Makalipas ang Maraming Taon Matapos Siyang Siraan ng Kaniyang Dating Kaibigan ay Nagbabalik Ito Upang Humingi sa Kaniya ng Kapatawaran; Mapapatawad Niya pa Kaya Ito?
“Diana, sana kalimutan na natin ang lahat ng nangyari noon at ibalik na natin ang pagkakaibigan natin. Sana mapatawad mo pa ako, Diana,” nagsusumamong wika ni Lea.
Agad namang umikot ang mga mata ni Hyena paitaas sabay ismid na agad namang sinaway ni Diana.
“Huwag ka ngang ganiyan, Hyena,” suway ni Diana.
“Hindi ko kasi talaga mapigilan, Diana. Kung ikaw kaya mong patawarin ang plastik na babaeng iyan. Naku! Ibahin mo ako. Hindi ko makakalimutan ang ginawa niyang paninirang puri sa’yo noon ‘no,” nakairap na wika ni Hyena.
Hindi niya lang talaga maiwasang maimbyerna sa dating kaibigan na si Lea. Grabe kasi ang ginawa nito noon kay Diana. Bukod sa inagawan pa nito si Diana ng nobyo’y ito pa ang may kapal ng mukhang siraan si Diana sa lahat ng kakilala nila. Kaya ta*nga na lang talaga si Diana kung tatanggapin pa nito ang ahas na si Lea.
“Matagal nang nangyari ang bagay na iyon, Hyena. Nakapag-move-on na ako’t nais ko na ring kalimutan at magkapatawaran na ang lahat,” ani Diana.
“Bahala ka, Diana. Basta ako ayoko na talaga sa babaeng iyan.”
Naririnig lahat iyon ni Lea. Wala rin namang balak si Hyena na makipag-plastikan pa rito.
“Sorry Hyena, alam kong isa ka rin sa mga naapektuhan noon sa naging away namin ni Diana. Nauunawaan ko kung hindi mo pa mahagilap sa puso mo ang pagpapatawad sa’kin,” nakayuko at mababang boses na wika ni Lea.
“Mabuti at alam mo, Lea,” walang gatol na wika ni Hyena. “Sa totoo lang hindi naman ako ang nagawan mo ng kasalanan. Hindi ko naman nobyo ang inagaw at ina*has mo noon. Hindi rin naman ako ang siniraan mong kesyo p*kpok at walang kwentang tao, kaya iniwan ng nobyo.
Sa madaling salita’y hindi naman ako ang inapak-apakan mo noon. Kaya hindi mo obligasyong hingin ang kapatawaran ko, Lea. Pero alam mo kasi ito lang ang natutunan ko sa buhay. Ang isang ahas, magbago man ng kulay iyan, mananatili pa rin iyang ahas. At dahil gano’n na kitang nakilala noon, malamang gano’n ka pa rin hanggang ngayon,” prangkang wika ni Hyena.
“Hyena!” Saway ni Diana sa kaibigang walang prenong pinagsalitaan ng masama si Lea.
“Ayos lang, Diana. Tama naman si Hyena. Ginawa ko naman talagang iyon lahat noon sa’yo. Wala akong ibang ginusto noon kung ‘di ang bumagsak ka at totoong lahat ng iyon ay pinagsisihan ko na. Dahil lang sa labis na inggit ko noon sa’yo, kaya nagawa ko ang lahat ng iyon,” nakayuko pa ring wika ni Lea. Halata sa boses ang pag-iyak.
“Anim na taon na rin ang lumipas at sa loob ng anim na taon na iyon ay wala akong ibang hinihiling kung ‘di ang dumating ang araw na ito. Ang makausap ka’t humingi sa’yo ng kapatawaran.”
Nilapitan ni Diana si Lea, upang aluin sa pag-iyak. Totoong nagalit rin siya rito noon. Pinagkatiwalaan niya ito at itinuring na ring parang tunay na kapatid. Minahal nang higit pa sa inaasahan nito at sinuportahan sa lahat ng bagay.
Kaya napakasakit nang malaman niyang sinasak*sak siya nito patalikod. Isinumpa niyang hinding-hindi niya na ito mapapatawad pa. Pero ang hirap mabuhay kapag may galit ka sa’yong kapwa. Kaya mas pinili niyang magpatawad kahit hindi pa man nito hiningi ang bagay na iyon sa kaniya.
“Alam mo Lea, sa totoo lang. Hindi ko na inaasahang darating pa ang araw na ito. Hindi ko na inasahang darating ang araw na makakaharap kita at hihingi ka sa’kin ng kapatawaran.
Pero masaya ako kasi nandito ka ngayon sa harap ko. Humihingi ng patawad sa’kin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Diana. “Pinatawad na kita, Lea, noon pa. Ayokong magtanim ng galit sa puso ko, kasi mas ako ang nahihirapan.
Hindi ko mahahanap ang tunay na kaligayahan kapag hindi ko pinatawad ang mga taong nakagawa sa’kin ng atraso. Ang hindi ko lang kayang ipangako’y ang pagkakaibigan natin, Lea.
Hindi ko alam kung kakayanin ko pang maging kaibigan ka matapos ng lahat ng nangyari. Pero kung ang hinihingi mo’y ang kapatawaran ko. Matagal na kitang napatawad, Lea,” tumatangis na wika ni Diana.
Umiiyak na tumango si Lea. “Nauunawaan ko, Diana. Salamat pa rin sa kapatawarang ibinigay mo. Sapat na iyon sa’kin. Sapat na sapat na. Sa wakas mababawasan na ang bigat sa puso ko, kasi alam kong kahit papaano’y napatawad mo na ako,” ani Lea. Umiiyak ang mga mata nito, ngunit nakangiti ang labi ni Lea.
Tunay ngang ang pinaka-delikadong kalaban natin ay ang mga taong mas malapit sa puso natin. Mas kilala kasi nila ang totoong tayo at higit natin silang pinagkakatiwalaan. Kaya mas masakit sa puso kapag sila mismo ang ta-traydor sa’tin.
Kaya matutong magpahalaga ng tunay na kaibigan. Kasi mahirap nang maibalik sa dati ang nalamatang samahan.