Inis na binusinahan ni Jay ang sasakyan sa harap niya na nagbababa ng pasahero.
“Kakaasar! Abala talaga ‘tong mga pampasaherong jeep na ‘to sa mga tao!” galit na utas niya nang lampasan ang jeep.
Nagulat pa siya nang marinig niya ang pagmumura ng driver na jeep na binusinahan niya.
“T@rantado ka! Kung ayaw mong maabala, magpagawa ka ng sarili mong highway! Mayabang ka!” galit na sigaw nito bago pinasibad ang jeep.
Pinigilan niya ang sarili na patulan ito dahil nagmamadali siya. Ngunit sa ibang pagkakataon, hindi niya ito uurungan.
Iritable siya dahil kinakabahan siya. Iyon kasi ang araw na makikilala niya ang pamilya ni Ynna, ang kaniyang bagong kasintahan.
Halos dalawang taon din ang ibinuhos niya sa panliligaw dito bago niya nakamit ang matamis nitong “oo.”
Ibang iba ito sa mga babaeng nakilala niya. Karamihan kasi sa mga babae na nagdaan sa buhay niya ay kontento na sa tuwing malalaman ng mga ito na mayaman siya.
Ngunit hindi si Ynna. Wala itong pakialam sa yaman niya. Ni minsan ay wala itong tinanggap sa mga magagandang regalo na ibinigay niya rito. Kaya nga tumagal nang halos dalawang taon ang panliligaw niya rito dahil hindi ito nasilaw sa pera niya.
Napakabait rin ng babae at talaga namang halos wala siyang maipintas dito.
Kaya naman naisip niya na ito na ang babae na nais niyang maging ina ng kaniyang mga anak.
Napapitlag siya nang marinig ang kaniyang cellphone na tumutunog.
“Jay, nasaan ka na? Malapit ka na ba?” mahinhing bungad ng kaniyang kasintahan sa kabilang linya.
Hindi maiwasan ni Jay na mapangiti. Bakas kasi sa tinig ng kasintahan ang pag-aalala.
“Mahal, malapit na ako. Siguro mga sampung minuto lang at darating na rin ako. Pasabi sa mga magulang mo pasensiya na at medyo mahuhuli ako,” sagot niya rito.
“Sige, mag-iingat sa pagmamaneho, ha?” bilin pa nito bago nagpaalam.
Liliko na siya sa kanto ng bahay ng kasintahan nang maramdaman niya ang pagtama ng kung ano sa harap ng kaniyang sasakyan.
Namumutlang bumaba siya, iniisip na baka nakasagasa siya.
Pagbaba niya ng sasakyan ay sinalubong siya ng nagkalat na prutas sa daan. Ang iba rito ay nagkandadurog na marahil sa lakas ng pagbagsak.
Abot abot ang kaniyang pasasalamat nang mapagtantong isang kariton lamang ng sari-saring prutas ang kaniyang nabangga.
Napailing siya nang makita ang malaking yupi sa harap ng kaniyang sasakyan. Iritableng nilinga niya ang paligid upang hanapin ang may-ari ng kariton.
“Naku po! Ang mga paninda ko!” maya maya ay wika ng isang matandang lalaki na kadarating lamang.
Galit na napabaling siya sa matanda.
“Bakit kasi nakakalat ‘yang paninda niyo sa daan? ‘Yan tuloy, nakaabala pa kayo!” inis na sita niya sa matanda.
“Hijo, nasa gilid ang kariton ko. Marahil ay hindi mo napansin,” katwiran ng matanda habang isa isang dinarampot ang mga prutas na hindi nadurog.
“Sinasabi mo ba na ako ang may kasalanan? Abogado ako, kayang kaya kitang labanan sa korte!” naniningkit ang matang pananakot niya rito.
Napaatras naman ang matanda. Marahil ay napagtanto nito na wala itong laban sa kaniya.
“H-hindi mo naman ako kailangang bayaran, hijo. T-tulungan mo na lang akong ayusin ang mga ito para hindi na makaabala sa mga sasakyang dadaan,” utal utal na wika nito, pilit na iniiwasan ang kaniyang mga mata.
“At bakit kita babayaran, aber? Pasalamat ka at nagmamadali ako! Kung hindi, papabayaran ko sa’yo ang nasirang harap ng kotse ko! Baka nga mas mahal pa ‘to sa paninda mo! Sa susunod ‘wag kang tatang@ tang@ nang ‘di ka nakakaabala!” nang-uuyam na asik niya rito bago nagmamadaling bumalik sa kaniyang sasakyang upang dumiretso sa kaniyang destinasyon.
Tumaas ang kilay niya nang bumungad sa kaniyang ang isang maganda ngunit maliit na bahay.
Sinalubong siya ng kasintahan na may malaking ngiti sa mga labi.
“Bakit nakasimangot ka?” kunot noong bungad nito.
