Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Anak sa Kasintahan ng Inang Balo na Halos Ka-Edad Lang Niya; Ikagugulat Nila ang Tunay Na Intensyon ng Binata

Tutol ang Anak sa Kasintahan ng Inang Balo na Halos Ka-Edad Lang Niya; Ikagugulat Nila ang Tunay Na Intensyon ng Binata

“Ma, pasensya na po kayo sa sasabihin ko. Pero kailangan nyo na pong tanggapin na wala na ang daddy. Alam ko at nakita ko kung gaano nyo kamahal ang isa’t isa at masakit din para sa akin ang pagkawala niya. Pero huwag niyo namang ikulong lang ang sarili nyo sa kalungkutan. Marami pa pong rason para maging masaya kayo,” sambit ni Haydee sa kaniyang inang si Emma.

“Hindi ko na kasi alam kung paano magsisimula ngayong wala na ang daddy nyo. Pasensiya na kayo sa akin. Tama ka, anak. Wala na nga ang daddy nyo pero parang pati ako ay hindi nyo na rin kapiling. Hayaan nyo, pipilitin kong labanan ang kalungkutan na ito,” saad naman ng ina.

Mag-iisang taon na rin kasi simula nang namapayapa ang asawa ni Emma mula sa isang matinding karamdaman. Lubhang kalungkutan ang naramdaman ng ginang at dahil dito ay nag-aalala ang kaniyang mga anak.

Mula nang matapos ang pag-uusap na iyon ay sinubukan na ni Emma na muling makihalubilo sa iba. Nakikipag-usap na rin at lumalabas na rin ito kasama ng kaniyang mga kaibigan.

Lumipas ang ilang buwan ay nakikita na ang malaking pagbabago kay Emma. Muling bumalik ang dati nitong sigla. Bumalik na rin ito sa paggawa ng kaniyang mga hilig.

Isang araw ay niyaya si Emma ng kaniyang mga kaibigan upang lumabas at mamasyal. Agad naman itong pinaunlakan ng ginang.

Habang nasa isang restawran ay halata ang malagkit na tingin sa kaniya ng isang waiter.

“Parang may gsto sa iyo ang binatang iyon. Kanina pa siya nakatingin sa’yo, Emma,” sambit ni Loyda, kaibigan ng ginang.

“Tigilan nyo nga ako. Mas matanda lang yata ng konti sa mga anak ko ‘yan!” naiinis na tugon ni Emma.

Maya-maya ay lumapit na ang lalaki at kinuha ang kanilang mga order.

Ilang sandali pa, pagkabalik nito para dalhin ang kanilang mga pagkain ay nagbigay ito ng isang bulaklak at libreng cake para kay Emma.

Labis naman ang kilig ng kaniyang mga kaibigan sa ginawa ng lalaki.

“Tigilan nyo ako! Wala na sa edad ko ang ganiyang mga bagay. Saka ang asawa ko lang ang una at huli kong mamahalin,” saad pa ng ginang.

“Matagal-tagal na rin namang wala ang asawa mo, Emma. At may karapatan kang muling lumigaya. Kaya huwag ka ng maarte pa riyan. Gaganyan-ganyan ka pero sa loob-loob mo’y kinikilig ka rin. Aminin mo na gwapo ang waiter na iyon,” panunukso pa ni Loyda.

Natatawa at napapailing na lamang si Emma sa ginagawa ng kaniyang mga kaibigan.

Ngunit hindi pala iyon ang huling pagkikita ni Emma at ng waiter. Muling nagtagpo ang kanilang mga landas habang nasa isang mall itong si Emma.

Doon ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang binata at agad niyang nilapitan si Emma upang magpakilala.

“Ako nga pala si Greg,” sambit ng lalaki.

“Natatandaan kita. Ikaw ‘yung nasa restawran. Huwag mo sanang mamasamain, gusto ko lang malaman kung para saan ang bulaklak at cake na binigay mo sa akin noong araw na iyon?” tanong ni Emma.

“Hindi ba halata. Gusto kita. Hindi ko rin maintindihan pero una pa lang kita makita ay iba na ang dating mo sa akin. At lalo akong nabahala sa nararamdaman ko nang hindi ka maalis sa isip ko,” wika ni Greg.

“Binobola mo ba ako? Hindi mo madadaan ang isang babaeng tulad ko sa mga patutsada mong ganyan. Kung nabibilog mo ang ulo ng mga kasing edad mo ay ibahin mo ako,” sambit muli ng ginang.

