Ipinagpalit ng Binatilyo ang Regalo na Natanggap; Nganga Siya nang Makita ang Laman ng Kahon na Dapat ay Para sa Kaniya
Sabik si Isaac. Birthday kasi ng kaniyang Lolo Armando.
At bakit siya sabik? Kasi naging tradisyon na nito na imbes na ito ang bigyan nila ng regalo, ito ang nagbibigay sa kanila.
Pasasalamat daw iyon ng Lolo nila sa panibagong taon na nadadagdag sa buhay nito.
“Ano kaya ang makukuha kong regalo kay Lolo?” sa isip isip niya habang nagmamadaling nagbihis.
Marami nang bisita nang dumating siya. Sila sila lang namang mga kamag-anak ang bisita nito ngunit sadyang malaki talaga ang angkan nila.
“Isaac, ang paborito kong apo!” malugod na bati ng kaniyang Lolo nang mamataan nito ang kaniyang pagdating.
“Lolo, lahat naman kami, paborito mo!” natatawa siyang nagmano sa matanda.
Napahalakhak na lang ang matanda. Alam kasi nito na totoo ang sinasabi niya.
“Pero alam mo naman na espesyal ka sa puso ko, hijo. Ikaw ang unang unang apo ko,” sagot ng matanda.
Totoo ‘yun. Ang kaniyang Papa kasi ang panganay na anak nito. Kaya naman lubhang malapit talaga ang loob niya sa Lolo.
Nginitian niya ang matanda. “Alam ko po ‘yun, Lolo.”
Masaya ang ang salo salo at bonding ng buong pamilya lalo na’t bumabaha ng masasarap na pagkain at inumin.
Nagkaroon rin ng mga masayang palaro na pawang sinalihan nilang magpipinsan. Kahit ang mga tito at tita nila ay nakigulo rin sa mga palaro kaya naman napuno ng tawanan ang malaking bahay ni Lolo Armando.
“Maraming salamat sa inyong pagdalo. Alam niyo naman na ito lang ang kasiyahan ko. Ang makita ang pamilya natin nang kumpleto at masaya,” emosyonal na wika ng matanda matapos nila kantahan ng “Maligayang Bati”.
“Papa, masaya rin kami na makitang sa edad mo na sisenta ay malakas at malusog ka pa,” wika ng kaniyang Tita Estela, na sinang-ayunan naman ng mga kapatid nito.
Nagsalo salo ang pamilya nila sa masarap na cake na ginawa ng kaniyang Tita Marissa, habang masaya pa ring nagkukwentuhan ang bawat isa.
Matapos buksan ni Lolo Armando ang mga regalo ay dumating na ang pinakahihintay ng lahat – ang mga regalo ng kaniyang Lolo.
“Bago tayo magsimula ay gusto kong paalalahanan ang lahat – ang bigay ko sa inyo ay mula sa aking puso. Ibibigay ko ang mga ito dahil sa tingin ko ay ito ang magpapasaya sa inyo. Kaya ayokong magkakaroon ng inggitan o ‘di pagkakaunawaan dahil ikalulungkot ko talaga ‘yun,” paalala ng matanda.
Napangiti si Isaac. Parang nakikinita niya na kasi ang ibinigay ng kaniyang Lolo. Matagal tagal niya ring pinaringgan ang Lolo niya na gusto niya ng pinakabagong modelo ng isang sikat na brand ng laptop.
Kumabog ang didib niya nang makita ang isa sa mga nakabalot na regalo. Sa porma at anyo pa lang ay nasisiguro niya na na iyon ang computer na gusto niya.
Hindi niya nga lang mabasa ang pangalan na nakasulat doon dahil malayo ito sa kaniya.
Matiyaga siyang naghintay habang isa isang inaabutan ng regalo ng matanda ang kaniyang mga mag-anak.
