Inday TrendingInday Trending
Tinanggap Niya ang Pag-ibig ng Lalaki Kahit na May mga Tsismis Tungkol Dito; Ngunit Bakit Nasaktan Din Siya sa Huli?

Tinanggap Niya ang Pag-ibig ng Lalaki Kahit na May mga Tsismis Tungkol Dito; Ngunit Bakit Nasaktan Din Siya sa Huli?

“Lara, ano ba naman ‘yan, nakatitig ka na naman kay Jeffrey, masyado kang halata!” inis na bulong sa kaniya ng kaibigan si Sheena.

“Halata ba? Hindi ko namalayan, ang gwapo niya naman kasi!” humahagikhik na bulong niya sa kaibigan.

Napatigil siya sa pagtawa nang magtama ang paningin nila ng binata.

Tila tumigil ang pag-inog ng mundo niya nang ngitian siya nito nang matamis.

Isang tipid na ngiti rin ang ginanti niya sa binata. Ayaw niya kasi ipahalata na malaki ang pagkakagusto niya rito.

“Lara! Tigilan mo ‘yan ha! Alam mo namang usap usapan na may kabit na matrona ‘yang si Jeffrey! ‘Wag ka magpapalinlang sa maganda niyang ngiti!” tila demonyitang muling bulong ng kaniyang kaibigan.

Napalis ang ngiti sa kaniyang labi. Totoo kasi ang sinabi ng kaibigan. Mayroon ngang reputasyon na hindi maganda ang lalaki. Kalat na kalat na ang tsismis na ginagamit daw nito ang kagwapuhan upang makasilo ng mayamang babae na peperahan nito.

Kaya naman ganun na lamang ang pag-iwas niya sa lalaki. Hindi niya kailanman sineryoso ang panliligaw nito sa kaniya dahil ayaw niyang masaktan kung sakali mang totoo ang tsismis.

Malakas ang ulan nang hapong iyon at kasalukuyang nag-aabang si Lara ng masasakyang bus nang huminto sa tapat niya ang isang magarang sasakyan.

Nang bumukas ang bintana ay natigagal siya nang makita ang nagmamaneho. Si Jeffrey!

“Lara, ihahatid na kita pauwi! Mahirap makahanap ng pampasaherong sasakyan dahil mabigat ang traffic,” sigaw ni Jeffrey.

“Hindi, ayos lang ako, Jeffrey! Umuwi ka na at ‘wag kang mag-alala sa akin,” magalang na pagtanggi niya.

Ngunit imbes na paandarin ang sasakyan ay nagulat siya nang bumaba ito sa ulanan at buksan ang pinto ng sasakyan para sa kaniya.

“Sige na, Lara, Sumakay ka na at ako na ang maghahatid sa’yo pauwi,” pakiusap nito.

Wala siyang nagawa kundi sumakay sa sasakyan. Ayaw niya naman na magkasakit ang lalaki sa kapipilit sa kaniya.

“Bakit kasi bumaba ka pa? Basang basa ka tuloy! Paano kung magkasakit ka?” Itinago niya sa pagsusungit ang pag-aalala para sa binata,

Ngumiti nang matamis ito. “Nag-aalala ka para sa akin?” nanunudyong tugon nito.

Pabirong inirapan niya ang binata. “Puro ka talaga kalokohan!”

Natatawang ipinukol nito sa pagmamaneho ang atensyon.

“Lara, bakit ayaw mo sa akin?” maya maya ay mahinang tanong nito.

Natigagal si Lara. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon mula kay Jeffrey.

“H-hindi naman sa ayaw ko sa’yo, Jeffrey,” nauutal na sagot niya.

“Eh bakit hindi mo sineseryoso ang panliligaw ko sa’yo?” malungkot na usisa nito.

Napabuga siya ng hangin. Naisip niya na karapatan nito malaman ang kaniyang saloobin ukol dito.

“Jeffrey, sa totoo lang, gustong gusto kita. Kaya lang ay nag-aalinlangan ako dahil sa tsismis na kumakalat tungkol sa’yo. Ayokong masaktan,” pag-amin niya rito.

Matagal na katahimikan ang namayani sa kanila. Nang lingunin niya niya ito ay kitang kita niya ang pagkagulat sa gwapo nitong mukha.

“Kung sasabihin ko ba sa’yo na hindi totoo ang tsismis tungkol sa akin, maniniwala ka at bibigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan sa’yo ang pagmamahal ko?” maya maya ay nananantiyang tanong nito.

Napangiti si Lara. Marahil ay iyon na ang pagkakataon upang bigyan niya ng pagkakataon ang binata.

“Sige, Jeffrey. Sinasagot na kita.”

Nagulat siya nang bigla itong tumigil sa pagmamaneho at niyakap siya nang mahigpit.

“Mahal kita, Lara. Makakaasa kang hinding hindi kita sasaktan,” pangako nito.

Iyon ang naging simula ng kanilang relasyon. Halos walang maipipintas si Lara sa kasintahan.

Lagi itong naglalaan ng oras para sa kaniya, at talaga namang napakabait nito sa kaniya. Maging ang kaniyang pamilya ay napalapit na ang loob dito.

Tinanggihan pa nga nito ang alok dito na magtrabaho sa ibang bansa dahil gusto raw nitong makasama siya. Kaya naman tuluyan na siyang napamahal sa lalaki.

Kung may napansin man siyang hindi pangkaraniwan ay ang pagiging mapera ni Jeffrey.

Napaka-galante ng lalaki. Lagi siya nitong binibilhan ng kung ano anong alahas kahit na anong tanggi niya.

Mamahalin ang sasakyan ng lalaki, at nagmamay-ari ito ng isang mamahaling bahay.

