Nalungkot Siya sa Pag-alis ng Pamilya na Pinagsilbihan nang Mahabang Panahon; Ano Naman ang Kahihinatnan Niya sa Bagong Amo?
Labinlimang taong gulang pa lamang si Jessa ay nagtatrabaho na siya. Masyadong kasing mahirap ang buhay nila sa probinsya.
Bilang panganay, kinailangan niyang tumulong sa kaniyang ama at ina sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.
Kaya naman kahit mawawala na sa kalendaryo ang kaniyang edad ay hindi pa rin siya nakakapag-asawa. Gusto niya kasi na mapagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid nang hindi nito sapitin ang mga paghihirap na dinanas niya.
Sa loob ng labinlimang taon ng pagtatrabaho ay iba’t ibang klase na ng amo ang napuntahan niya – karamihan sa mga ito ay masungit, mapangmata, o ‘di kaya ay mapagbintang.
Ngunit sa awa ng Diyos ay nakahanap siya ng isang amo na tila hulog ng langit – ang pamilya na pinagsisilbihan niya ngayon.
“Jessa! Halika rito tingnan mo ang mga pasalubong ko sa’yo!” narinig niya ang sabik na pagtawag ng kaniyang amo na si Dianne na kadarating lang mula sa bakasyon ng buong pamilya sa ibang bansa.
“Naku, Ate Dianne, sana hindi ka na nag-abala. Ang dami dami naman po nito,” nahihiya niyang inusisa ang laman ng sari-saring paper bag na iniabot nito sa kaniya.
Nakita niya roon ang iba ibang klase ng pabango, damit, mga tsokolate, at kung ano ano pa.
“Ano ka ba, siyempre dinamihan ko talaga ang para sa’yo para maipadala mo sa mga kapatid mo ‘yung iba,” ngiting ngiting wika nito.
Sinuklian niya ang ngiti ng babae. Sa higit limang taon niyang paninilbihan dito ay hindi maipagkakailang kilalang kilala na talaga siya ng amo.
Hindi niya alam ang sasabihin dito. Kung minsan kasi ay hindi siya makapaniwala na makakahanap siya ng amo na kasing bait nito.
“Maraming salamat po, Ate Dianne. Ang bait bait niyo po sa akin.” Sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay sinsero siyang nagpasalamat sa mabait na amo.
“Naku, ‘yan ka na naman, magdadrama ka na naman. Siyempre mabait ako sa’yo dahil mabait kang tao. Mabait kang anak, mabait kang kapatid, at mabait ka sa pamilya namin. Ang kabutihan ay laging sinusuklian ng kabutihan, Jessa,” mahabang paliwanag nito.
Kaya naman tila gumuho ang buong mundo niya nang sabihin nito na lilipat na ang buong pamilya nito sa Amerika.
Hindi raw siya nito maisama dahil ang nakababatang kapatid nito na si Sir Josh ay nangangailangan ng kasambahay. At siya ang inirekomenda ng amo.
Hindi maampat ang luha niya nang dumating na ang araw na kailangan niya nang magpaalam sa amo.
“‘Wag ka nang umiyak. Pinapahirapan mo naman ako niyan eh,” naluluhang pag-alo sa kaniya ni Dianne.
“M-maraming maraming salamat po. M-mamimiss ko po kayo lalo na ang mga bata,” utal utal na bigkas nya.
“Mamimiss ka rin namin. Magpakabait ka, ha? ‘Wag kang mag-alala, ipinagkatiwala kita sa kapatid ko.”
Ang bago niyang amo naman ay mataman lamang na nakamasid sa iyakang nagaganap.
Niyakap siya ng babae bago niyakap ang kapatid nito.
Wala siyang ibang magawa kundi lumuha habang minamasdan ang papalayong eroplano na sakay ang pamilyang lubos na napamahal sa kaniya.
“Tumigil ka na sa pag-iyak at baka magkasakit ka pa. Heto,” narinig niyang wika ni Josh bago siya inabutan ng isang puting panyo.
“Salamat po, Sir Josh,” nahihiyang sagot niya sa lalaki bago tahimik niyang pinunasan ang mukhang basa ng luha.
“‘Wag mo ako tawaging “sir,” at ‘wag kang mag-po sa akin, magkaedad lang naman tayo,” seryosong komento nito bago nagsimulang maglakad palabas ng airport.
Napabuntong hininga na lang si Jessa. Habang pauwi sila papunta sa bagong bahay na pagsisilbihan niya ay umusal siya ng panalangin na sana ay makasundo niya ang mga bagong amo.
Ang totoo ay kinakabahan siya. Matagal niya nang kakilala ang lalaki, at alam niya na seryosong tao ito. Ni minsan ay hindi niya pa ito nakitang ngumiti.
Naikwento sa kaniya ni Dianne noon na simula raw noong mam@tay ang asawa nito limang taon na ang nakalilipas ay nag-iba na raw ang personalidad ng lalaki.