Ngunit gayon na lamang ang pagkadismaya niya nang makitang inabot nito kay Jeremy, isa sa kaniyang mga pinsan, ang regalo na inaasahan niyang para sa kaniya.
Isang taon lang ang tanda niya sa pinsan, at kagaya niya, ay mahilig din ito sa mga makabagong gadgets.
“Naku, apo, sigurado ako na magugustuhan mo ito,” nakangiting wika pa ng Lolo niya sa pinsan.
“Salamat po, Lolo. Happy birthday!” masiglang tugon naman ni Jeremy.
Nadoble pa ang kaniyang pagkadismaya nang isang magaan na pahabang kahon ang iabot nito sa kaniya.
Nahulaan niya na isa na naman iyong cellphone, kagaya ng madalas nitong ibigay sa kanilang magpipinsan.
Ano namang gagawin niya sa mga iyon kung computer, at hindi bagong cellphone ang kailangan niya?
Hindi maitago ni Jeremy ang pagkadismaya, bagay na napansin ni Lolo Armado.
“Isaac, bakit nakasimangot ka? Hindi ka ba masaya sa ibinigay ko?” nababahalang tanong ng matanda.
“Hindi naman po sa ganun, Lolo. Kaso ang gusto kong regalo ay laptop. Pero mukhang kay Jeremy mo binigay ang gusto kong regalo,” direktang reklamo niya sa Lolo.
“Isaac!” narinig niyang magkapanabay na saway ng kaniyang ina. Marahil ay nahihiya ang mga ito sa inaasta niya ngunit hindi niya maiwasang magdamdam sa kaniyang Lolo.
“Naku, hijo. Sigurado ako na higit mong ikatutuwa ang regalo ko sa’yo,” paliwanag ng matanda.
Tila batang umiling si Isaac.
“Hindi, Lolo. Iyon lang ang regalo na magpapasaya sa akin!” pagpupumilit niya.
Napailing na lang si Lolo Armando. Mababanaag ang lungkot sa mata nito.
“Jeremy, ayos lang ba na magpalit kayo ng regalo ni Kuya Isaac mo?” alanganing tanong ni Lolo Armando sa nakababata.
Tumango naman ang pinsan bago walang salitang ibinigay sa kaniya ang regalo na dapat ay para rito.
Bumalik ang sigla ng kaniyang Lolo nang maayos na ang sitwasyon.
“O siya, mga apo! Buksan niyo na ang mga regalo!” sabik na sigaw ng matanda.
Nagmamadaling binuksan ni Isaac ang regalo at ganun na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makumpirma niyang tama siya – iyon nga ang laptop na gustong gusto niya!
Tuwang tuwa niyang inusisa ang bago niyang gadget.
Ngunit naagaw ng malakas na pagsigaw ni Jeremy ang atensyon ng lahat.
“Wow! May kotse na ako! May kotse na ako!” nagtatatalong na bulalas nito, bago nagtatakbong yumakap sa kanilang Lolo na aliw na aliw sa reaksyon ng apo.
Gulat na gulat naman si Isaac. Hindi computer, dahil susi ng kotse pala ang nilalaman ng maliit na kahon!
“Naku, Isaac! Kung hindi ka nakipagpalit ay may kotse ka na sana. Tamang tama pa naman kasi ilang buwan na lang, pwede ka na mag-drive,” nanghihinayang na komento ng kaniyang Tito Jake.
“Kotse na, naging bato pa!” natatawang pambubuska ng kaniyang ama na tila aliw na aliw sa naging takbo ng mga pangyayari.
Walang ibang magawa ang binatilyo kundi ang magsisi habang naiinggit na sinisipat ang magarang kotse na nakaparada sa labas ng bahay ng Lolo niya. Ang kotse na dapat ay sa kaniya.
Kung nakuntento pala siya at hindi na naghangad ng kung ano ano ay siya sana ang nakatanggap ng pinakamagandang regalo mula sa kaniyang Lolo.