Inday TrendingInday Trending
Napilitan ang Isang Guro na Maging Isang Domestic Helper sa Ibang Bansa; Bandang Huli ay Ito rin pala ang Magsasalba sa Kaniya

Napilitan ang Isang Guro na Maging Isang Domestic Helper sa Ibang Bansa; Bandang Huli ay Ito rin pala ang Magsasalba sa Kaniya

“Kulang na kulang ang binigay mo sa akin, Jobel, para sa pambayad ng kuryente at renta dito sa bahay. Kung ganiyan nang ganiyan ay hindi malayong mapalayas tayo rito,” saad ni Aling Glenda sa kaniyang anak.

“Pasensiya na po, ‘nay. Sa susunod, sa katapusan pa po ang sahod ko kasi. Gagawan ko na lang ng paraan,” tugon naman ng anak.

“Alam mo, Jobel, ayaw ko sanang panghimasukan ang buhay mo at ang mga gusto mong gawin. Pero sa totoo lang, anak, parang hindi talaga tayo mabubuhay ng pagiging guro mo,” wika pa ng ina.

Napayuko na lang si Jobel. Alam niya kasing magsisimula na naman ang mga litanya ng kaniyang ina. Malaki kasi ang pagtutol ng ina na maging isang guro siya. Para kay Aling Glenda kasi ay hindi ka yayaman kung ikaw ay isang guro.

“Tingnan mo ang kasabayan mong si Lisa. Hanggang ngayon ay puro utang din. Nakakausap ko ang nanay niya. Pero tignan mo ang pinsan mong si Allelie. Tinalikuran ang pagiging isang guro para magtrabaho sa ibang bansa. Nakapagpatayo na niya ng bahay ang pamilya niya,” sambit pa ni Aling Glenda.

“Sana naman ay hindi lang puro prinsipyo mo ang paiiralin mo. Alam kong pangarap mo ang maging isang guro ngunit hindi tayo mabibigyan niyan ng magandang kinabukasan,” saad muli ng ina.

Sa totoo lang ay kahit na hindi kalakihan ang sweldo ni Jobel bilang isang guro sa isang pampublikong paaralan ay hindi naman niya nais talagang isuko ang kaniyang pangarap na makapagturo lalo na sa mga batang salat sa buhay.

Ngunit unti-unti niyang napagtatanto na may punto ang kaniyang ina. Matanda na pareho ang kaniyang mga magulang at hindi na makakapagtrabaho pa. Mag-aaral na rin sa kolehiyo ang isa pa niyang kapatid at ayaw niya itong mahinto.

Sa sulsol na rin ni Aling Glenda ay napapayag niya si Jobel na magtrabaho bilang isang domestic helper sa ibang bansa. Malungkot man na talikuran niya ang pinakamamahal na propesyon ay mas nangingibabaw naman ang pagnanais na makatulong sa kaniyang pamilya.

Namasukan siyang kasambahay sa isang pamilya sa Bahrain. Medyo nahirapan si Jobel sa pakikibagay sa pamilyang ito dahil istrikto ang kaniyang mga amo.

Mariing ipinagtuos ng amo niyang babae na ang tanging gagawin lang niya ay ang maglilinis at anumang kanilang mga ipag-uutos. At hindi kabilang dito ang pag-aalaga niya sa nag-iisang anak nito.

Mababa kasi ang tingin ng kaniyang among babae. Ang akala kasi nito ay walang pinag-aralan si Jobel at kung makakausap ng kaniyang anak ang dalaga ay magiging mali-mali ang matututunan nito lalo na sa ingles.

Ngunit hindi naman maiwasan ni Jobel na pakitaan ng maganda ang bata. Lalo na nang makita niya itong naggagawa ng kaniyang takdang aralin na mag-isa.

“Do you want me to help you?” tanong ni Jobel sa batang si Sophie.

Pinaunlakan naman ito kaagad ng bata dahil hindi pa rin dumarating ang personal na nagtuturo dito.

Ngunit nang makita ng kaniyang amo na kinakausap ng dalaga ang kaniyang anak ay agad itong pinalayo.

“You stupid Filipinos! You can’t even understand a simple instruction. Leave my daughter alone!” sigaw ng ginang.

Mula noon ay ayaw nang lumapit pa ni Jobel sa bata.

Ngunit naging makulit itong si Sophie. Masaya kasi siya sa tuwing tinuturuan siya ni Jobel. At kapag ang dalaga ang natuturo sa kaniya ay mabilis niyang natutunan.

Hindi naglaon ay unti-unting gumaling sa pagsasalita ng ingles si Sophie. Marunong na rin ito na magkalkula ng mabilis sa kaniyang isip. Labis naman itong ipinagtataka ng babaeng amo sapagkat ilang araw nang hindi pumapasok ang personal tutor ng bata at hindi na rin naman nilalapitan ni Jobel si Sophie.

Sa tuwing tinatanong pa ng ginang ang bata ay sinasabi nitong mag-isa niya itong natutunan.

Labis na ipinagmalaki ng amo ang kaniyang anak at upang mapatunayan din sa kaniyang mga kaibigan na mag-isang natuto si Sophie na magbasa, magsalita ng ingles at magkalkula sa matematika ay nagkabit ito ng CCTV.

Ngunit laking gulat niya nang makita ang ginagawa ni Jobel sa kaniyang anak.

Sa tuwing wala pala ang kaniyang mga amo ay tinuturuan niya ang bata. Kitang-kita rin ng ginang kung paano tratuhin ni Jobel si Sophie. Lumambot ang kaniyang puso nang makita pa ang anak na labis ang saya sa pag-aaral at sa kalinga ng dalaga.

Agad niyang kinausap si Jobel tungkol sa ginawa nito.

“I know what you’re doing with my daughter everytime we are not here,” sambit ng amo.

“Please, don’t fire me. I need this job, madam! I am really sorry. I promise not to go near your daughter ever again. Just please let me keep my job,” pagmamakaawa ni Jobel.

Ngunit nagulat siya ng sabihin ng kaniyang amo na hindi siya nito palalayasin bagkus ay masaya ito sa ginawa niya para sa anak. Humingi rin ito ng kapatawaran sa dalaga sa panghuhusga nito.

Dito na inamin ni Jobel na isa siyang guro sa Pilipinas at kailangan niyang talikuran ang pangarap na pinaghirapan niyang abutin upang masuportahan niya ang kaniyang pamilya.

Upang makabawi sa pang-aalipusta na ginawa ng amo sa dalaga ay inirekomenda niya si Jobel upang magturo sa mga anak ng kaniyang mga kaibigan. Hindi na rin isang kasambahay si Jobel kung hindi personal na tagapangalaga at tutor ni Sophie.

Lalong lumaki ang perang naiipon ng dalaga dahil bukod sa tinaasan ng kaniyang amo ang kaniyang sahod ay kumikita pa rin siya sa pagtuturo sa iba pang mga bata.

Tinalikuran man ni Jobel ang pangarap na maging isang guro upang makipagsapalaran sa ibang bansa ay bandang huli’y ang pinakamamahal pa rin na propesyon ang mag-aakay sa kaniya sa tagumpay.

Advertisement