“Pero paano na ‘yung bahay at lupa? Sayang naman ‘yun kasi nakaplano na ang lahat,” pag-aalala ni Lizzie.
“Baka magagawan mo muna ng paraan. Tapos ay ibabalik ko sa iyo ang dapat ay parti ko sa bayad,” pakiusap ng binata.
Agad naman itong ginawan ng paraan ng dalaga. Nangutang siya sa kaniyang mga magulang upang maipang unang hulog sa nasabing ari-arian.
Ngunit lumipas ang dalawang buwan ay hindi pa rin ito nababalik ng binata.
“Humiram na naman kasi sa akin si mama ng pera, mahal. Kailangang-kailangan daw kasing ipaayos ang sasakyan. Tapos ay may mga binayaran pa rin siyang pagkakautang. Pangako, ibibigay ko rin talaga kapag nakaluwag-luwag,” muling pakiusap ni Jacob.
Hindi naman talaga isyu kay Lizzie ang pera. Ngunit ang nagbibigay sa kaniya ng pangamba ay ang pangingialam ng mama ni Jacob sa kinikita nito. Hindi rin natutuloy ang kanilang mga plano dahil sa mga ginagawang ito ng ina ng binata.
Upang maplantsa na agad ang gusot ay kinausap niya ang kaniyang nobyo tungkol sa pagbibigay ng tulong nito sa kaniyang ina.
“Iba kasi ‘yung tulong sa sinasagad ka na, Jacob. Sana ay maintindihan mo ako. Kapag mag-asawa na tayo ay baka ito rin ang maging problema natin. Ayoko sa lahat ay pag-awayan natin ang pera,” wika ni Lizzie.
“Pero ano ang magagawa ko, Lizzie, wala namang ibang malalapitan ang mama ko. Alangan naman na pabayaan ko siya?” sambit ng nobyo.
“Wala akong sinabi na pabayaan mo ang mama mo. Ang nais kong iparating ay sana’y may hangganan ang pagtulong mo. Iba na kasi ngayon, Jacob, may mga plano na tayo. Nakokompromiso ang lahat ng ito dahil sa pangungutang sa iyo ng mama mo ng malalaking halaga,” paliwanag ng dalaga.
“Saka isa pa, sa tuwing may kailangan tayong ayusin para sa ating kasal ay lagi ka na lang inuutangan ng mama mo. Minsan tuloy naiisip ko na parang sinasadya na niya ito,” dagdag pa ni Lizzie.
“Ang gusto ko lang, Jacob, maprotektahan ang pinaghirapan mo. Ayokong mauwi lang sa wala ang lahat dahil lang sa baon sa utang ang mama mo at maligalig siya sa pera,” deretsang sambit pa niya.
Nang sumunod na mangutang ang mama ni Jacob sa kaniya ay hindi na niya ito pinautang dahil nga sa pag-uusap na iyon ng magkasintahan.
“Hindi na muna ngayon, ma. Kailangan kasi namin ni Lizzie ang pera. Alam nyo naman na ikakasal na kami. Saka hindi patas na siya na lang ang laging gumagawa ng paraan. Napapansin na rin kasi niya ang madalas na panghihiram niyo sa akin at walang naibabalik,” pahayag ni Jacob.
“Alam mo, anak, ngayon pa lang ay hiwalayan mo na ang babaeng iyan. Hindi pa man kayo kasal ay dinidiktahan ka na sa kung ano ang gusto mong gawin sa pera mo. Hindi naman sa iba napupunta ang pera kung hindi sa akin na nanay mo. Saka dapat lang ay tumanaw ka ng utang na loob, Dapat nga ay magpasalamat pa siya sa akin dahil naging ganyan ka!” inis na sambit ng ina nito.
Dahil sa galit ay kinausap ng ina ni Jacob ang dalaga at pinatitigil niya ito sa pakikialam sa kaniyang anak.
“Wala kang karapatan para pagsabihan ang anak ko kung paano niya gagastusin ang pera niya. Saka wala kang pakialam kung gusto nya akong pahiramin. Nobya ka lang, ni hindi ka pa asawa. Nanay niya ako!” muling sambit ng ginang.
Hindi na sumagot pa ang dalaga dahil ayaw niyang mabastos ang ginang.
Habang si Jacob ay sapilitan pa ring hinihiraman ng kaniyang ina ng pera at tuluyan nang naubos ang naipon para sa kanilang planong pagpapakasal at pagbili ng bahay,”
Hiyang-hiya si Jacob sa kaniyang nobya dahil wala siyang nagawa upang pigilan ang kaniyang ina.
“Pwede pa naman tayong magsimula muli, Jacob. Unti-unti ko na rin namang nabayaran sa mga magulang ko ang unang bayad para sa bahay at lupa natin. Tapos unti-unti ko na rin nababayaran ang hulog. Huwag kang mag-alala at makakaalpas tayo. Basta, sana ay matuto ka na mula sa nakaraan,” sambit ni Lizzie sa mapapangasawa.
Mula noon ay tiniis na ni Jacob ang kaniyang ina. Hindi na rin ito nakakautang sa kaniya sapagkat wala pa itong naibabalik sa kaniyang pera mula noon. Dahil dito ay natigil na rin ang pagiging maligalig ng kaniyang ina sa pera at umiwas na sa pangungutang dahil tumanggi na ng tuluyan si Jacob para magsalba sa kaniya.
Natuloy pa rin ang kasal nahihiya man ang kampo ni Jacob na halos sila Lizzie ang gumastos. Nang kausapin ng ina ni Jacob si Lizzie ay simple lamang ang naging sagot nito.
“Wala po akong ibang hangad para sa anak nyo kung hindi maiayos ang kaniyang paghawak sa pananalapi. Bilang mapapangasawa niya ay nais kong makasiguro na may maayos na buhay kaming haharapin lalo na ang mga magiging anak namin. Tama po kayo, ikaw po ang nanay niya at ang magulang po ang unang nagnanais sa kanilang mga anak na hindi mahirapan sa buhay. Ang ginagawa nyo po noon ay labis na nagpapahirap sa inyong anak,” saad nito.
“Paumanhin sa lahat ng nasabi ko sa iyo noon. Takot din ako na lisanin ako ng anak ko at mawalan ng panggastos kaya ko iyon nagawa. Kung mas naalagaan ko lang ang ipon ng aking anak ay hindi na sana hahantong sa ganito. Nakakahiya sa ’yo at sa iyong pamilya. Nagsisisi talaga ako,” sambit ng biyenan.
“Mabuti po ay nauunawaan nyo na kami ngayon. Sa pag-unlad naman ng buhay naming mag-asawa ay hindi namin kayo malilimutan na isama doon. Ngunit kailangan nyo pong respetuhin na may sarili na rin po kaming pamilya na kailangan itinataguyod,” dagdag pa ni Lizzie.
Unti-unti ay nakabangon si Jacob sa tulong ng kaniyang asawa. Hindi naman tumigil ang pagtulong ni Jacob sa kaniyang ina. Hindi pa rin niya ito pinabayaan. Buwan-buwan ay pinapadalhan pa rin niya ito ng pera ngunit nakatakda na lamang.
Ito ay upang maturuan din ang kaniyang ina sa wastong paghawak ng pananalapi at paghahanda na rin sa buhay nila ni Lizzie at sa pagsisimula ng kanilang sariling pamilya.