Inday TrendingInday Trending
Minasama ng Mister ang Pakiusap ng Ginang Tungkol sa Pagtira ng Byenan sa Kanilang Bahay; Natauhan Siya sa Ginawa ng Misis

Minasama ng Mister ang Pakiusap ng Ginang Tungkol sa Pagtira ng Byenan sa Kanilang Bahay; Natauhan Siya sa Ginawa ng Misis

“Huwag mo sanang masamain, Dave, gusto ko lang sana itanong kung hanggang kailan dito mananatili sa bahay natin ang nanay mo? Hindi ba ang sabi mo kasi ay magbabakasyon lang siya dito ng isang linggo? Mag iisang buwan na rin kasi, babe,” tanong ng misis na si Janine sa kaniyang asawa.

“Nakiusap kasi sa akin si nanay na dito daw muna siya sa atin habang pinapaayos nila ang bubong ng bahay. Saka siguro ay nais na makasama din ako dahil matagal-tagal na rin tayong nakabukod,” tugon naman ni Dave.

“Malaya naman siyang makakapunta dito, babe. Kaso, sa totoo lang kasi ay naiilang ako sa kaniya. Simula kasi nang dumating siya dito ay hindi na ako nakakilos sa paraang gusto ko. Lagi na lang niya akong sinisita o kaya ay pinakikialaman. Kahit na sa pagluluto o paglilinis ng bahay at sa paraan ng pag-aasikaso ko sa iyo,” wika pa ni Janine.

“Basta, Dave, hindi na kasi tulad ng dati. Siyempre bahay natin ito at nais kong makakilos ng malaya,” dagdag pa ng ginang.

“Ikaw na lang ang umunawa, Janine. Matanda na ang nanay ko at nami-miss lang nun na pagsilbihan ako bilang ako ang panganay niya. Hayaan mo na siya,” sagot pa ng mister.

Kahit ilang beses na itong sabihin ni Janine sa kaniyang asawa ay wala pa rin itong ginagawa.

Walang anak ang mag-asawang Dave at Janine. Ito na sana ang pagkakataon ng dalawa na bumuo ng sariling pamilya dahil sa wakas ay nakabukod na sila. Ngunit hindi magampanan ni Janine ang kaniyang pagiging asawa kay Dave dahil laging nakikialam ang nanay nito.

Ilang linggo na rin ang nakakalipas nang magsabi ang nanay ni Dave na si Aling Tess na mananatili muna sandali sa bahay ng mag-asawa ngunit tila nasiyahan na ang matanda doon at ayaw nang umalis. Labis na ikinababahala ni Janine.

“Babe, baka pwede mo namang kausapin si Nanay Tess. Kasi noong isang araw ay iniluto niya ang lahat ng baka sa ref. Marami pa naman tayong ulam. Minsan ay nasasayangan din ako dahil tatlo lang naman tayong kumakain ngunit ang daming inihahanda. Napapanisan tayo,” wika ni Janine.

“Hayaan mo at pagsasabihan ko siya,” saad ng mister.

“Kailan ba talaga aalis ang nanay mo, Dave? Apat na buwan na siya dito. Gawa na rin ang bubong ng bahay niyo. Sabihin mo na lang kasi sa akin kung dito na siya titira para alam ko,” sambit pa ng misis.

“Ano ba ang gusto mo? Palayasin ko ang nanay ko? Kapag tinanong ko siya kung kailan siya uuwi ay baka magdamdam iyon sa akin. Ikaw na ang matutong makisama, Janine. Nanay ko naman siya,” saad pa ni Dave.

Ngunit makalipas ang ilang buwan ay hindi na lang basta nanay niya ang nakitira sa bahay. Ipinakiusap din nito na tumira doon ang nakababatang kapatid na babae ni Dave.

