Inday TrendingInday Trending
Isang Matandang Lalaki ang Nakaalitan ng Lasing na Binata sa Bus; Nakatitinding ng Kaniyang Balahibo ang Dahilan

Isang Matandang Lalaki ang Nakaalitan ng Lasing na Binata sa Bus; Nakatitinding ng Kaniyang Balahibo ang Dahilan

“Hoy, kayong dalawa riyan! Mag-sitigil na kayo ng kakainom niyo at malalim na ang gabi!” sigaw ni Aling Sitas sa kaniyang anak na si Mario at kaibigan nitong si Peter habang nag-iinuman ang dalawa.

“Peter, dito ka na matulog. Lasing na lasing ka na at baka mamaya ay mapano ka pa sa daan,” sambit muli ng ginang.

“Kailangan ko pong umuwi, Tiya Sitas. May trabaho pa po kasi ako bukas ng maaga,” tugon naman ng binata.

“May pasok ka pa! Bakit ka pa nakikipag-inuman dito sa anak ko?” wika ni Aling Sitas kay Peter.

“Ikaw naman, Mario, alam mong may trabaho itong kaibigan mo at niyaya mo pang uminom. Napakaliblib nitong lugar natin. Baka mamaya ay mapano pa siya. Dito mo na ;yan patulugin at mahihirapan ‘yan sumakay pauwi,” muling paalala ng ginang.

“Oo nga naman, Peter. Magpalipas ka na ng gabi dito. Natatandaan mo ba ang kwento sa atin ng lola ko noong mga bata pa tayo? May kwento-kwento daw na may lumilibot na bus sa gabi tapos ay nangunguha ng mga kaluluwa, sige ka baka mamaya ay ‘yun ang masakyan mo!” tatawa-tawang sambit ni Mario sa kaibigan.

“Puro ka kalokohan, Mario! Hanggang ngayon ba ay naniniwala ka pa rin sa mga kwentong ganyan. Hindi na tayo bata! Kaya ko pa naman umuwi. Huling tagay na lang at tapusin na natin itong inuman natin. Minsan na lang tayong magkita, e!” saad naman ni Peter.

Parehong lasing na lasing na ang dalawa mula sa maghapong pag-inum ng alak.

Inanyayahan kasi nitong si Mario si Peter upang dumayo sa kanilang lugar dahil matagal na silang hindi nagkikita ng matalik na kaibigan. Hindi naman nakahindi pa itong si Peter dahil ilang beses na niyang hindi pinauunlakan ang paanyaya ni Mario sa kaniya tuwing yayayain siya nito.

Kaya kahit na may pasok kinabukasan ay lumuwas si Peter patungo sa baryo kung saan naninirahan ang kaibigan.

Alas dose na nang matapos sina Mario at Peter na mag-inuman. Susuray-suray man ay pinilit pa rin ni Peter na makauwi sa kanila.

“Ihahatid na kita,” sambit ng lasing na si Mario.

“Ako na ang bahala sa sarili ko, pare. Matulog ka na. Lasing ka na, e!” saad din ng lasing na si Peter.

Kahit susuray-suray ay pinilit ni Peter na makarating sa sakayan ng bus.

Sa pagitan ng kaniyang paghihintay ay panay ang pagsuka ng binata dahil sa sobrang kalasingan.

Napansin niya ang isang matandang kanina pa nakatingin sa kaniya.

“Anong problema mo, tanda? Nakakainis ka na. Akala mo hindi ko napapansin na kanina mo pa ako sunusundan at kanina ka pa nakatingin sa akin. Ngayon ka lang ba nakakita ng lasing?” sambit nito sa matanda.

Wala namang tugon na narinig mula sa matandang lalaki.

Ilang sandali pa ay may isang bus na dumaan at agad itong pinara ng binata. Bumaling pa siya ng tingin sa matanda at inunahan niya ito sa pagsakay.

Nang makakita ng bakanteng upuan si Peter ay agad siyang umupo at ipinikit ang mata dahil sa labis na pagkahilo. Umupo naman ang matanda sa hindi kalayuan sa binata.

Maya-maya ay kapansin-pansin ang matandang lalaki na tila lilinga-linga at mayroong hinahanap.

“Nawawala ang pitaka ko! Nawawala ang pitaka ko!” sigaw ng matanda.

Saka niya binatukan si Peter mula sa pagkakatulog nito.

“Ilabas mo ang pitaka ko! Ang kapal ng mukha mong magnanakaw ka! Ilabas mo ang pitaka ko!” patuloy na sigaw ng matandang lalaki.

“Ano bang problema mo? Anong sinabi nyong kinuha ko ang pitaka nyo?” pasigaw na tugon naman ng binata na gulat na gulat sa ginawa sa kaniya ng matandang lalaki.

“Nagmamaang-maangan ka pa! Tara dito at sa pulisya na tayo mag-usap. Halika dito! Patunayan mo sa akin na wala kang kinuhang pitaka!” halos kaladkarin na niya ang lasing na lasing na binata.

Nang sila ay makababa sa bus ay nakapiglas na din si Peter mula sa matinding pagkakahila sa kaniya ng matanda.

“Ano bang problema mo sa akin, tanda! Kanina ka pa! Papatulan na talaga kita!” pagtataas ng boses ni Peter.

“Kailangankong gawin iyon para iligtas ang mga sarili natin. Lahat ng laman ng bus ay duguan at nawawala ang ibang parte ng kanilang katawan. Ngunit sa sobrang pagkalasing mo ay hindi mo ito napansin!” pahayag ng matandang lalaki at saka ito tuluyang umalis.

Tumindig naman ang balahibo ni Peter sa tinuran ng matanda kaya agad niya itong sinundan.

Napag-alaman ni Peter sa matanda na totoo ang haka-haka tungkol sa bus na nangunguha ng kaluluwa. Nagkaroon pala ng isang matinding aksidente noon na kinasasangkutan ng isang bus na tumilapon sa isang bangin. Walang nasawi sa maraming lulan nito. At magpahanggang ngayon ay hindi matahimik ang mga kaluluwa ng biktima kaya bumabalik sila upang manguha ng kaluluwa. Madalas ay ang mga dayo sa kanilang lugar ang kanilang kinukuha.

Laking pasalamat ni Peter sa matandang lalaking nagligtas ng kaniyang buhay. Nagpaumaga na lamang siya sa bahay ng kaniyang kaibigan.

Kinabukasan ay kinuwento nya ang nangyari sa kaniya nang gabi na iyon sa kaniyang kaibigang si Mario at ina nitong si Aling Sitas. Inilarawan pa niya ang matandang lalaking nagligtas sa kaniyang buhay.

“Nakalimutan ko ang pangalan pero tandang-tanda ko pa kaniyang itsura,” saad ng binata.

Inilarawan niya ang itsura ng matandang lalaki. Sa pagtataka ay bigla na lang kinuha ni Aling Sitas ang isang larawan ng isang matanda.

“Kilala nyo si tatang? Ayan nga siya! Siya ‘yung matandang lalaking tumulong sa akin!” sambit pa ni Peter.

“Lolo ko ang matandang lalaking ito, Peter. At matagal na siyang namayapa. Kasama siya sa naaksidenteng bus na nahulog sa bangin matagal na panahon na ang nakakalipas,” pahayag ni Aling Sitas.

Nanlaki ang mga mata ni Peter. Hindi niya akalain na mangyayari sa kaniya ang mga ganitong bagay.

Umuwi si Peter na nagugulumihanan at hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari. Ngunit palagi niyang dadalhin sa kaniyang puso ang pasasalamat sa matandang lalaking tumulong sa kaniya.

Advertisement