Inday TrendingInday Trending
Tanggap ng Bata na Hindi Siya Magkakaroon ng Isang Birthday Party; Ikagugulat Niya ang Gagawin ng Kaniyang Ina

Tanggap ng Bata na Hindi Siya Magkakaroon ng Isang Birthday Party; Ikagugulat Niya ang Gagawin ng Kaniyang Ina

“Nakapagara ng kaarawan ng kaklase kong si Jaymie ‘no, nanay? Ang ganda ng damit niya at ang daming handa. Tapos ay may clown pa! Sobrang nag-enjoy talaga ako!” saad ng batang si Celine sa kaniyang inang si Joy.

“Masaya ako at nag-enjoy ka, anak. Kahit ako man ay natuwa sa mga palaro. Hindi pa ako nakakapunta sa gano’ng kabonggang selebrasyon,” tugon naman ni Joy.

“Mas maganda pa nga itong regalong nakuha ko, mama, kaysa doon sa iniregalo natin sa kaniya. Ang sarap ng gano’ng party tapos ay may payaso. Sana sa nalalapit na kaarawan ko ay ganun din,” nakangiting pahayag ng bata.

Isang ngiti naman ang itinugon ng kaniyang ina.

“Pero naiintindihan ko naman po, nanay, na hindi natin kaya ang ganun. Kaya kahit pansit lang at keyk ay masaya na ako. Basta, mama, ipangako mo na tsokolate ang keyk ko ha!” paglalambing pa ni Celine.

Ngunit sa loob ni Joy ay kung pwede lang at kaya ay ibibigay niya ang pangarap ng kaniyang anak. Ngunit sa estado ng kanilang pamumuhay ngayon ay malayo ito sa katotohanan.

Isang raketera itong si Joy. Nariyang nagtratrabaho siya bilang isang manikurista, taga-luto, labandera at marami pa. Lahat ng trabaho na pagkakakitaan at marangal ay kayang pasukin ni Joy sa ngalan ng kinabukasan ng kaniyang anak.

Mag-isang itinataguyod ni Joy ang anim na taong gulang niyang anak na si Celine. Nasa sinapupunan pa lamang ang anak ay iniwan na siya ng kaniyang asawa upang sumama sa ibang babae. Walang nagawa pa ang ginang kung hindi palakihin si Celine nang mag-isa at walang katuwang.

“Mukhang malalim ata ang iniisip mo riyan, Joy? Bakit ba kanina pa parang problemado ka?” pansin ng ina ni Joy na si Aling Delia.

“Malapit na po kasi ang ika-pitong kaarawan ni Celine. Nais ko po kasing maranasan naman niya ang magkaroon ng party. Noong bata rin kasi ako ay iyon ang gusto ko kaya nais ko sanang ibigay naman sa anak ko. Kaso, siyempre, hindi ko kaya,” malungkot na sagot ng ginang sa kaniyang ina.

“Mabait na bata naman iyang si Celine. Maayos ang pagpapalaki mo sa kaniya. Mauunawaan niya kung ano ang kaya mong ibigay sa ngayon. Kaya kung ako sa iyo ay huwag ka nang mamroblema pa riyan,” payo ni Aling Delia.

Ngunit bilang isang ina ay hindi mo ito maiaalis kay Joy.

Lalo pa nang marinig niya ang anak, isang araw nang sunduin niya ito sa eskwela.

“Hindi kami makakapaghanda kasi may ibang kailangang gawin ang nanay ko. Saka sinabi ko naman na sa nanay ko na hindi ko talaga gusto magparty kasi abala lang ito sa amin,” wika ni Celine sa mga kaklase.

Naantig ang kalooban ni Joy sa sinabing ito ng kaniyang anak. Alam niyang pinagtatakpan lang ni Celine ang kanilang kahirapan.

Ngunit patuloy pa rin ang mga pangbubuska ng kaklase ni Celine sa kaniya na hindi nila kayang maghanda sa kaarawan nito. Hindi na lamang pinansin pa ito ng bata.

Dahil sa nakitang ito ni Joy ay lalo siyang nagpursige na magkaroon ng kahit simpleng party ang anak.