Pilit na ngiti ang isinukli niya sa kasintahan. “Wala, mahal, may kaunting aberya lang na nangyari sa daan,” pagdadahilan niya.
Mainit pa rin ang ulo niya dahil sa matandang magpuprutas ngunit ayaw niya naman sirain ang araw na iyon.
Nakangiting kumapit ito sa kaniyang braso at inaya siya sa loob ng bahay.
“Magandang hapon po, pasensiya na po at nahuli ako,” magalang na bati niya sa ina ng kasintahan.
Ngumiti ang babae. “Naku, hijo, ‘wag mo alalahanin ‘yun. Wala pa rin ang asawa ko. Mag-usap muna kayo ni Ynna riyan habang hinahanda ko ang hapunan natin,” magiliw na sagot nito.
Nkahinga siya nang maluwag. Mukhang mabait ang ina nito. Umaasa siya na ganun din ang ama ng kasintahan.
“Bakit ba hindi ka mapakali?” usisa ni Ynna nang mapansing alumpihit siya habang nakaupo sa lumang sofa sa sala ng bahay.
“Kinakabahan ako. Baka hindi ako magustuhan ng Tatay mo,” pag-amin niya sa kasintahan.
Natawa ang babae. “‘Wag kang kabahan. Ang tatay ko ang pinakamabait na tao sa buong mundo,” nakangiting sagot nito.
Kahit papaano ay kumalma siya.
“Nandito na ako!” bungad ng isang boses. Nahulaan niya na ito ang ama ng dalaga.
Isang malaking ngiti ang inihanda niya para dito ngunit nagulat siya nang pagharap niya ay makita niya ang isang pamilyar na lalaki – ang matandang magpuprutas.
Napalis din ang malaking ngiti sa labi nito nang makilala siya.
“Ito ba ang sinasabi mong kasintahan mo, anak?” walang emosyong tanong nito kay Ynna.
“Opo, Tatay, si Jay po. Jay, ang Tatay ko, si Tatay Jose,” maligayang tugon ni Ynna rito. Tila hindi pansin ng dalaga ang tensyon na bumabalot sa paligid.
“Hija, tulungan mo muna ang Nanay mo sa kusina, at kikilatisin ko muna ang lalaking ito,” kapagkuwan ay wika ni Jose sa dalaga.
“Jay, ‘wag kang kabahan, binibiro ka lang ni Tatay, mabait ‘yan,” bulong pa ni Ynna sa kaniya bago ito tumungo sa kusina.
Nanginginig na napaupo siya sa sofa. Hindi siya makatingin nang diretso sa matanda.
“Hindi ko sasabihin sa anak ko ang ginawa mo, dahil masasaktan siya lalo na at puro magagandang bagay lang ang ipinapakita mo sa kaniya. Makipaghiwalay ka sa anak ko. Hindi ako papayag na sa matapobreng kagaya mo siya mapunta,” walang paligoy ligoy na bulalas ni Jose.
Bagaman inaasahan na iyon ni Jay ay tila may sumipa pa rin sa kaniyang dibdib. Mahal na mahal niya si Ynna at hindi niya maisip na hindi ito ang babaeng makakasama niya habambuhay.
Sa takot ni Jay ay hindi niya namalayan na lumuluha na pala siya.
“Hindi mo ako madadaan sa pagluha luha mo, lalaki. Hinding hindi mo makukuha ang loob ko,” matigas na wika nito.
Walang pag-aalinlangan na lumuhod siya sa harap ng matanda.
“P-pasensiya na po, Mang Jose. Walang kapatawaran ang ginawa ko sa inyo pero makakaasa po kayo na itatrato ko nang tama ang anak niyo. Mahal na mahal ko po si Ynna,” umiiyak na pakiusap niya sa matanda.
“Hindi sapat na ‘yung mga taong mahal mo lang ang itatrato mo nang tama, Jay. Masamang tao ka pa rin kung hindi mo iginagalang ‘yung malilit na tao na walang pakinabang sa’yo,” naiiling na pangangaral nito.
“Kung hindi mo kayang magbago, kalimutan mo na ang anak ko,” pinal na wika nito.
Malungkot man si Jay dahil sa desisyon nito ay napagtanto niya na tama ito.
Hindi nga naman dapat gamitin ang kaniyang yaman at propesyon upang tapakan ang kahit na sino.
Kaya naman nangako siya na sisikaping maging mabuting tao hindi lamang para kay Ynna kundi para na rin sa mga tao sa paligid niya.
Makalipas ang mahabang tatlong taon ay nakuha niya rin ang loob ng kaniyang lalaking biyenan.
“Kalimutan na natin ang nakaraan at muli tayong magsimula. Ibang iba ka na sa Jay na nakilala ko noon. Sigurado akong nasa mabuting kamay ang aking anak at ang mga magiging apo ko,” wika ni Mang Jose sa araw ng kanilang kasal.