“Ang sabi mo sa akin, Dave, pansamantala lang dito ang kapatid mo upang matulungan ang nanay mo. Pero ilang buwan na rin siyang narito. At higit sa lahat ay hindi na ako natapos sa kakalinis nitong bahay. Lagi siyang may bisita at ako pa ang nakikisama. Ako pa ang nagliligpit. Akala ko ba ay narito siya para makatulong? E, dumagdag pa siya sa mga intindihin ko, babe,” pahayag ni Janine.

“Pamilya ko sila, Janine. Kailangan ko silang tulungan kung nangangailangan sila. Hindi ko rin naman kayang tumanggi sa kanila dahil alam kong magtatanim sila ng sama ng loob sa akin,” tugon naman ni Dave.

“Kaya ayos lang sa iyo na ako ang nahihirapan? Ayos lang sa iyo na ako naman ang tinutubuan ng sama ng loob sa iyo nang unti-unti?” sambit pa ng ginang.

“Napapagod na ako, Dave. Hindi nila ako katulong. Hindi ako tau-tauhan sa pamamahay na ito. Asawa mo ako. Akin din ang bahay na ito at may karapatan ako dito. Lalong hindi tayo makakabuo ng sarili nating pamilya kung ganito ang sitwasyon dito. Pero kung mas nais mo silang makasama ay bahala ka. Ako na lang ang aalis,” wika pa ni Janine.

Tila napagod na pag-unawa ang ginang kaya wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi ang umalis ng bahay nilang mag-asawa.

“Huwag mo siyang pigilan. Gusto niyang umalis, e ‘di, umalis siya! Walang pakisama ang babaeng iyan!” saad ni Aling Tess sa kaniyang anak.

Mula ng umalis si Janine sa bahay ay doon na tumira si Aling Tess at ang tatlong kapatid pa ni Dave. Lahat ng gastusin ay sa kaniya. Tumaas ang kaniyang binabayaran sa tubig at kuryente dahil sa pag-aaksaya ng mga ito.

Madalas ay may bisita din ang kaniyang mga kapatid at nanay at si Dave pa rin ang gumagastos para sa mga pagtitipon na ito. Pagkatapos ng kanilang mga party ay iiwanan na lamang ng mga ito na makalat ang bahay.

Naalala ni Dave ang matiwasay na pamumuhay nila ni Janine noong sila pa lamang dalawa. Nagsisisi siya kung bakit hindi pa siya nakinig sa asawa noong nagsasalita ito. Sana ay pinanigan niya ang ginang nang sa gayon ay hindi na umabot pa sa ganito.

Sa puntong iyon ay desidido na si Dave na itama ang kaniyang mga pagkakamali.

Kinausap niya ang asawa upang muling bumalik sa kaniya. At sa pagbabalik ni Janine sa bahay ay pinakiusapan na rin ni Dave ang kaniyang pamilya na bumalik na sa tinitirahan ng mga ito.

“Pamilya ko kayo at mahal ko kayo, hindi ko maitatanggi ‘yan. Pero may asawa na ako ngayon. Dapat ay respetuhin niyo ang katotohanan na iyan. Nawalan ako ng respeto sa karapatan ng asawa ko dahil sa ayaw ko kayong magdamdam sa akin. Ngunit naging kapalit naman nito ang pagkasira ng pagsasama namin,” saad ni Dave.

“Kaya kahit magalit na kayo sa akin ay kailangan nyo nang lisanin ang bahay namin. Asawa ko si Janine at siya ang prayoridad ko,” dagdag pa ng ginoo.

Mula noon ay nilisan na ng nanay at mga kapatid ni Dave ang kanilang tahanan at bumalik na sila sa kanilang tinitirahan.

Humingi ng kapatawaran si Dave sa kaniyang asawang si Janine at nangakong hindi na muli ito mauulit pa.

Maligayang nagsama muli ang dalawa at doon ay sinimulan na nila ang pangarap na pagbuo ng kanilang sariling pamilya.

Advertisement