Akala niya ay mahihirapan siya sa pakikisama sa pamilya ng lalaki ngunit kagaya ni Dianne ay talaga namang napakabait ng bagong pamilyang kaniyang pinagsisilbihan.
Maging si Josh ay maayos ang trato sa kaniya. Lagi lamang itong seryoso, ngunit ramdam na ramdam niya ang pagmamalasakit nito.
“Maraming salamat sa pagmamalasakit mo sa mga bata. Halos ikaw na lang ang bukambibig, lalo na si Charlie,” isang gabi ay untag ni Josh sa kaniya nang maabutan siya nitong nagkakape sa sala.
“Naku… napakababait ng mga anak mo. Manang mana kay Ate Dianne,” natutuwang sagot niya sa lalaki.
“Mana kay Ate Dianne? Hindi ba dapat sa akin na tatay nila?” biro nito.
Mabilis na napalingon siya sa amo. Iyon kasi ang unang pagkakataon na narinig niya itong magbiro.
Sa labi ng lalaki ay may nakapaskil na malawak na ngiti.
Nais matunaw ni Jessa sa kinauupuan. Ang gwapo gwapo pala ni Josh kapag nakangiti! Halos marinig niya ang abnormal na tibok ng kaniyang puso.
Sa takot niya na marinig ng lalaki ang tibok ng kaniyang puso ay dali dali siyang nagpaalam dito at pumasok sa kaniyang silid. Naiwan naman ang lalaki na nagtataka sa inasal niya.
Iyon ang naging simula ng kakaibang pagtingin niya sa amo. Sa tuwing nakikita niya ang lalaki na nakangiti ay tila idinuduyan siya sa alapaap.
Ngunit alam niya na hindi nito kayang suklian ang pagmamahal na iniluluhog niya rito. Sino ba naman siya? Kasambahay lamang siya na binabayaran nito para magtrabaho.
Kaya ginawa niya ang lahat upang iwasan ang lalaki. Nais niyang puksain ang nararamdaman para rito.
“Iniiwasan mo ba ako?” isang araw ay nagulat siya sa direkta nitong pagkompronta sa kaniya.
“H-hindi po Sir, b-bakit ko naman po gagawin ‘yun?” hindi makatingin sagot niya sa amo.
“Bakit? May nagawa ba akong mali?” tanong nito.
Hindi siya makapagsalita. Hindi niya na kasi kaya ang bigat ng nararamdaman. Sasabihin niya na sa lalaki ang tunay niyang nararamdaman. Bahala na!
“‘Wag mo naman akong iwasan, Jessa. Nasasaktan ako dahil gusto kita,” mahinang pagsusumamo nito.
Kumabog ang kaniyang dibdib. Hindi makapaniwala sa sinabi ng amo.
Pasimple niyang kinurot ang braso upang masiguro na hindi siya nananaginip.
“A-anong sabi mo?”
“Gusto kita. Matagal na. Kahit pa noong nandoon ka pa sa bahay nila Ate Dianne.” Pulang pula ang mukha ng lalaki. Tila nahihiya sa ginawa nitong pag-amin ng tunay na nararamdaman.
Napaiyak na lamang si Jessa. Isang panalangin na naman ang tinupad ng Diyos para sa kaniya!
“Mahal na mahal kita, Josh!” pag-amin niya sa lalaki.
Naluluhang niyakap siya ng lalaki.
Makalipas ang dalawang taon ay sa wakas, napagtapos na rin ni Jessa ang lahat ng kaniyang mga kapatid. Natupad niya na ang kaniyang pangarap para sa kaniyang pamilya.
Noon sila nagdesisyon ni Josh na magpakasal. Sa kanilang espesyal na araw ay isang importanteng bisita ang sumorpresa sa kanila.
“Ate Dianne!”
“Ate!” halos magkapanabay na wika ng mag-asawa.
Masaya silang nagkukwentuhan nang magbiro si Josh.
“Ate, nasaan ang regalo mo sa amin?” nang-aasar na wika nito.
Misteryoso ang ngiti na nabuo sa labi nito.
“Anong regalo? Binigay ko na ang regalo ko sa’yo. Nung binigay ko sa’yo si Jessa.” Kumindat pa ang babae.
Isang malutong na halakhak naman ang isinagot ng kaniyang asawa.
Noon umamin si Dianne na sinadya talaga nito na paglapitin sila ni Josh. Nais daw kasi nito na makahanap siya ng lalaking mamahalin siya habambuhay, at saktong naghahanap din ito ng babaeng muling magpapasaya sa kapatid.
Walang mapaglagyan ang saya sa puso ni Jessa habang minamasdan ang magkapatid – ang dalawang tao na pinaniniwalaan niyang hinulog ng Diyos mula sa langit upang gantimpalaan ang lahat ng paghihirap niya.