Nagsimula siyang tumingin sa mga babasahin ng mga tipid na paraan upang magdisenyo ng isang party na pambata. Gamit ang mga resiklong bagay ay iniayos ni Joy ang mga ito sa malikhaing paraan.

Isang araw ay nakita niya ang anak na tila binibilang ang mga araw sa kalendaryo.

“Malapit na pala ang kaarawan mo, ano? Tatlong araw na lang pala, anak,” sambit ni Joy sa ina.

“Oo nga po, e. Nasasabik na kasi ako sa tsokoleyt keyk, nanay!” tugon ng bata.

“Ayos lang ba talaga sa iyo na tayu-tayo lang sa kaarawan mo tulad ng dati?” tanong ng ina.

“Oo naman po. Kayo po ni lola ang mga pinakamahalagang tao para sa akin. Sapat na po sa akin ang makasama kayo sa kaarawan ko,” saad pa ni Celine.

“Siguro mas masaya kung iimbitahan mo ang mga kaklase mo. Alam kong hindi kita mabibigyan ng bonggang birthday party, anak, pero mas masaya kasi kung makakasama mo rin sila,” wika muli ni Joy.

Sa isip-isip ng bata ay baka hindi kayanin ng kaniyang ina sa dami ng bisita. Nais na sana lamang nI Celine na imbitahan ang ilang kaklase na malapit at mabait sa kaniya. Nguni mabilis kumalat ang balita na maghahanda raw siya.

Nangangamba tuloy siya na baka mapahiya lamang sila ng kaniyang ina.

Nang sumapit ang kaniyang kaarawan ay labis na nagulat itong Celine sa kaniyang nakita. Napakaganda ng kaniyang birthday party. Napakaraming lobo at pagkain na nakahain. Hindi man kasing garbo ng kaarawan ng kaniyang kaklaseng si Jaymie.

“Sa aking party po ba talaga ito, lola?” masayang sambit ng bata.

“Oo, ang nanay mo ang gumawa ng lahat ng iyan. Araw-araw ay pinagpupuyatan niya iyang gawin. Kung anu-ano ring pinasok niyang trabaho para lang makapag-ipon at mapaghanda ka ng ganiyan at mabilhan ka ng keyk na tsoskolate,” pahayag ni Aling Delia sa apo.

Lalong ikinaligaya ng bata nang makita niya ang damit na kaniyang susuotin na tinahi mismo ng kaniyang ina.

“Napakaganda po nito!” wika pa ni Celine.

Habang isa-isang nagdadatingan ang mga bisita ay palinga-linga itong si Celine.

“Pero nasaan po ba ang nanay ko, lola? Hindi po masaya ang party kung wala siya,” sambit muli ng bata.

Maya-maya ay may lumabas na isang payaso. Nagulat din si Celine sa kaniyang nakita sapagkat alam niyang ito ay kaniyang ina.

Inaliw ni Joy bilang isang pasayo ang mga batang naroon. Lahat ay namangha at naging masaya dahil sa birthday party ni Celine.

Bago matapos ang araw ay kinuha ng bata ang atensyon ng lahat upang magpasalamat sa pagdalo ng lahat sa ikapito niyang kaarawan.

“Ikinagagalak ko po ang pagparito niyo upang samahan ako na ipagdiwang ang aking kaarawan. Pero nais ko pong lalong pasalamatan ang Diyos hindi lamang po sa buhay na ibinigay niya sa akin. Nais kong magpasalamat ng husto dahil si Nanay Joy ang ibinigay niyang magulang sa akin.

Hindi po posible ang lahat ng ito kung hindi po dahil sa pagtitiyaga at pagpupursige ng nanay ko na mapasaya ako. Hindi man po kami mayaman ay nasa akin na ang pinakamagandang kayamanan na pwede mong makuha sa buhay, iyon ay ang nanay ko. Marami pong salamat, nanay. Mahal na mahal ko po kayo!” sambit ng lumuluhang si Celine.

Habang nasa kasuotan ng isang payaso ay hindi na napigilan pa rin ni Joy ang maiyak dahil sa ginawang pagkilala sa kaniya ni Celine. Wala na ring mas liligaya pa yata kay Joy dahil nagkaroon siya ng anak na mabait at maunawain.

Patunay si Joy na gagawin ng ina ang lahat para lamang sa kaligayahan ng kanilang mga anak.

Advertisement