Inday TrendingInday Trending
Grabe Kung Parusahan ng Ginang ang Anak sa Tuwing Hindi Nito Magawa ang Nais Niya; Isang Nakakatakot na Pangyayari ang Gumising sa Kaniya

Grabe Kung Parusahan ng Ginang ang Anak sa Tuwing Hindi Nito Magawa ang Nais Niya; Isang Nakakatakot na Pangyayari ang Gumising sa Kaniya

“Tigilan mo ang kaiiyak mo! Paano ka matututo kung puro iyak ka?” inis na sita ni Wilma sa limang taong gulang na anak na si Mimi.

Kasalukuyan niyang tinuturuang magbasa ang anak. Sa mura nitong edad ay nais niya na na matuto ito para naman lamang ito sa ibang bata kapag nagsimula na itong pumasok sa eskwelahan.

“Mama, ang hirap po!” reklamo ng anak.

“Kaya mo ‘yan! Ganiyang edad ako nung natutong magbasa! Hindi pwede ‘yang ‘pag hindi mo alam, hindi mo na susubukan! Umayos ka, kung hindi ay palo ka talaga sa akin!” nandidilat na pananakot niya sa anak.

Lalo lamang lumakas ang iyak nito.

“Gusto ko pong maglaro, Mama!” maya maya pa ay hindi makatiis na atungal nito.

Sa sobrang inis niya sa pag-iinarte ng anak ay hinigit niya ito papasok ng banyo.

“Diyan! Diyan ka muna! Papalabasin lang kita riyan kapag hindi ka na umiiyak at handa ka na ulit mag-aral na magbasa!”

Ikinandado niya ang pinto bago inabala ang sarili sa mga gawaing bahay.

“Mama! Mama! Natatakot po ako mag-isa dito!” umiiyak na palahaw ng kaawa-awang bata.

“Hindi ka aalis diyan kung hindi ka titigil na kakaiyak mo,” paalala niya sa anak.

Unti-unting humina ang pag-iyak nito hanggang sa tuluyan itong tumigil.

Binuksan niya ang pinto. Nadatnan niyang tahimik na nagpupunas ng luha ang anak.

“Ano? Handa ka nang magbasa ulit? Hindi ka na mag-iinarte?”

Tila maamong tupa na tumango ang anak.

Lihim na napangiti si Wilma. Kahit kailan talaga ay hindi siya binigo ng paraan ng pagdidisiplina na iyon.

Ganoon rin ang ginawa sa kaniya ng nanay niya kaya siya lumaking matalino at nangunguna sa paaralan. Gusto niya na maging kagaya niya ang anak.

Sa pagpapatuloy nila ng naudlot na leksiyon ay nabasa ni Mimi ang lahat ng salita na ipinapabasa niya rito.

“Baso.”

“Lobo.”

“Bibe.”

“Buto.”

“Magaling, anak! O siya maglaro ka na, bukas na ulit tayo mag-aaral!” masiglang taboy niya sa anak.

“Anak, dapat ganyan ka lagi. Kung lagi mong gagalingan ay hindi kita ikukulong sa banyo, maliwanag ba?” payo niya sa anak.

Matamlay na tumango lamang ang bata bago kinuha ang mga laruan nito.

Marami ang nagsasabi sa kaniya na mali ang paraan ng pagtuturo niya sa anak, at mali na pinipilit niya ito sa murang edad.Subalit ano ba ang alam ng mga ito? Siya ang nakakaalam kung ano ang nakabubuti para kay Mimi.

Kinabukasan ay naulit na naman ang tagpong kinaiinisan niya.

“Mama, m-may sakit po ako, ayoko po mag-aral ngayon,” wika ni Mimi nang gisingin niya ito nang umagang iyon.

Tiningnan niya ang temperatura ng anak. May sinat nga ito.

“Sinat lang ‘yan, Mimi. Paiinumin lang kita ng gamot at ayos na ‘yan,” katwiran niya sa anak.

Nakasimangot na tumayo ito mula sa higaan. Alam kasi nito na istrikto siya pagdating sa pag-aaral at hindi na magbabago ang isip niya.