Lubos ang kaniyang pagtataka dahil parehas lang naman ang kanilang posisyon at sweldo. Hindi niya alam kung paano ito nakapagpundar ng ari arian sa edad nitong bente singko at kung paano ito nakakabili ng kung ano ano para sa kaniya.

Hindi niya tuloy maiwasang magduda sa kasintahan. Hindi pa rin kasi nawawala sa isip niya ang tsismis na kumakabit daw ito sa mga mayayamang babae.

Hindi niya naman ito makompronta dahil ayaw niyang saktan ang damdamin nito.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay natuklasan niya ang katotohanan.

“Lara, nakilala ko na ang pamilya mo. Okay lang ba na ipakilala na rin kita sa nanay ko?” isang araw ay tanong ni Jeffrey sa kaniya.

“Oo naman! Kailan ba pwede?” malambing na sagot niya sa kasintahan.

“Sa Linggo sana, kung pwede ka,” suhestiyon nito.

Napaisip siya. Hindi siya pwede nang araw na iyon dahil kasal ng isa sa kaniyang malalapit na kaibigan. Alam iyon ni Jeffrey dahil kasama niya dapat ito.

“Babe, hindi ako pwede ng araw na ‘yan. Kasal ng kaibigan ko, nakalimutan mo?” kunot noong tanong niya.

Natampal nito ang noo. “Naku! Nawala sa isip ko. Hindi ako makakasama sa’yo, hindi ko pwede i-cancel ang pagdalaw ko kay Mama,” nakangiwing sagot nito.

Naiinis man sa kasintahan ay hindi na siya nagsalita. Ayaw niya na pag-awayan nila ang simpleng bagay na iyon.

“Bakit wala si Jeffrey?” usisa ng kaibigan niyang si Sheena. Kasalukuyan silang nasa restaurant ng isang hotel para sa reception.

“Dadalawin daw ang Mama niya,” matabang na sagot niya sa kaibigan.

“Mama ba talaga? Baka sugar mommy!” nakangising pambubuska nito.

Hindi niya pinansin ito.

“Lara, si Jeffrey! May kasamang babae!” muli ay pambubuska nito nang hindi niya ito pansinin. Tarantang itinuro nito sa isang pareha sa labas ng restaurant.

Tiningnan niya nang matalim ang kaibigan. “Hindi magandang biro ‘yan!”

“Hindi! Hindi ako nagbibiro! Tingnan mo!” muling turo nito.

Hindi niya napigilang lingunin ang itinuturo nito.

Ganun na lamang ang kaniyang pagkagulat nang makita ang kaniyang kasintahan. Sa braso nito ay nakaangkla ang isang babae.

Galit na lumabas siya upang komprontahin ito. Mas lalong kumulo ang dugo niya nang mapansing maedad na ang babae. Sopistikada ito at balot ng mamahaling alahas. Ngunit kahit na ganoon ay papasa na itong nanay ng kaniyang kasintahan!

Gigil na hinablot niya ang braso ng kasintahan. Bago pa man ito makapagsalita ay isang malakas na sampal na ang pinadapo niya sa mukha nito.

“Walanghiya ka! Nagtiwala ako sa’yo pero totoo pala ang tsismis! Kumakabit ka sa matatanda! Kaya pala ang dami dami mong pera!” galit na sigaw niya sa lalaki. Sa mukha ni Jeffrey ay bakas na bakas ang gulat.

“Miss, ‘wag ka namang mag-eskandalo rito,” mahinang sabat ng babaeng kasama ng kasintahan.

Nang lingunin niya ang paligid ay napansin niyang marami raming tao na nga ang nakikiusyoso.

Galit na hinarap niya ito. “Isa ka pa! Malandi ka! Nahihiya ka? Eh ang tanda tanda mo na pumapatol ka pa sa bata!” matalas na asik niya rito.

Kitang kita niya ang pagtaas ng kilay ng babae bago kalmadong bumaling sa kaniyang kasintahang gulat pa rin habang hawak ang pisngi nito.

“Anak, ito ba ang babaeng sinasabi mong gusto mong ipakilala sa akin? Mapanghusga!” bulalas ng babae.

Namutla siya sa sinabi ng babae. Tinawag nitong anak si Jeffrey? Bakit nga ba niya inakala na kabit ito ng babae?

Nang lingunin niya ang kasintahan ay nagbabaga sa galit ang mga mata nito,

“Hindi lang ako ang hinusgahan mo, pati ang nanay ko, pinagsalitaan mo nang masama!” mahina ngunit mariing wika ng lalaki.

“Akala ko iba ka sa kanila, Lara. Akala ko mahal mo ako. Pero ang nagmamahal ay hindi nanghuhusga. Maghiwalay na lang tayo,” naghihinanakit na wika ni Jeffrey bago inakay ang ina nito palayo sa mga taong nakiki-tsismis.

Nanlalambot na napaupo si Lara. Sising-sisi siya na umakto siya ayon sa bugso ng kaniyang emosyon.

Napag-alaman niya na mayaman ang ina ni Jeffrey kaya naman hindi ito naghihikahos sa buhay. Minsanan lang din itong umuwi sa Pilipinas dahil sa ibang bansa ito naninirahan kasama ang ikalawa nitong pamilya.

Kahit na anong hingi niya ng tawad sa kasintahan ay hindi na ito bumalik sa kaniya. Nabalitaan niya na lang na lumipad na ito patungo sa ibang bansa upang doon na magtrabaho.

Lumuha man ng dugo si Lara ay hindi niya na maibabalik pa ang nakaraan. Dahil sa kaniyang mapanghusgang puso ay nawala ang kaniyang pinakamamahal.

Advertisement