Inday TrendingInday Trending
Labis ang Lungkot ng Dalaga nang Ipakasal Siya sa Lalaking Hindi Niya Mahal; Hindi Niya Akalain ang Gagawin ng Binata

Labis ang Lungkot ng Dalaga nang Ipakasal Siya sa Lalaking Hindi Niya Mahal; Hindi Niya Akalain ang Gagawin ng Binata

“Hindi ko maintindihan sa’yo, Clarisse, kung bakit hindi mo magawang mahalin si Enrico. Wala ka nang hihilingin pa sa binatang iyon. Bukod sa galing siya sa isang prominenteng pamilya tulad natin ay nasa kaniya na ang kailangang hanapin sa isang lalaki,” sambit ni Agnes sa kaniyang dalagang anak.

“Ngunit hindi ko po siya mahal, mommy. Hindi siya ang lalaking nais kong makasama habang buhay,” wika ng lumuluhang dalaga.

“Wala kang mapapala kay Renan. Ni hindi natin siya kauri, anak. Makinig ka sa amin ng daddy mo sapagkat alam namin kung ano ang makabubuti para sa iyo,” sambit muli ng ginang.

“Napakadaya niyo! Bakit kailangan na kayo ang magdesisyon para sa buhay ko? Bakit kasi hindi niyo na lang kami hayaan ni Renan. Nagmamahalan kami at kaya kong talikuran ang lahat ng yamang ito para lang sa kaniya,” sagot pa ni Clarisse.

“Iyan ang dahilan kung bakit kailangan na kami ang magdesisyon para sa buhay mo, Clarisse. Hindi ka nag-iisip ng maayos. Itigil na natin ang usapang ito sapagkat wala ka nang magagawa pa. Ikakasal ka kay Enrico at iyon na ang nakatakda,” pagtatapos ng ina.

Matindi pa sa isang hagupit ang naramdaman ni Clarisse nang ihayag ng kaniyang mga magulang ang pag-iisang dibdib nila ng anak ng kakosyo nila sa negosyo.

Maayos naman na lalaki itong si Enrico. Sa katunayan nga ay maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kaniya. Wala ka na kasing mahihiling pa sa binata. Bukod sa angking kakisigan nito ay matalino din ito at mabait. Idagdag mo pa ang kayamanang nakakabit sa kaniyang apelyido. Mula noon ay mahal na mahal na ni Enrico si Clarisse at masaya siyang sa wakas ay mapapangasawa na niya ito.

Ngunit alam din niyang may ibang mahal itong si Clarisse. At ito ang kaniyang matinding prinoproblema.

“Kung sa binatbat lang ay hindi uubra sa akin iyang si Renan. Pero hindi ko alam kung anong nakita ni Clarisse sa kaniya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makuha ang damdamin ng mapapangasawa ko. Sinubukan ko na ang lahat,” pahayag ni Enrico sa kaniyang kapatid na si George.

“Walang malaki talagang nakapupuwing. Baka kapag mag-asawa na kayo ay maging problema mo pa ‘yan. Isa lang naman ang solusyon d’yan, alisin mo sa landas nyo ni Clarisse ‘yang insektong si Renan,” suhestiyon ng kapatid.

“Hindi ko kayang gawin ‘yon, George. Saka sa totoo lang ay hindi ko na nga dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang lalaking iyon. Naisip ko lang na kapag napangasawa ko na si Clarisse, maaaring magbago na rin ang kaniyang isip. Siguro ay nasasaktan lang ako dahil alam kong may ibang laman ang puso niya,” sambit naman ni Enrico.

Habang papalapit ang kanilang kasal ay lalo namang nararamdaman ni Enrico ang paglayo sa kaniya ng dalaga. Kaya upang makuha ang loob ni Clarisse ay sinusubukan niyang gawin ang mga bagay na nais ng dalaga.

“Alam ko na sinusubukan mong makuha ang loob ko, Enrico. Pero patawad sapagkat tapat ako kay Renan. Mahal na mahal ko siya,” deretsahang pag-amin ni Clarisse.

“Lagi na lang si Renan! Lahat ay ginagawa ko para sa iyo, Clarisse, pero lagi na lang siya ang bida sa’yo! Kailangan mo ba mapagtatanto na hindi siya nababagay sa tulad mo?” sigaw ni Enrico.

Labis na natakot naman si Clarisse sapagkat noon pa lamang niya nakita si Enrico na magalit ng ganun. Marahil ay talagang naubos na ang pasensiya nito.

“Ako ang mapapangasawa mo kaya kailangang ako na ang laman niyang puso at isip mo. Ano man ang mangyari ay tuloy ang kasal, Clarisse. Huwag mong hiyain ang pamilya ko at pamilya mo dahil lang diyan sa walang kwentang pagmamahal na sinasabi mo!” dagdag pa ng binata.