“Mama, h-hindi ko po alam ang basa riyan,” namumula ang matang wika nito.

Tila anumang oras ay babagsak na ang luha sa mga mata ng anak, bagay na ikinainis niya.

“Ano? Iiyak ka na naman? Kahapon inaral na natin ‘to, nalimutan mo kaagad?” inis na asik niya sa bata.

Tuluyan nang umiyak ito.

Walang salitang hinigit niya ito papasok sa banyo bago mag-isa itong iniwan sa loob.

Rinig na rinig niya ang pagmamakaawa ng anak ngunit kagaya ng dati ay pinili niyang hindi iyon pansinin. Kailangan nitong matuto at hindi ito matututo kung hindi niya ito pipigain nang husto.

Ilang minuto itong nag-iiyak bago niya narinig na nanahimik.

Binuksan niya ang pinto upang palabasin ito ngunit nagimbal siya sa nakita.

Walang malay na nakahandusay ang anak niya sa sahig ng banyo.

“Mimi!” takot na sigaw niya bago dinaluhan ang anak.

Nang kargahin niya ito ay napagtanto niyang inaapoy pala ito ng lagnat!

Taranta siyang humingi ng tulong sa kapitbahay.

“Tulungan niyo ang anak ko!” umiiyak na sigaw niya habang karga karga ang anak na wala pa ring malay.

Mabuti na lamang ay mabilis na rumesponde ang ilan nilang kapitbahay at agad na naisugod nila si Mimi sa ospital.

Habang minamasdan niya ang anak na nakaratay sa ospital at tinitingnan ng espesyalista ay tila may kamay na pumipiga sa kaniyang puso.

Alam niya kasi na walang ibang dapat sisihin kung hindi siya – binalewala niya ang pagdaing ng anak dahil sa kaniyang pansariling interes.

“Dok, kumusta ho ang anak ko?” kinakabahang tanong niya nang matapos nito turukan ng kung ano ang bata.

“‘Wag ho kayong mag-alala, misis. Binigyan na namin siya ng gamot na magpapababa ng lagnat niya. Kailangan niya lang ng pahinga at tulog para tuluyang makabawi ang kaniyang katawan,” paliwanag ng doktor.

“Wala ho ba siyang kahit na anong sugat? Natagpuan ko siyang nakahandusay sa sahig ng banyo,” pagkukwento niya.

Umiling ang kausap niyang doktor.

“Walang sugat ang bata. Maraming posibleng dahilan kung bakit siya nawalan ng malay, misis. Isa sa pinaka-pangkaraniwang dahilan ay matinding stress o matinding takot na sinabayan pa ng mataas na lagnat. Kaya siguraduhin niyo na lamang na hindi niya mararamdaman ang mga iyon para hindi na ito mangyari ulit,” wika nito.

Napayuko na lang si Wilma habang hawak ang kamay ng anak. Masyado niyang pinilit ang kaawa awang anak sa isang bagay na hindi nito gusto.

“Masyado mo kasing pinipilit si Mimi. Bata siya, Wilma! Hayaan mo naman ang anak natin na enjoy-in ang pagkabata niya. Hindi ‘yang ang bata bata pa ay pine-pressure mo siya!” mataas na boses na sermon ng asawa niya na sumugod sa ospital nang mabalitaan ang nangyari sa anak.

Hindi siya makaimik. Maging siya ay galit sa kaniyang sarili. Naging pabaya siyang ina.

Nabulag siya ng ambisyon na itulad sa sarili ang anak kaya nakalimutan niyang ikonsidera ang damdamin ng anak.

Nang tuluyang gumaling ang anak ay labis ang kaniyang pasasalamat sa Diyos. Ipinangako niya sa sarili na hindi niya na muli pang pipilitin pa ang anak sa mga bagay na hindi pa nito kaya at mga bagay na hindi nito gusto.

Dahil bilang ina, ang kaniyang trabaho ay panatilihin itong ligtas at masaya – hindi ang ipahamak ito.

Advertisement