Inday TrendingInday Trending
Isang Bata ang Binigyan Niya Noon ng Isang Espesyal na Regalo; Galak ang Hatid Nito sa Muli Nilang Pagkikita

Isang Bata ang Binigyan Niya Noon ng Isang Espesyal na Regalo; Galak ang Hatid Nito sa Muli Nilang Pagkikita

“Salamat, Mateo!” nakangiting wika ni Mang Raul sa kaniyang kustomer.

Matagal niya nang suki ang lalaki, simula pa noong kabataan nito. Natatandaan pa niya na pitong taong gulang pa lamang ito noong una niya itong gawan ng sapatos.

Ngayon ay tapos na ng pag-aaral ang lalaki, at siya ang napili nito na gumawa ng sapatos na gagamitin nito sa unang trabaho nito.

“Siyempre naman ho, Mang Raul! Kayo ho ang pinakamagaling na sapatero sa bayan natin!” nakangiting wika ng binata.

“Naku, ikaw talaga! Binola mo pa ako, binigyan na nga kita ng diskwento!” biro niya rito.

Napakamot naman sa ulo ang lalaki.

“Baka lang ho makalusot,” ganting biro nito.

Malutong na halakhak ang isinukli niya rito.

Sa totoo lang, maganda ang takbo ng kaniyang negosyo dahil talaga namang siya ang pinakasikat na sapatero sa kanilang bayan.

May iilang kliyente pa nga mula sa ibang bayan na binibisita ang kaniyang sapatusan dahil kilalang matitibay ang mga gawa niyang sapatos.

Hinatid niya ito sa labas ng kaniyang tindahan ang lalaki. Akmang babalik na siya sa loob nang mamataan niya ang isang pamilyar na bata. Sa tingin niya ay nasa walong taon ang bata.

Madalas niya itong nakikita sa labas ng kaniyang tindahan. Parati nitong minamasdan ang isang pares ng sapatos sa loob ng kaniyang tindahan.

Nakasuot ng lumang uniporme ang bata at may nakasukbit na lumang bag sa likod nito. Nang bumaba ang tingin niya sa paa ng bata ay may awa siyang nadama nang makitang isang maputik na sandalyas lamang ang suot nito.

“Hijo, gusto mo bang bumili ng sapatos?” nakangiting tanong niya sa bata.

Malungkot na tumango ang mata.

“Kaso hindi pa po kasya ang pera ko,” wika nito, habang nakapako pa rin ang tingin sa sapatos.

“Gusto mo bang tumingin sa loob? Marami pang pagpipilian sa loob,” yaya niya rito.

Mabilis na napalingon sa kaniya ang bata. Tila hindi ito makapaniwala na niyayaya niya ito sa loob.

“Talaga po? Pwede po ako pumasok?” namimilog ang matang wika ng bata.

“Oo naman! Halika!”

Nang makapasok sila sa loob ay hindi niya mapigilang mapangiti sa reaksyon ng bata. Nakanganga ito at tila manghang mangha sa mga nakikitang sapatos.

“Grabe! Kayo po lahat ang gumagawa nito? Ang galing niyo po!” sinserong papuri nito sa kaniya.Sa kaniyang pag-uusisa ay nalaman niya na Nilo pala ang pangalan ng bata.

“Nilo, sabi mo bibili ka ng sapatos, may napili ka ba?”

“Opo, magaganda po lahat, pero gusto ko po ‘yung kanina, ‘yung sapatos na binabalik balikan ko,” sagot nito.

Nagtaka naman siya sa isinagot ng bata. Marahil ay napansin nito ang pagtataka niya kaya muli itong nagsalita.

“Ah, para sa kakambal ko po kasi ‘yung sapatos. Regalo ko po sa darating naming kaarawan,” paliwanag nito.

Napako ang tingin niya sa paa nito na may suot na lumang sandalyas.

“Ikaw, paano ka? Kailangan mo rin ng bagong sapatos. Birthday mo rin naman,” usisa niya.

Malungkot na napangiti ang bata.

May malubha palang karamdaman ang kapatid nito at gusto ni Nilo na mapasaya kahit papaano ang kakambal nito.

“Ayos lang po sa akin na wala akong makuhang kahit na ano. Gusto ko lang pong sumaya ang kakambal ko at gumaling na siya para makapaglaro na kami ulit,” inosenteng sagot nito.

“Kailan ba ang kaarawan niyo?” muli ay usisa niya.

Napangiwi ang bata.

“Sa susunod na buwan pa po, Mang Raul. Nag-iipon pa po kasi ako dahil hindi pa sapat ang pera ko,” nahihiyang wika nito.

“Nag-iipon? May trabaho ka ba?” natatawang tanong niya.

“Opo, nagbebenta po ako ng diyaryo sa umaga. Kaya sana po ‘wag niyo ibebenta sa iba ‘yung sapatos, pangako po, bibilhin ko ‘yun!” pakiusap pa nito.

Wala namang nagawa si Mang Raul kundi sundin ang hiling ng paslit dahil halos araw araw ito sa kaniyang tindahan upang masiguro na hindi niya ibebenta ang sapatos.

