Laging Bumibili ng Apat na Hopia ang Isang Matandang Babae; Ito Pala ang Magsasalba sa Kaniyang Buhay
“Ayos ka lang ba talaga diyan, anak? Pasensiya ka na at kinailangan mong tumigil ng pag-aaral para sa pamilya natin,” saad ni Aling Merced sa kaniyang anak na si Sandra.
“Huwag niyo po akong intindihin, nanay. Masaya po akong makatulong sa inyo. Saka kapag nakaipon at may pagkakataon ay babalik muli ako sa pag-aaral,” sambit naman ng dalaga.
Maagang namulat sa hirap ng buhay itong si Sandra. Parehas na magbubukid ang kaniyang mga magulang at nang magkasakit ang kaniyang ama ay kinailangan niyang huminto sa pag-aaral upang tulungan ang kaniyang ina na may edad na rin.
Hindi na nakapagtapos pa ng hayskul ang dalaga. Lumuwas siya ng Maynila upang maging tindera sa isang panaderya.
Hindi man sanay sa buhay sa siyudad ay madaling nakibagay si Sandra. Sa katunayan nga ay kaibigan na rin niya ang ilang nagtatrabaho sa panaderya.
Isang araw ay may isang matandang bumili sa kanilang tindahan. Napukaw nito ang atensyon ni Sandra dahil sa postura nito at sa paulit-ulit nitong binibili.
“Magandang umaga, pagbilan nga akong ng tulad ng dati,” saad ng matanda.
“Po?” pagtataka naman ni Sandra.
“Ay, bago pala ang tindera ngayon. Pasensiya ka na. Pagbilhan mo nga ako ng apat na hopia. ‘Yung bagong gawa, ineng, ha,” wika muli nito.
Kumuha si Sandra ng apat na hopia at ibinalot ito at saka iniabot sa matanda. Pagkaalis ng matanda ay saka nagtanong si Sandra sa kaniyang mga kasamahan.
“Kakaiba ang matandang iyon, ano? Bukod kasi sa lagi siyang nakapostura, napansin ko na pang tatlong beses na niya itong bili sa akin ng apat na hopia,” pahayag ni Sandra sa mga kasamahan.
“Si Aling Gloria ‘yun! Oo, laging apat na hopia ang binibili nya. Kahit na magsisimba o kaya’y pupunta lamang sa palengke ay nakapostura pa ang matandang ‘yun. May kaya kasi ang matandang ‘yun noon. Nung buhay pa ang asawa niya. Ngayon na sumakabilang buhay na ang mister niya, hindi pa rin siya nagbabago. Ngayon ay mag-isa na lang siya sa buhay,” wika ni Rhea, isang kasamahan.
“Ang sabi kasi sa kwento ng mga taga-rito ay gustung-gusto daw kasi ng asawa ni Aling Gloria na nakapostura siya. Dahil mababakas mo naman sa itsura niya kahit napaglipasan na ng panahon ay may ganda siyang taglay,” sambit naman ng isa pang kasamahan.
Mula noon ay lalo pang naging interesante si Sandra sa kwento ng buhay ng matandang si Aling Gloria.
Nang sumunod na araw ay talagang hinintay ng dalaga ang pagdating ni Aling Gloria upang tingnan kung talagang palaging apat na hopia lang binibili ng matanda sa kanilang panaderya.
Siya ngang dating ni Aling Gloria at muling bumili ng apat na hopia. Napangiti na lamang si Sandra.
Dahil walang mintis ang pagbili ng matanda ng apat na hopia ay nakasanayan na rin ito ni Sandra.
“Magandang umaga, pabili nga ako ng –” hindi pa man tapos sa sinasabi si Aling Gloria ay agad na iniabot ni Sandra ang isang balot na naglalaman ng apat na hopia.
“Ito na po, Aling Gloria. Bagong gawa po ang mga ito, mainit-init pa,” saad pa ng dalaga.
Napangiti naman ang matanda sa ginawang ito ng dalaga.
“Salamat, iha!” saad ni Aling Gloria na may kalakip na matatamis na ngiti.
Laging ganito ang naging tagpo sa panaderya. Iniintay na ni Sandra ang matanda upang iabot na lang ang binili nitong apat na hopia.
Ngunit isang araw ay hindi nagpakita si Aling Gloria sa panaderya upang bumili ng apat na hopia.
“Bakit parang hindi ka mapakali riyan, Sandra? Ano bang sinisilip-silip mo?” tanong ni Rhea.
“Anong oras na kasi, e. Dapat itong mga oras na ito ay narito na si Aling Gloria upang kuhain itong apat na hopia niya,” sambit ng patuloy pa ring palinga-lingang si Sandra.
“Baka naman nagsawa na sa hopia. O hindi naman ay may dinaanan lang. Masyado ka naman riyan kung mag-alala akala ko may nasobrahan ka ng sukli, e!” wika pa ng kasamahan.
“Hindi ko alam pero kanina pa ako hindi talaga mapakali. Parang may hindi magandang kutob ako. Alam mo ba kung saan ang bahay ni Aling Gloria?” tanong ni Sandra.
“Ilang kanto mula rito. Huwag mong sabihing pupuntahan mo pa talaga si Aling Gloria para lang sa mga hopia niya. Mapapagalitan ka ng amo natin kapag umalis ka rito,” paalala ng dalaga.
“Ikaw na muna ang bahala dito, Rhea. Hindi ko talaga alam kung bakit ganito ang pakiramdam ko kailangan ko lang puntahan si Aling Gloria,” giit ni Sandra.
Tumatakbo si Sandra habang patungo sa bahay ng matanda. Nang matunton niya ito agad niyang sinilip ang bahay at doon sa may kusina ay nakita niyang nakahandusay sa sahig si Aling Gloria.
Agad siyang tumawag ng saklolo upang madala ang matanda sa ospital. Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon na rin ito ng malay.
“Nang hindi po kayo nagpakita sa tindahan ay agad po akong nag-alala. Kaya dali-dali ko pong tinunton ang bahay nyo. Ito nga po at dala ko pa rin ang apat na hopia na lagi nyong binibili,” saad ng dalaga.
“Nakakatuwa ka naman, iha. Alam mo ba, paborito namin ng asawa ko ang hopia na ito. Tuwing umaga ay magkakape kami at kakain ng tig-dalawang hopia. Hindi ko akalain na ito pa pala ang magiging daan upang madagdagan pa ang buhay ko,” pahayag ni Aling Gloria.
Labis ang pasasalamat ni Aling Gloria sa kabutihang ipinakita ni Sandra.
Kinuha niya ang dalaga upang kaniyang maging personal na natagapangalaga. Pinag-aral din niya sin Sandra at tinulungan pa ang pamilya nito sa probinsiya.
Hindi lubos maisip ni Sandra na ang apat na piraso ng hopia ang magsisilbing daan upang magbago ang landas ng kaniyang buhay.