Inday TrendingInday Trending
Nagpakasal ang Isang Matandang Dalaga sa Isang Binatang Halos Kalahati ng Kaniyang Edad; Hindi Akalain ng Lahat ang Tunay na Intensyon ng Lalaki

Nagpakasal ang Isang Matandang Dalaga sa Isang Binatang Halos Kalahati ng Kaniyang Edad; Hindi Akalain ng Lahat ang Tunay na Intensyon ng Lalaki

“Carmen, baka akala mo ay hindi ko alam na may kinakatagpo ka sa bayan tuwing aalis ka,” bungad ng ginang na si Josie sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Matunog ang pangalan mo sa mga bulung-bulungan. Hindi ka ba nahihiya na nakikipaglandian ka sa halos kalahati na ng edad mo? Kung kailan ka tumanda ay doon ka pa naglandi!” sambit pa ng kaniyang ate.

“Wala namang namamagitan sa amin ni Joseph, ate. Magkaibigan lang kami. At isa pa, palagi niya akong tinutulungan sa tindahan. Siya na ang serbis ko papunta sa bayan. Kung ano man ang nababalitaan mo ay hindi totoo ‘yon! Imposible na magkagusto sa akin ang isang katulad niya,” pahayag naman ni Carmen.

“Talaga! At kung maghahayag man siya ng pagkagusto sa iyo ay alam mo nang may kailangan ‘yan! Kaya kung ako sa’yo, habang maaga pa ay iwasan mo na iyang Joseph na ‘yan. Kahihiyan lang ang inaabot mo riyan!” wika muli ni Josie.

Limangpu’t limang taong gulang na kasi si Carmen, may-ari ng isang maliit na grocery store sa bayan at ang tinutukoy nilang si Joseph na isang traysikel drayber ay dalawangpu’t anim na taong gulang pa lamang. Dahil sa pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa ay nabigyan na agad ito ng kulay.

Ikinaiinis naman ito ng kaniyang Ate Josie sapagkat masagwa raw tingnan ang kanilang pagkakaibigan.

Ngunit ang hindi alam ni Carmen ay talagang may nararamdaman sa kaniya ang binata higit pa sa isang kaibigan. Nagulat na lamang siya nang isang araw ay tahasan itong umamin.

“Bakit ako? Ang dami naman dyan na ka-edad mo. Parang lola mo na nga ako, e,” sambit ni Carmen sa binata.

“Hindi ko rin alam. Pero simula nang mapalapit ako sa’yo, nakita ko na ibang-iba ka sa lahat ng babaeng nakilala ko. Napakaganda ng mga ngiti mo lalo na ang pakikitungo mo sa mga tao. Siguro nahulog na rin ako sa’yo dahil sa ganda ng kalooban mo,” paliwanag naman ni Joseph.

“Napakaimposible kasi na mahulog ang isang kagaya mo sa isang kagaya ko. Alam mo ba kung bakit tumanda na lang akong dalaga? Takot ako na ipagkatiwala ang sarili ko sa isang lalaki dahil alam kong masasaktan lang ako,” saad pa ni Carmen.

“Pangako ko sa iyo na iiyak ka lang dahil sa lubos na kaligayahan. Sana ay hayaan mo naman akong patunayan na totoo ang pag-ibig ko sa’yo, Carmen,” giit pa ng binata.

May pag-aalinlangan man ay pinaunlakan ni Carmen ang pakiusap sa kaniya ni Joseph. Sa tanda niya kasing iyon ay wala naman na ding mawawala sa kaniya.

Ngunit tutol na tutol dito ang kaniyang mga kamag-anak lalo na ang kaniyang Ate Josie.

“Ano bang pumasok sa isip mo, Carmen, at nakipagrelasyon ka pa? Hindi ba sinabi ko sa iyo na lumayo ka na? Ngayon ay kasal pa ang sinasabi mo riyan? Alam naman ng lahat dito kung ano lang ang habol sa’yo niyang si Joseph. Pera lang ang gusto sa iyo niyan! Huwag ka sanang magpabilog sa mga sinasabi niya!” sambit ng nakatatandang kapatid.

Sa tagal ng pagkakaibigan namin ay napatunayan kong hindi ganun si Joseph. Malinis ang kaniyang hangarin sa akin ate. Hindi ka man pumayag ay walang makakapigil sa amin. Matanda na ako at alam ko ang ginagawa ko!” wika pa ni Carmen.

