Inday TrendingInday Trending
Pinanagutan ng Mister ang Anak na Hindi sa Kaniya; Hindi Niya Akalaing Panloloko Pa Rin ang Iginanti ng Misis Niya

Pinanagutan ng Mister ang Anak na Hindi sa Kaniya; Hindi Niya Akalaing Panloloko Pa Rin ang Iginanti ng Misis Niya

“Cesar, sinisingil na tayo ni Aling Ising doon sa nakuha natin sa kaniya noong isang buwan. ‘Yung ginamit natin para maipa-doktor si Luna. Nagkita kami sa bayan at doon pa siya nagsasasalita ng kung anu-ano. Hiyang-hiya talaga ako,” sambit ni Rosalie sa kaniyang mister.

“Pinakiusapan ko na siya noong isang araw. Ang sabi ko kapag nakaani na ay saka ko na lang siya babayaran. Tutubuan ko na lang. Hayaan mo at gagawa ako ng paraan para mabayaran agad siya,” tugon naman ni Cesar.

“Nahihirapan na ako ng ganito, Cesar. Puro na lang tayo utang. Dadalawa lang ang anak natin ngunit hindi pa natin maibigay ang pangangailangan niya. Siguro ay kailangan na din talaga akong maghanapbuhay nang sa gayon ay makatulong ako sa mga gastusin,” mungkahi ng ginang.

“Pero sino ang mag-aalaga sa mga bata sa tuwing ako ay nasa bukid? Mas mainam kasi kapag ikaw ang nag-aalaga sa kanila. Kabisado mo na ang mga kailangan nila at iba pa rin kapag nanay ang nag-aasikaso sa kaniyang mga anak,” saad naman ni Cesar.

“Hindi naman permanente na magtatrabaho ako, Cesar. Mag-iipon lang tayo nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pangpuhunan sa isang negosyo. Tapos ay titigil na rin ako. Gusto ko lang talagang mabayaran na ang mga utang natin,” giit pa ni Rosalie.

Tanging ang pagsasaka lamang ni Cesar ang inaasahan kasi ng pamilya para sa kanilang mga pangangailangan. Hindi ganoon kalaki ang kinikitang ginoo dahil nangangamuhan lamang siya. Madalas pa nga ay wala rin silang makain dahil kapag sumusweldo ang ginoo ay sa pambayad utang lamang napupunta.

Kaya ganun na lamang ang pagpupumilit ni Rosalie sa kaniyang asawa na payagan na siyang magtrabaho. Ngunit ang nais sana ni Cesar ay bilang padre de pamilya ay siya ang magbanat ng buto.

Ngunit isang araw ay nagkasakit muli ang isa sa kanilang mga anak. Hindi na malaman ng dalawa kung saang kamay ng Diyos kukuha ng pera upang maipagamot ang bata. Muli ay nabaon sila sa utang.

Ito na ang naging hudyat para mapilitan si Cesar na pumayag na magtrabaho ang kaniyang misis.

Namasukan bilang isang domestic helper si Rosalie sa ibang bansa. Dahil sa kaniyang trabaho ay unti-unti na silang nakakabayad ng kanilang utang.

Samantala, naiiwan naman sa pangangalaga ng kanilang lola ang dalawang bata. Kinukuha na lamang ito ni Cesar pagkatapos ng trabaho niya sa bukid.

Lumipas ang ilang buwan at naging maayos naman kahit papaano ang buhay ng pamilya. Nagdagdag pa ng trabaho itong si Cesar at umeekstra as pagkakarpintero kung minsan.

Isang araw ay nabigla na lamang si Cesar sa balitang kailangan nang umuwi ng kaniyang asawa galing ibang bansa.

“Kung iyan ang desisyon mo ay sasang-ayon ako. Ayoko na rin naman na nahihirapan ka pa. Magsusumikap pa ako lalo para hindi na tayo kapusin,” saad ng ginoo sa kaniyang misis.

Ngunit laking gulat niya nang makita ang asawa na malaki ang tyan.

“Patawarin mo ako, Cesar. Pinags@mantalahan ako sa ibang bansa at nagbunga ang pananam@ntalang ito sa akin,” umiiyak na pagsusumamo ng ginang.

