Inday TrendingInday Trending
Pinahiram ng Babae ang Jacket Niya sa Matandang Estranghero Kahit Kailangan Niya Iyon; Isang Malaking Pagpapala Pala ang Kapalit Noon

Pinahiram ng Babae ang Jacket Niya sa Matandang Estranghero Kahit Kailangan Niya Iyon; Isang Malaking Pagpapala Pala ang Kapalit Noon

“Sinubukan ko na nga rin pong tawagan sina tiyang sa probinsya eh, kaso kapos din daw po sila doon,” namomroblemang sabi ni Jenna sa kuya na kausap niya sa telepono. Naroon siya ngayon sa waiting shed malapit sa ospital kung saan naka-confine ang kaniyang ina dahil sa sakit nito sa puso. Inatake na naman kasi ito at sa malas ay ngayon pang walang trabaho ang dalaga.

Matagal nang pumanaw ang kaniyang ama kaya sila ng nakatatanda niyang kapatid na lang ang naiwan pati ang ina niya. Kahit mag-isa lang ito, napagtapos nito ng kolehiyo ang kuya niya. Ngunit ngayon naman na kailangan nila ang suporta ng kaniyang kuya ay hindi ito maasahan. Dahil na rin nakapag-asawa ito ng babaeng sobrang kuripot sa pera. Wala na siyang makuhanan kaya’t desperada na siya at naglakas ng loob lumapit sa kuya niya. Ngunit hindi rin daw ito makapagbibigay para sa operasyon na kailangan ng ina.

Ibinaba ni Jenna ang tawag at napabuntong-hininga na lang. Napayakap siya sa braso nang magsimulang bumuhos ang ulan. Mukhang pati ang langit ay nakikisimpatya sa nararamdaman niya. Hindi na niya alam, pero gagawin niya ang lahat para mailigtas ang buhay ng ina.

Dahil sa biglang buhos ng ulan ay nagsidagsa ang mga tao sa waiting shed, sanhi para masagi ni Jenna ang isang matandang lalaki na nakayukyok lang sa isang tabi. Nababasa ang mga balikat nito dahil nauusod ito sa gilid. Ngunit mukhang walang balak magbigay espasyo ang mga tao para sa kawawang matanda. Paparating na ang bus na sasakyan ni Jenna papunta sa kaibigan na balak niyang utangan. Wala na siyang naisip na paraan para makatulong sa matanda kaya dali-dali niyang hinubad ang suot na jacket at ipinatong iyon sa balikat ng matandang lalaki.

“Tabi ho kayo rito’t nababasa na ho kayo,” turan niya. Pagkasabi noon ay agad nang sumakay si Jenna sa bus.

Napangiti siya nang mula sa bintana ay nakita niyang nakangiti rin sa kaniya ang matanda. Dala ng mabibigat na problema, ngayon na lang ata ulit gumaan ang pakiramdam niya. Iba pa rin talaga kapag nakakapagbigay ka ng tulong sa nangangailangan, sa isip-isip ng dalaga.

Napabalikwas siya ng nang tapikin ng konduktor ang kaniyang balikat, nakatulog kasi siya sa sobrang pagod. Hinihingi na nito ang bayad niya. Kaswal na tinapik niya ang bulsa, at halos mapatayo siya nang naalalang nasa jacket nga pala ang pitaka niya! Hindi lang iyon, naroon din ang lahat ng reseta ng doktor, mga ID niya, pati ilang dokumento na kailangan ng ina niya para makahingi ng tulong sa gobyerno.

Nanlulumong napayakap sa sarili si Jenna at bahagyang sinabunutan ang sarili. Kinapa niya ang bulsa at mabuti na lang may natira siyang barya. Humingi siya ng pasensya sa konduktor at sinabing kulang ang kaniyang pera. Mabuti na lang at tumango na lang ito at hindi na rin tinanggap ang bayad niya.

Ginaw na ginaw siya at miserableng-miserable ang pakiramdam. Napaluha na lang siya sa tindi ng bigat na nasa balikat niya. Pagbaba niya ng bus ay saktong nag-ring naman ang kaniyang lumang cellphone. Mabuti na lamang at sa bulsa niya iyon naisuksok at hindi sa jacket niya. Sinagot niya ang tawag at halos malaglag ang puso niya sa narinig na balita. Inatake muli ang kaniyang ina!

