Negosyo ng Ginang ang Paggawa ng mga Pekeng Dokumento; Paano Kung Siya Naman ang Magantso?
Nabubuhay sa mundo ng mga huwad at peke si Aling Divina. Kinalakhan na niya ang puwesto nila sa Recto. Sila ang puntahan ng mga nais magkaroon ng birth certificate, wedding certificate, diploma, titulo ng lupa, at kung-ano-ano pang mga papeles ng pampubliko at pampribadong sektor. Ilang beses na silang nahuli subalit muli rin naman silang nakakabalik, at tila sila mga kabuting nagsusulputan ulit, matapos bunutin at itapon sa basurahan.
Sa looob ng isang araw, kumikita si Aling Divina nang hindi bababa sa limang libong piso. Maraming gustong mameke ng mga dokumento, na hindi na niya inuurirat kung saan ba nila gagamitin. Ang trabaho lamang niya ay kopyahin at gawing mukhang totoong-totoo ang anumang nais ipatrabaho ng kliyente. Matagumpay naman niya itong nagagawa. May sapat na ipon na siya upang maipatayo ang maliit na bahay sa nabili niyang bakanteng lote.
“Bernie, bukas ay maglalabas na ako ng ipon ha? Para may budget na tayo, pambayad sa mga karpintero at pambili ng mga materyales. Diyos ko po, ang mamahal ng mga materyales! Hindi ako makapaniwala. Kaya kailangan, masimulan na natin ang pagpapagawa,” sabi ni Aling Criselda sa kaniyang mister.
“Oo sige, bahala ka. Ako nang bahalang maghanap ng mga tao,” sagot naman ni Mang Bernie sa asawa.
“Pasalamat tayo at maraming nagpapagawa ng pekeng dokumento. Pero alam mo Bernie, minsan nakokonsensya rin ako eh. Nanloloko tayo. Huwag lang talagang bumalik ang karma sa atin. Pero kapag naiisip ko kung saan naman tayo kukuha ng pera para sa mga araw-araw nating gastusin, pikit-mata na lang ako,” saad ni Aling Criselda sa mister.
“Hay naku tama na nga ang drama, Criselda. Ang mahalaga, may kabuhayan tayo,” saad naman ni Mang Bernie.
Nang mga sumunod na araw, nagtungo sa bangko si Aling Criselda upang mag-withdraw ng pera para sa kanilang pagpapatayo ng bahay. 100, 000 piso ang kaniyang inilabas. Ipon talaga nila ito na inilaan para sa pagpapatayo ng bahay.
Paglabas niya nang bangko, nakita niya ang isang matandang babaeng tila gulong-gulo sa kaniyang buhay. May bitbit itong eco bag sa kanang kamay na tila punumpuno ng laman. Ang kaliwang braso naman ay may benda at semento, na tila naaksidente.
“Ineng, ineng… maaari mo ba akong tulungang bilangin ang pera ko?” tanong sa kaniya ng matandang babae.
“Sige po lola, ano po bang problema?” tanong ni Aling Criselda.
“Galing kasi ako sa loob ng bangko at nagwithdraw sa bank account ng aking yumaong asawa. Mga isang milyon ang aking nai-withdraw. Paglabas ko ng bangko, nakaligtaan kong bilangin o doblehin ang pagbibilang sa harapan ng teller. Bago ako umalis, gusto kong makatiyak na tama ang naibigay sa akin. Maaari mo ba akong tulungan? Tingnan mo naman ang kalagayan ko, isang braso lang ang gumagana,” pakiusap ng matandang babae.
“Milyon ho ang laman ng eco bag na dala ninyo? Naku, lola, baka kayo ay maagawan. Dapat may sasakyan kayo,” saad naman ni Aling Criselda.
“May sasakyan ako subalit hindi ko alam kung saan nag-park. Ganito ineng, ibigay mo sa akin ang bag mo, at ibibigay ko sa iyo ang eco bag ko para hindi ka mahirapan sa pagbibilang ng aking milyones,” saad ng matandang babae. Iniabot nito sa kaniya ang eco bag, na nang silipin ni Aling Criselda ay puro mga lilibuhin ang laman. Iniabot naman niya sa matandang babae ang kaniyang bag upang hindi siya mahirapan sa pagbibilang.
At iyon na lamang ang natatandaan ni Aling Criselda.
Nagulat na lamang siya nang pagdilat niya ng mga mata, nasa isang klinika siya. Malapit ang naturang klinika sa bangko.
“Anong nangyari sa akin?” nagtatakang tanong ni Aling Criselda sa doktor.
“Naku misis, nakita po kayong nakabulagta sa harapan ng bangko. Ano pong nangyari?” usisa ng doktor.
Saka naalala ni Aling Criselda ang matandang babaeng nagpatulong sa kaniyang magbilang ng pera. “Nasaan yung matandang babaeng nagpatulong sa akin magbilang ng pera? Saka nasaan ang bag ko?”
“Naku misis, malamang po ay nabudol kayo. Wala na po ang bag ninyo.”
Batay sa imbestigasyon, nabiktima si Aling Crsielda ng mga isang uri ng budo-budol gang na may kakayahang “manghipnotismo”. Kaya pala naging palagay ang loob niya kaagad sa matandang babae, at kahit na anong sabihin nito ay napasunod siya. Natatandaan niya na may naamoy siyang kakaibang samyo nang buklatin niya ang eco bag na iniabot nito sa kaniya, na siyang naglalaman ng “milyong pera” kuno nito.
Lumipad na sa alapaap ang 100,000 piso ni Aling Criselda, bukod pa sa mga mamahaling gamit at cellphone sa loob ng kaniyang bag.
Isang manggagantso, naloko ng kapwa manggagantso. Napagtanto ni Aling Criselda na napakabilis talaga ng karma, at napakasakit kung ito ay gumanti.