Pilit na Pinatutunayan ng Isang Pedikab Drayber na Kaya Niyang Buhayin ang Kaniyang Mag-Ina; Sa Pag-Alis ng Ginang ay Doon Pala Aayos ang Kanilang Buhay
“Saan ang tungo mo Daisy at tila gayak na gayak ka?” tanong ni Damian sa kaniyang kinakasama.
“Saan pa kung hindi maghahanap ng trabaho. Hindi pwedeng laging ganito lang tayo, Damian. Nagsasawa na ako na palagi na lang problema ang lahat ng bagay. Laging walang pera!” tugon naman ng ginang.
“Pero sino ang mag-aalaga kay Junior kung aalis ka?” tanong muli ng ginoo.
“E ‘di ikaw. O bahala ka kung sino ang mag-aalaga pero aalis ako nang may mapala naman ang buhay ko kesa nakaasa lang lagi sa kakarampot mong binibigay!” wika pa ni Daisy.
Walang nagawa pa si Damian kung hindi isama na lang ang tatlong taong gulang na anak sa pamamasada ng pedikab.
“Pasensiya ka na, anak. Kailangan talaga ni tatay na maghanap-buhay. Baka mamaya ay walang mahanap si nanay mo na trabaho, magagalit iyon kapag wala tayong panggastos,” wika ni Damian sa kaniyang anak.
Binitbit ng ginoo ang kaniyang anak at isinama sa pamamasada.
Maya-maya ay nakita sila ni Celia, malapit na kaibigan ni Damian.
“Nakakatulog na ang anak mo, Damian. Baka mamaya ay mahulog!” sigaw ni Celia.
Agad na huminto si Damian at iniayos ang anak. Sabay lapit din ni Celia sa mag-ama.
“Kawawa naman itong si Junior. Nasaan ang asawa mo, Damian, at bakit kasakasama mo pa itong bata sa pamamasada. Napakainit pa naman,” saad ng dalaga.
“Umalis si Daisy. Iuuwi ko na muna itong si Junior at baka mamaya na lang ako mamamasada ulit. Paspasan na naman para makakuha man lang ng panggastos ngayong araw,” wika ni Damian.
“Kung gusto mo ay iwan mo na lang muna sa akin si Junior. Ako na ang bahala sa kaniya at maghanap buhay ka na,” saad ni Celia.
“Hindi ba nakakahiya sa’yo, Celia? Pasensiya ka na talaga, a. Maraming salamat sa’yo,” sambit pa ng ginoo.
Binuhat ni Celia si Junior upang pansamantalang iuwi sa kaniyang bahay habang si Damian naman ay nagpatuloy sa kaniyang pamamasada.
Inabot na rin ng gabi si Damian sa pagpapadyak. Pinuntahan niya si Celia upang kunin ang kaniyang anak na si Junior at sabay na silang uuwi sa kanilang bahay. Labis ang pasasalamat niya sa kaibigan.
Ngunit pag-uwi sa bahay ay wala pa rin ang kaniyang kinakasamang si Daisy. Pinakain na ni Damian ang anak at binihisan at pinatulog na rin ito.
Alas dos na nang makauwi si Daisy sa kanilang bahay at halatang nakainom ito.
“Saan ka ba galing? Kanina ka pa namin hinihintay ng anak mo. Saka nga pala, hindi uubra na isasama ko si Junior sa pamamasada kasi kawawa ka naman siya,” sambit ni Damian sa kinakasama.
“Naghanap ako ng trabaho ‘di ba? Nakahanap na ako! At hindi mo ako pwedeng patigilin dahil mas malaki ang kikitain ko rito kaysa diyan sa pamamasada mo lang! Ipaalaga mo kahit kanino ‘yang si Junior. Basta ako ay magtatrabaho,” saad pa ni Daisy.
Namasukan sa isang bar si Daisy at tuwing hapon ay umaalis na ito sa kanilang bahay. Tutol man si Damian sa naging trabaho ng kaniyang kinakasama ay wala siyang magawa dahil totoo naman ang sinasabi ni Daisy na hindi sapat ang kaniyang kinikita.
Hindi naman din niya magawang tumigil sa pamamasada dahil gusto niyang patunayan sa kinakasama na kaya niyang buhayin ang mag-ina.
Mabuti na lamang ay nariyan si Celia upang tumingin muna kay Junior kaysa isama ni Damian ito sa pamamasada.
Hanggang sa nakita na ni Damian ang malaking pagbabago kay Daisy. Madalas ay hindi na ito umuuwi sa kanilang bahay. At kung uuwi man ay para lamang kumuha ng ilang damit. Nag-iiwan lamang ito ng pambili ng gatas ng kanilang anak.
Isang araw ay naabutan na lamang ni Damian si Daisy na tuluyang nag-eempake na ng kaniyang mga gamit.
“Hindi ka na ba talaga uuwi rito?” saad ng ginoo.
“Hahayaan mo na lang ba talaga si Junior na mawalan ng isang ina? Daisy, pag-usapan naman natin ito,” pakiusap ni Damian.
“Tama na, Damian. Ayoko nang makisama pa sa iyo at ayoko na rin ng ganitong buhay. May nakita na akong iba at siya ang makapagbibigay sa akin ng buhay na gusto ko. Hayaan mo, hindi ko naman kukuhain sa iyo si Junior. Sa’yong-sa’yo na siya!” sambit pa ni Daisy sabay talikod sa ginoo.
Halos gumuho ang mundo noon ni Damian. Hindi niya alam kung paano palalakihin si Junior ng walang ina.
Kahit hirap ay pinilit ni Damian na itaguyod ang kaniyang anak. Mabuti na lamang at laging nariyan si Celia sa kaniyang tabi upang siya ay alalayan lalo na pagdating sa bata.
Tinulungan din ni Celia si Damian upang makapasok bilang isang drayber sa isang pribadong kumpanya. Simula noon ay unti-unti na ring umayos ang kanilang buhay na mag-ama.
Samantala, tila naging isang bangungot ang inaasahang buhay ni Daisy sa lalaking kaniyang sinamahan. Ina@buso siya nito at pinagag@mit ng ipinagbab@wal na g@mot. At sa tuwing siya ay tumatanggi’y panan@kit ang kaniyang dinaranas.
Nang makatakas siya sa lalaki ay muli siyang nagbalik kay Damian lalo pa nang nabalitaan niyang ayos na ang buhay nito.
Ngunit hindi niya inaasahan ang kaniyang daratnan.
“Apat na taon na ang nakalipas, Daisy. Iniwan mo kami ng anak mo nang hindi alam kung paano ang magsimulang muli. Mabuti na lamang at narito si Celia. Siya ang naging kasangga ko sa hirap at siya rin ang naging ina kay Junior,” pahayag ni Damian.
“Magdadalawang taon na kaming kasal. Pasensiya na pero wala na akong nararamdaman para sa iyo dahil si Celia na ang mahal ko,” saad pa ng ginoo.
Naluha si Daisy sa sinabi ni Damian. Naalala niya ang lahat ng sakripisyo sa kaniya ng ginoo.
Ang mas masakit ay nang tawagin niya si Junior at hindi man lamang siya nito kilala.
Lumuluha si Daisy na nilisan ang tahanan. Dala niya habambuhay sa kaniyang dibdib ang panghihinayang at pagsisisi para sa pamilyang kaniyang tinalikuran.