Wala na siyang pakialam kahit nababasa siya, agad siyang pumara ng taksi at sumugod pabalik sa ospital. Sa pagkataranta ay ‘di na niya naalala na wala nga pala siyang dalang pera. Hindi niya mapigilan ang pagluha sa biyahe. Sabi ng doktor ay kailangan na ng ina niya ng agarang operasyon dahil kung hindi ay maaaring malagay na sa panganib ang buhay nito. Pagbaba sa ospital ay hinubad niya ang relo at iniabot sa drayber. Pinaliwanag niya na nawala ang kaniyang pitaka at nagmamadali siya. Tila ba lumambot naman ang puso ng drayber at tumanggi nang magpabayad. Hindi naman daw ganoon kalayo. Umiiyak na nagpasalamat si Jenna sa lalaking tila ba naawa rin sa kaniya. Marahil narinig nito ang mga dasal niya kanina habang nasa taksi.

Agad tumakbo si Jenna sa emergency room kung nasaan ang ina. Matagal nang ayos ang papeles nito, bayad na lang ang kulang nila. Umiiyak siyang nagdasal habang hinihintay matapos ang operasyon. Mabuti na lang at dumating din ang kuya niya.

Ilang oras ang makalipas, naging matagumpay ang operasyon. Nang bahagyang humupa ang nerbiyos ni Jenna ay napagtapat niya sa kuya na nawala niya ang pitaka niya, kasama na rin ang mga papeles ng ina.

“Ano kamo Jenna?! Eh bakit naman hindi ka nag-iingat? Paano natin ngayon mababayaran lahat ‘yan ha?! Aasa na naman kayo sa akin?! May sariling pamilya rin ako!”

Bumangon ang matinding inis kay Jenna ngunit pinigilan niyang sumagot dahil kasalanan niya naman din talaga ang nangyari. Nagulat siya nang makalipas ang isang araw, nalaman na lang nila na bayad na ang lahat ng bayarin sa ospital. At kompleto na rin ang gamot na kailangan pa ng ina niya. Hindi makapaniwala si Jenna sa narinig. Saang kamay ng Diyos nanggaling ang biyayang iyon? Nasagot ang kaniyang tanong nang ibalik sa kaniya ng nurse na nakausap ang kaniyang jacket. Naroon din ang kaniyang pitaka’t mga dokumento.

Napag-alaman niyang ang matandang tinulungan niya ay pasyente rin pala doon. Nakatakas ito sa ospital kaya’t nasa waiting shed nang makita niya. Bali-balita ay mayaman daw ang matanda ngunit sa kasamaang palad ay dumaranas ng sakit sa utak.

Tila ba nabunot ang tinik sa puso ni Jenna dahil sa ‘di inaasahang biyaya. Hiniling niyang bisitahin ang matanda, at pumayag naman ang pamilya nito, na sa gulat niya ay nakikilala rin siya.

“Oh, ikaw siguro yung nagbigay ng jacket kay papa. Salamat ng marami, miss. Wala siyang ibang bukambibig kung hindi hanapin ka at ibalik sa’yo ang jacket mo. Lubos kaming nagpapasalamat kaya’t nang malaman namin ang pangangailangan niyo ay kami na ang nagbayad. Kung ‘di dahil sa’yo, baka napaano na si papa,” sabi ng isang lalaki kay Jenna.

Pumasok siya sa kwarto at natagpuan ang matanda na nakatingin sa bintana. Marahan siyang lumapit at lubos na nagpasalamat sa tulong nito at ng pamilya nito. Aalis na sana siya nang bigla itong magsalita.

“Kung ano ang itinanim, iyon din ang aanihin,” sabi nito. Isang matipid na ngiti lang ang binigay ng matanda na ang pangalan pala ay Enriko. Muli siyang nagpasalamat at lumabas na ng kwarto. Bumalik siya sa kwarto ng ina na magaan ang mga hakbang. Maligaya ang kaniyang puso dahil nang araw na iyon, doon niya lubos na napagtanto na masarap talagang tumulong sa iba. Hindi dahil sa may hinihintay kang kapalit, pero malay mo, ngumiti sa iyo ang langit at bigyan ka pa ng bonus! Napangiti ang dalaga sa naisip.

Advertisement