Napaluha na lamang si Clarisse. Sa mga sandaling iyon ay ang nais na lamang niya ay sumama at magpakalayu-layo kasama si Renan.

Kaya ito ang kaniyang ginawa. Tumakas si Clarisse upang makipagkita kay Renan.

“Dito sa pantalan, bago pumutok ang araw bukas ay magkita tayo. Sasama na ako sa’yo, Renan. Hintayin mo ako,” wika ng dalaga sa kaniyang kasintahan.

Ang hindi alam ni Clarisse ay nakasunod sa kaniya si Ernico at alam nito ang kaniyang binabalak.

Kaya bago pa man makipagkita at sumama si Clarisse ng tuluyan kay Renan ay agad na siyang kumilos upang pigilan ito.

“Hindi ko hahayaan na sumama ka sa hampas lupang iyon. Ako ang para sa iyo, Clarisse! Huwag mo nang pahirapan ang sitwasyon. Hayaan mo na lang na ikasal ka sa akin. Patutunayan ko sa iyo na karapat-dapat ako at hindi si Renan!” sambit ni Enrico.

“Kahit kailan ay hindi mo makukuha ang puso ko. Kahit na magpakasal ako sa iyo ay babalik at babalik pa rin ako kay Renan. Siya at siya pa rin ang mamahalin ko. Kasama mo nga ako ngunit ang puso ko ay nasa iba,” pagtangis ng dalaga.

“Wala ka naman nang magagawa pa. Sinabi ko na ito sa mga magulang mo. Kapag nagpumilit ka pa ay may mangyayaring masama kay Renan. Kaya kung ako sa iyo ay itigil mo na ang kahibangan mo!” wika muli ng binata.

Dahil sa pangamba ay hindi na lumaban pa si Clarisse at tuluyan na ring pumayag sa pagpapakasal kay Enrico. Mula rin noon ay pinakisamahan na niya nang maayos ang binata.

Ngunit ramdam ni Enrico na hindi masaya sa kaniya ang dalaga.

Dumating na ang pinakahihintay na araw ng lahat, ang pag-iisang dibdib nila Enrico at Clarisse. Dahil parehong prominente at kilala ang kanilang mga pamilya ay malaking handaan ang magaganap.

Sa simbahan ay ilang minuto nang naghihintay si Enrico at ang mga bisita sa pagdating ni Clarisse ngunit hindi ito dumarating.

Kinutuban na si Enrico na maaaring si Renan na naman ang kinatagpo nito.

Agad na umalis si Renan sa simbahan at nagtungo sa kinaroroonang hotel ng dalaga. Pagbukas niya ng silid ng mapapangasawa ay laking gulat niyang naroon pa rin ito.

“Paalis na rin ako. Pasensiya na kung natagalan,” saad ni Clarisse na nakasuot na ng kaniyang trahe de boda.

Hindi makapaniwala si Enrico sa labis na kagandahan ng dalaga ng mga sandaling iyon. Ngunit bakas pa rin sa mukha nito ang kalungkutan kahit na pilit nitong ikinukubli sa kaniyang mga ngiti.

Sa puntong iyon ay buo na ang loob ni Enrico.

Niyaya niya si Clarisse upang sumama sa kaniya. At laking pagtataka ng dalaga sapagkat hindi sa simbahan ang kanilang tungo.

“Anong ginawa natin dito, Enrico?” tanong ng dalaga.

“Alam kong malaking kahihiyan itong gagawin ko pero hindi naman ako ganung kasamang tao talaga, Clarisse,” wika ng binata.

“Kaya pinauubaya na kita kay Renan, Clarisse. Sumama ka na sa kaniya at ako na ang bahala sa lahat ng mga bisita,” dagdag pa nito.

Hindi alam ng dalaga ang kaniyang nararamdaman sa sobrang saya sa sinabi ni Enrico. Sa wakas ay wala nang makakahadlang pa sa pag-iibigan nila ni Renan.

Nang tanungin ni Clarisse kung bakit niya ito ginagawa ay hindi niya inaasahan ang sagot ng binata.

“Mahal na mahal kita, Clarisse. Mahal kita na kaya kong palayain ka para lang sa kaligayahan mo,” sambit ni Enrico.

Pinalaya ni Enrico si Clarisse. Tuluyan nang sumama ang dalaga kay Renan at nagsimula sila ng panibagong buhay.

Pinatunayan ni Enrico na ang tunay na pag-ibig ay handang magsakripisyo para lamang sa kaniyang minamahal.

Advertisement