Niyakap na lamang ni Cesar ang kaniyang asawa.

“Walang hiya ang gumawa niyan sa’yo! Hayaan mo narito ka na at hindi ka na nila masasaktan pa,” sambit ng ginoo.

Tinanggap niya ang lahat ng masamang nangyari sa kaniyang asawa maging ang batang dinadala nito. Inari niya ang sanggol na tila sa kaniya ito nanggaling. Kahit kailan ay hindi niya hinusgahan ang asawa at lagi niya itong ipinagtatanggol sa lahat.

Kahit na matunog sa kanilang bayan na nangaliwa at patuloy na nangangaliwa itong si Rosalie ay hindi niya ito pinapaniwalaan.

Hanggang isang araw ay naabutan niya si Rosalie na nagbabalot ng kaniyang mga gamit.

“Saan ka pupunta?” pagtataka ni Cesar.

“Aalis na kami ni baby dito sa bahay. Hindi ko na talaga kaya ang makisama sa iyo at hindi ko na kaya ang buhay na ganito. Lagi na lang wala, laging gipit, laging kapos!” sigaw ng ginang.

“Sige, umalis ka. Pero iwan mo ang mga bata pati ang sanggol na ‘yan!” sambit naman ni Cesar.

“Hindi maaari dahil sasama na ako sa tunay na ama ng batang ito. Aalis na kami, Cesar, at hindi mo na kami mapipigilan pa,” muling wika ni Rosalie.

Napakasakit kay Cesar nang malaman niya ang buong katotohanan. Matagal na pala siyang niloloko ng kaniyang asawa. Hindi ito tunay na pinagsamantalahan sa ibang bansa kung hindi nagkaroon ito ng ibang karelasyon doon. Nang magbuntis ay pinauwi si Rosalie ng kaniyang mga amo.

Upang makaiwas sa kahihiyan na sasapitin pabalik ng Pilipinas ay nagsinungaling siya kay Cesar sa tunay na nangyari at nagawa pang ipaako ang bata sa kawawang asawa.

Ngunit nagpatuloy pa rin ang pakikipagrelasyon ni Rosalie sa tunay na ama ng bata hanggang sa nagpasya na itong sumama na ng tuluyan sa karelasyon.

Wala nang nagawa pa si Cesar kung hindi tanggapin ang lahat.

Simula nang umalis si Rosalie ay lubos pang nagpursige ang ginoo upang mabuhay niya ang dalawang bata na nasa kaniyang pangangalaga.

Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na si min@maltrato at niloloko din ng karelasyon niya itong si Rosalie.Kinuha lamang ang sanggol at pinabayaan na rin ang ginang.

Hanggang sa nakita na lamang niya ang dating asawa sa labas ng kanilang bahay. Nagbabalik ito upang mabuo daw muli ang kanilang pamilya. Ang hindi niya alam ay alam ni Cesar ang lahat ng ginawa sa kaniya ng lalaki niya.

“Ikaw ang umalis at hindi nagpapigil. Ngunit sa pag-alis mong iyon ay napagtanto kong mas mainam pala ang ginawa mo dahil nalaman ko ang tunay mong pagkatao. Marami akong hindi kayang ibigay sa inyo pero lahat ay ginagawa ko kahit kalimutan ko na ang aking sarili para lang mabigyan kayo ng magandang buhay. Sa lahat ng pagkakataon ay kayo ang pipiliin ko.

Hanggang ngayon, pamilya pa rin ang pipiliin ko ngunit ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na hindi ka na kasama sa pamilyang sinasabi ko. Hindi ko na hahayaan na makapasok kang muli sa buhay namin ng mga anak ko dahil ayaw kong masaktan sila muli,” wika ni Cesar.

Hindi man ipinagtabuyan ay naunawaan ni Rosalie na wala na siyang puwang sa kaniyang pamilya. Labis ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang mga nagawa. Nagbabalik sa kaniyang mga alaala ang simple man ngunit masayang pamilyang kanilang binuo ni Cesar.

Ngunit dahil lamang sa pagnanais na magkatama ng mas maginhawang buhay ay nagtaksil siya sa isang lalaking gagawin ang lahat dahil sa pagmamahal sa asawa at mga anak.

Advertisement