Kaya naman napalapit na rin ang loob niya sa bata. At gusto niyang gantimpalaan ang kabutihang loob nito.

Sa araw na bibilhin nito ang sapatos ay isang surpresa ang inihanda niya para sa bata.

Matapos niyang ibalot ang binili nitong sapatos ay iniabot niya sa bata ang isang regalo.

“Wow! May regalo po ako?” namimilog ang matang bulalas ng bata. Sa mata nito ay kitang kita niya ang galak at pagkasabik.

“Dali, buksan mo na!” excited na udyok niya sa paslit.

Nang buksan nito ang regalo ay tumambad dito ang isang bagong baong pares ng sapatos.

Matagal na hindi nakapagsalita ang bata. Nagulat siya nang makita niyang umiiyak ito.

“Ngayon na lang po ulit ako nakatanggap ng regalo simula noong nagkasakit ang kakambal ko. Maraming salamat po, Mang Raul! Iingatan ko po ang sapatos na ito!” umiiyak na niyakap siya ng bata.

Punong puno naman ng galak ang puso ni Mang Raul. Noon lang kasi siya nakatagpo ng batang kagaya ni Nilo.

Kaya naman lungkot na lungkot siya nang makalipas ang ilang araw ay ibalita nito na hindi na raw ito makakadalaw muna sa kaniyang tindahan dahil lilipat daw ang mga ito ng tirahan upang maipagamot ang kapatid nito.

Lumipas ang mahabang panahon at marami na ang nagbago. Ang dating hitik sa kustomer na tindahan ni Mang Raul ay unti unting lumubog.

Marami na kasing nagsisulputan na mga tindahan ng sapatos na nagbebenta ng mas maraming pagpipilian.

Mangilan ngilan na lamang ang nagpapagawa sa kaniya ng sapatos, na pulos matatanda ring kagaya niya, bagay na ikinalungkot niya.

Hanggang sa isang hindi inaasahang panauhin ang dumalaw sa kaniyang tindahan.Isang binata ang pumasok sa kaniyang tindahan.

“Magpapagawa ho ba kayo ng–”

Naputol ang kaniyang sasabihin nang sugurin siya ng binata ng isang mahigpit na yakap.

“Mang Raul!”

Nang mamasdan niya ang mukha ng lalaki ay halos mapaluha siya sa galak. Hinding hindi niya malilumutan ang taong iyon.

“Nilo, ikaw na ba ‘yan? Aba’y mabuti naman at nagawi ka rito!” masayang wika niya.

Masayang masaya ang dalawa sa muli nilang pagkikita.

Ibinalita nito na magaling na ang kapatid nito sa sakit nito matapos ang sampung taong gamutan. Ito naman ay isa nang matagumpay na modelo.

“Kumusta naman ho ang negosyo, Mang Raul?” maya maya ay usisa nito nang mapansin nito na halos wala nang pumapasok sa tindahan upang magpagawa ng sapatos, hindi kagaya noon.

“Matumal na ang pasok ng kustomer, hijo. Marahil ay laos na ako,” malungkot na tugon niya rito.

“Naku, hindi totoo ‘yan! Kayo po ang pinakamagaling na sapatero na nakilala ko, Mang Raul!” nanlalaki ang matang bulalas ni Nilo.

Pagak siyang natawa.

“Ayos lang, hijo. Lahat naman lumilipas.” Tinapik niya ang balikat ng binata upang ipaalam dito na tanggap niya na ang lahat.

Kaya naman kinabukasan ay nagulat siya nang magdagsaan ang mga kustomer sa kaniyang maliit na tindahan.

Tila bumalik ang panahon noong bata bata pa siya. Hindi siya magkandaugaga sa pag-aasikaso sa mga nais magpagawa ng sapatos sa kaniya.

“Tama nga si Nilo. Maganda at matibay talaga ang mga sapatos niyo, Mang Raul. Irerekomenda ko ho kayo sa iba,” wika ng huling kustomer niya nang araw na iyon.

Natigagal naman si Mang Raul. Kailangan niya palang pasalamatan si Nilo. Ito pala ang dahilan kung bakit muling nagkaroon ng buhay ang kaniyang tindahan!

Inirekomenda pala siya ni Nilo sa mga kapwa nitong modelo.

Iyon ang hudyat ng muling pag-usbong ng sapatusan ni Mang Raul. Bumalik ang dating buhay na kaniyang tindahan.

Dahil mga matagumpay na modelo ang kaniyang mga suki, muling bumango ang kaniyang pangalan sa larangan ng paggawa ng sapatos at nagtuloy tuloy ang dagsa ng kaniyang mga kustomer.

“Maraming salamat, Nilo. Malaki ang utang na loob ko sa’yo,” sinserong pasasalamat niya sa binata nang muli silang magkita.

“Naging mabuti ho kayo sa akin noong mga panahong kailangang kailangan ko ng kaibigan, Mang Raul. Tatanawin ko ho iyong utang na loob habang ako ay nabubuhay,” nakangiting wika ni Nilo.

Napangiti nang matamis si Mang Raul. Sino nga ba ang mag-aakala na magkakaroon siya ng isang tunay na kaibigan sa katauhan ng isang paslit noon?

Advertisement