Wala nang nagawa ang malalapit kay Carmen sa kaniyang mga naging desisyon. Tuluyang nagpakasal ang matandang dalaga sa binata.

Naging tampulan ng tukso at laman ng mga tsismisan ang pag-iibigan nila Joseph at Carmen. Ngunit kahit ano pa ang kanilang makita o marinig ay hindi nila hinayaan na maapektuhan ang kanilang pagsasama.

Patuloy na pinatunayan ni Joseph ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawang si Carmen. At sa loob ng limang sampung taon ay masaya silang nagsama.

Ngunit hindi inaasahan nang biglang magkasakit si Carmen. Malubha na ito at sabi ng mga doktor ay maaaring hindi na magtagal pa ang buhay ng matanda.

Labis na ikinalungkot ito ni Joseph. Dinala niya ang asawa sa iba’t ibang ospital upang muling ipasuri dahil hindi siya makapaniwala na hanggang doon na lamang ang buhay ng kaniyang minamahal. Ngunit pare-pareho ang naging hatol ng doktor kay Carmen.

Ilang buwan silang nanatili sa ospital upang ilaban niya ang buhay ng kaniyang asawa ngunit patuloy na ang panghihina ng matanda.

“Siguro ay oras ko na talaga. Kailangan nating tanggapin na hanggang dito na lang ang lahat. Hiram lang ang buhay, mahal ko, at masaya ako na sa mga huling sandali ay ikaw ang kapiling ko,” sambit ni Carmen sa mister.

“Kung kaya ko lang kuhain ang sakit na nararamdaman mo, mahal, ay gagawin ko. Kahit ako na lang ang mahirapan at hindi na ikaw. Hindi ko kaya na mawala ka sa akin!” pagtangis ni Joseph.

“Kapag wala na ako, Joseph, ayos lang sa akin na mag-asawa kang muli. Bata ka pa at marami ka pang mararating sa buhay mo. Ang nais ko ay kung ano ang ikaliligaya mo. Salamat sa Diyos na ibinigay ka niya sa akin. Dahil sa’yo, napatunayan kong may isasaya pa ang buhay,” wika pa ng matanda.

Unti-unti nang nawalan ng hininga si Carmen. Tanging matinding yakap na lamang at walang patid na luha ang nagawa ni Joseph sa tuluyang paglisan ng kaniyang asawa.

Habang pinagmamasdan ng mga kaanak ni Carmen ang si Joseph ay ramdam nila ang kalungkutan nito. Ngunit ang lahat ay nakaabang pa rin sa mga susunod na hakbang ng balo na ngayong si Joseph.

Sinasabi ng iba na swerte ito dahil maiiwan sa kaniya ang lahat ng pera at negosyo ng namayapang si Carmen. Ang ilan naman ay hindi na raw magugulat kung mag-asawa ito agad ng mas bata.

Ngunit ikinagulat ng lahat ang ginawa ni Joseph.

Ibinigay niya ang natitirang pera ni Carmen sa bangko sa kaniyang nakatatandang kapatid.

“Kayo na po ang bahalang maghati-hati niyan sa mga kamag-anak niyo. ‘Yung grocery, kayo na rin ang bahala. Tulad ng sinabi ni Carmen, bata pa naman ako at kaya ko pang maghanap buhay. Ako na ang bahala sa sarili ko,” malungkot nitong sambit sa matandang hipag.

“Buong akala namin ay ito lang ang habol sa kapatid ko. Ngunit nagkamali kaming lahat,” saad ni Josie.

“Mula noon ay alam ni Carmen kung ano ang nagustuhan ko sa kaniya. Mahal na mahal ko siya. At kung may mahihigitan ko pa ang kaya akong ibigay na pagmamahal sa kaniya ay gagawin ko. Aanhin ko ang lahat ng iyan kung wala naman ang asawa ko,” lumuluhang sambit pa nito.

Labis na pinagsisihan ni Josie ang paghuhusgang ginawa niya kay Joseph. Lalo pa at alam niyang naging masaya ang buhay ng kaniyang kapatid sa mga taong kapiling nito ang binata.

Lalo pang pinatunayan ni Joseph ang wagas na pagmamahal niya kay Carmen nang hindi na ito muling nag-asawa pa.

Advertisement