Ngunit pinatunayan ni Greg ang nararamdaman niya sa ginang. Palagi niya itong sinasamahan sa kaniyang pupuntahan. Sinuyo niya ito at higit sa lahat ay hindi ito nahihiya na ipakilala si Emma na kaniyang napupusuan sa gitna ng agwat ng kanilang mga edad.

Dahil dito ay nahulog na rin ang loob ni Emma sa binata. Ngunit hindi magiging madali ang lahat para sa kanilang relasyon. Hindi kumbinsido ang kaniyang mga anak sa tunay na hangarin ni Greg sa kanilang ina.

“Kung gusto nyo naman muling mag-asawa ay hindi kami tututol, ma. Pero piliin nyo naman po. Masama ang kutob ko riyan kay Greg. Isa siyang oportunista at tanging pera nyo lang ang habol niyan!” saad ni Haydee sa kaniyang ina.

“Hindi ganun si Greg. Hayaan nyong patunayan niya ito sa inyo,” pakiusap ni Emma sa anak.

“Basta, ma. Iba na lang pero huwag si Greg. Hindi nyo rin ba naisip kung ano ang sasabihin ng ibang tao sa inyo? Malaki ang agwat ng edad nyo tapos ay isang waiter pa siya. Hindi mo maiiwasan na mag-isip din sila ng hindi maganda,” giit pa ng dalaga.

Upang matigil na ang relasyon ni Emma kay Greg ay pinuntahan ni Haydee ang binata upang palayuin sa kaniyang ina.

“Parang awa mo na. Huwag mong gawing katatawanan ang mama ko. Alam ko naman ang kailangan ng isang tulad mo sa tulad ng mama ko. Ginagamit mo lang ang kalungkutan niya para makapanlamang ka!” sambit ni Haydee sa binata.

Nang malaman ni Emma na pinuntahan ng anak ang kaniyang nobyo ay agad itong pumunta sa restawran.

Naabutan niya roon si Haydee na pinagsasalitaan ng masasakit itong si Greg.

“Aminin mo nga sa akin? Ano ba ang kailangan mo sa mama ko? Pera? Sawa ka ng maging isang waiter dito kaya ginawa mong nobya ang mama ko nang sa gayon ay hindi ka na magtrabaho?” muli niyang sumbat kay Greg.

Agad niyang inawat ang anak.

“Tama na, Haydee. Huwag mong pagsalitaan ng ganiyan si Greg!” sambit ni Emma sa anak.

Umawat din ang ilang mga tauhan ng restawran.

“Tama na po, huwag nyo pong hiyain ang amo namin sa harap ng maraming tao,” saad ng isang waiter.

Nagtaka ang mag-ina sa sinabi ng lalaki.

“Hindi po isang waiter dito si Boss Greg. Siya po ang may ari ng restawran na ito sampu ng lahat ng katulad ng ganitong restawran sa buong bansa,” wika pa ng waiter.

Nagulat ang mag-ina sa sinabi ng lalaki.

“Totoo ang sinabi niya. Pasensiya ka na, Emma, kung hindi ko kaagad nasabi sa iyo,” wika ni Greg.

“Naiintidihan kita, Haydee at nais mong protektahan ang iyong ina. Ngunit sana ay hindi ka humuhusga sa katayuan ng isang tao. Ano ngayon kung tunay ngang isang waiter ako? Handa akong ipaglaban ang pag-ibig ko sa mama mo.

Hindi hadlang ang edad at katayuan sa buhay kung magmamahal ka ng totoo. Isa pa, wala ka bang tiwala sa mga desisyon ng mama mo? Kayang-kaya kong sabihin sa lahat ng narito na mahal na mahal ko ang mama mo kahit na malaki ang agwat ng aming edad. Isa siyang ekstra ordinaryong babae at ipinagmamalaki ko siya,” wika pa ng binata.

Hindi makapaniwala si Haydee sa tinuran ng binata. Hindi niya akalain na tunay ang pagmmahal ni Greg sa kaniyang ina. Lubos pa ang hiyang naramdaman niya nang malamang hindi lang pala basta-basta din itong si Greg. Isa itong mayamang negosyante.

Humingi ng kapatwaran si Haydee sa binata. Pumayag na rin ito sa pakikipagrelasyon ng ina sa binata. Hindi dahil sa yaman na mayroon si Greg kung hindi dahil kayang patunayan ng binata na tunay ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang inang si Emma.

Advertisement