Namalimos at Nanghihingi ng Pagkain ang Bata Para sa Pamilya Nito; Isang Pangaral ang Iiwan Niyang Babaunin ng Babae Habang Buhay
“Ate, pwede po ba akong makahingi ng makakain?” wika ng batang lalaki na sa palagay ni Jasmine ay nasa edad labing tatlong taon pa lamang. Maayos naman ang damit nito at hindi mukhang busabos.
“Pangkain lang po, ate. Gutom na gutom na po kasi ako, pati ang nanay at mga kapatid ko,” dugtong ng batang lalaki. Nagsusumamong nakatitig ang mala-anghel nitong mga mata sa kaniya.
“Ah, a-anong pagkain ba ang gusto mo?” nauutal na wika ni Jasmine. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi niya rin alam kung anong pagkain ang gusto ng bata.
“Kahit ano lang po, ate.”
“May malapit na kainan ba rito?” tanong ni Jasmine.
Ang totoo’y hindi naman siya taga-rito sa lugar na ito. Napadpad lamang siya rito dahil may inihatid siyang order sa kaniyang maliit na negosyo.
Itinuro ng batang lalaki sa kaniya ang pinakamalapit na kainan na ngayon ay nakilala niya sa pangalang Dexter. Ayon rito’y kanina pa siya namamalimos doon sa may kanto, ngunit hanggang ngayon ay kakaunti pa rin ang nalilikom niya.
“Bakit ka naman namamalimos?” takang tanong ni Jasmine kay Dexter.
“May sakit po kasi si mama, ilang araw na, ate. Mula noong umalis si papa ay lagi na lang umiiyak si mama gabi-gabi. Kapag umaga naman ay naglalabada si mama para may makain kami ng mga kapatid ko. Kaso ilang araw nang hindi naglalabada si mama kaya wala na kaming pera.
Wala na ring pambili ng gamot niya. Sinabi ko nga sa kaniya kanina na punta na kami ng ospital, kaso mariin niya akong tinanggihan. Wala raw kaming pambayad sa ospital,” malungkot na paliwanag ni Dexter.
Agad namang nakaramdam ng pagkahabag si Jasmine sa ikinuwento ni Dexter. Ayon kay Dexter ay may dalawa pa itong nakababatang kapatid na naroon lang sa bahay at siyang nagbabantay sa may sakit nilang ina.
Matapos bilhan ni Jasmine si Dexter ng pagkain ay nagdesisyon siyang samahan ito pauwi, upang ihatid na rin. Nasaksihan nga niya mismo ang kanina lamang ay ikini-kwento nito kanina.
Pagdating sa bahay ay agad namang inasikaso ni Dexter ang kakainin nila upang makakain na ang mama nito at mga kapatid.
“Ayaw niyo po bang magpadala sa ospital nanay?” nag-aalalang tanong ni Jasmine sa ina ni Dexter.
“Huwag na hija,” tanggi ng mama nito. “Baka dala lamang ito ng pagod.”
Malungkot na lumingon sa kaniya ang batang si Dexter na animo’y sinasabing; sabi ko naman sa’yo ate e.
Nang matapos pagsalo-saluhan ng pamilya ni Dexter ang pagkaing binili niya’y inihatid siya nito sa sakayan upang makauwi na siya. Inaabutan niya ito ng limang daang peso ngunit mariin naman nito iyong tinanggihan.
“May napalimusan naman ako kanina, ate. Iyon na lamang ang ipambibili ko ng gamot ni mama. Nakakahiya na po sa inyo. Sobra-sobra na po ang tulong na ibinigay niyo sa’kin ate. Pagkain lang po ang hiningi ko sa inyo kanina, pero hinatid niyo pa po ako rito sa bahay namin,” ani Dexter.
“Ayos lamang iyon, Dexter. Bukal naman sa loob ko ang ginawa ko kanina. Tanggapin mo na itong limang daan, upang may pangkain na kayo bukas. Hindi ka dapat mahiya, kasi nanghingi ka para sa pamilya mo. Mas mabuti pa nga iyong manghingi ka kaysa magna*kaw ka e, ‘di ba?”
Agad namang tumango si Dexter dahilan upang mapangiti si Jasmine.
“Ang swerte ng mama mo sa’yo dahil kahit sa murang edad mo’y naiintindihan mo na ang sitwasyon niya. Hayaan mo, Dexter. Dadaanan kita palagi d’yan kapag maghahatid ako ng order sa lugar na ito. Ibibili ko pa rin kayo ng pagkain upang makakain kayo ng pamilya mo.
Basta ang tanging hiling ko lang sa’yo’y panatilihin mo ang iyong kabutihan. Kahit gaano man kahirap ang buhay, Dexter. Lagi mong tatandaan na mas maiging manghingi kaysa magnakaw o gumawa ng masasamang gawain. Naiintindihan mo ba ako?” mahabang bilin ni Jasmine sa bagong kaibigan.
“Opo ate.”
Gaya ng ipinangako ni Jasmine ay palagi nga niyang dinadaanan si Dexter at inaabutan ng tulong ang pamilya nito. Naging parte na si Dexter at ang pamilya nito sa buhay ni Jasmine.
Maraming batang naliligaw ang landas dahil sa kahirapan. Dahil sa hiyang manghingi kaya mas pinipili na lamang nilang magna*kaw at gumawa ng masama. Sana lahat ng kabataan ay magkaroon ng sapat na pang-unawang, mas maiging kapalan ang mukha at manghingi, kaysa gumawa ng hindi mabuti sa kapwa.