Parang Magkapatid na ang Magpinsang Ito Dahil Simula Pagkabata’y Sila na ang Magkasama; Sa Usaping Pag-ibig Kaya Sila Masira?
Mga bata pa lamang ang magpinsang sina Greg at Carl, para na silang magkapatid. Palibhasa ay parehong mga nag-iisang anak ng kani-kanilang mga magulang, nasanay silang dalawa na “sanggang-dikit” magmula sa mga paglalaro, mumunting kalokohan, kalungkutan, at sa mga kasiyahan. Kaya naman nang magtungo sa Maynila si Greg upang mag-aral sa kolehiyo, lumuwas na rin si Carl. Pumayag ang kanilang mga magulang upang may kasama ang isa’t isa.
Pareho rin silang mga guwapo at lapitin ng mga babae kaya naman napagkakamalan talaga silang tunay na magkapatid. Nasanay na silang hati sa maraming mga bagay. Pareho rin sila sa mga hilig, lalo na ang basketball.
Nang sila ay makatapos ng pag-aaral, sabay rin silang nakahanap ng kanilang trabaho sa Maynila. Hati sila sa mga gastusin sa bahay. Mabuti na lamang at dalawa ang kuwarto ng kanilang inuupahang bahay; kung hindi ay baka maging sa pagtulog ay tabi sila.
Isang araw, nagulat si Carl nang may isinamang babae si Greg sa kanilang bahay.
“Babe, si Carl nga pala, pinsan ko pero parang kapatid ko na rin. Insan, si Bea, girlfriend ko,” pagpapakilala ni Greg sa kaniyang kasintahan. Inilahad naman ni Carl ang kaniyang kanang kamay sa magandang nobya ng kaniyang pinsan. Buong puso at nakangiti naman itong iniabot ni Bea; subalit parang naramdaman ni Carl na pinisil nang bahagya ni Bea ang kaniyang kamay. Hindi na lamang niya ito pinansin.
“Ang guwapo naman pala ng pinsan mo, babe. Nasa lahi pala talaga ninyo,” papuri ni Bea kay Carl. Hindi nito inaalis ang kaniyang pagkakatitig sa binata.
“Ah oo naman. Nasa lahi talaga namin ang mga habulin,” nakangiting sabi ni Greg sa nobya.
“Ikaw lang ang habulin, grabe ka sa akin…” nakangiting sansala naman ni Carl.
Habang nasa banyo si Bea, inusisa ni Carl ang pinsan.
“Hindi mo nabanggit sa akin na may nililigawan ka pala? Saan mo siya nakilala? tanong ni Carl sa pinsan.
“Kaibigan siya ng kasamahan ko sa trabaho. Oo nga pala Carl, dito na siya sa atin titira. Magsasama na kami. Okay lang ba?”
“Oo naman. Maluwag naman ang bahay. Saka may sarili ka namang kuwarto kaya magagawa ninyo ang gusto ninyo. Huwag lang masyadong maingay sa gabi ah, pigilan ang mga ungol, baka mainggit ako,” biro ni Carl.
“Sira ulo ka talaga!” pabirong saad ni Greg sa pinsan.
At nagsama na nga sa iisang bubong sina Greg at Bea. Tuwing umaga, si Bea ang naghahanda ng almusal nila.
“Hoy Carl, kumain ka nang marami… masarap akong magluto,” sabi ni Bea kay Carl.
“Oo nga eh. Sarap ng sinangag mo. Masuwerte sa iyo ang pinsan ko,” sabi ni Carl.
“Masuwerte rin siya sa akin. Oo nga pala, baka may seminar akong pupuntahan mamaya, bukas na ako uuwi,” paalam ni Greg.
“Sama ako…” kunwa’y nagmamaktol na sabi ni Bea sa kaniyang nobyo.
“Hindi na. Dito ka na lang. Nariyan naman si Carl, ano ka ba… hindi ka mapapaano rito,” sabi naman ni Greg. Hindi napansin ng magpinsan ang lihim na pagsulyap-sulyap ni Bea kay Carl.
Kinagabihan. Pagkauwi ni Carl mula sa trabaho, minabuti niyang manood ng telebisyon sa sala. Maya-maya, lumabas ng kuwarto si Bea. Napalunok si Carl sa suot na nighties nito dahil bakat na bakat ang maalindog nitong katawan. Tumabi ito kay Carl.
“Hi Carl. Puwedeng tumabi?” malambing na tanong ni Bea kay Carl. Napalunok naman ang binata. Hindi naman siya pinanganak kahapon para hindi maramdamang may “kaharutan” sa katawan ang kinakasama ng kaniyang pinsan; ayaw niya namang sabihin ito kay Greg dahil ayaw niyang masaktan ito.
“O-Oo naman. Sige lang. May gusto ka bang palabas na panoorin?” iniabot ni Carl ang remote control. Umiling naman si Bea at pasalagmak na naupo sa sofa. Naamoy ni Carl ang mabangong shampoo nito sa buhok. Naramdaman ni Carl na may kumislot sa pagitan ng kaniyang mga hita. Diyos ko po… lalaki lamang po ako, nasa loob niya.
Tahimik lamang na nanonood ang dalawa. Tanging tunog mula sa telebisyon ang maririnig. Tungkol sa mga “wild animals” ang pinapanood ni Carl: at ang eksena, ang “mating” ng leon at tigre.
“Carl, may girlfriend ka ba?” bigla’y basag sa katahimikan ni Bea.
“Wala eh… bakit mo naman naitanong?” napapalunok na balik-tanong ni Carl.
“Wala lang… sa guwapo at hot mong iyan, wala? Imposible…”
“Oo, wala nga…” sagot ni Carl.
Maya-maya, naramdaman na ni Carl na gumapang na ang isang kamay ni Bea sa kaniyang hita. Napabalikwas ng tayo si Carl.
“Ano’ng ginagawa mo? Girlfriend ka ng pinsan ko.”
“Alam ko… hindi naman niya malalaman, Carl…” saad ni Bea at tinangka siyang halikan sa leeg subalit lumayo si Carl.
“Bea, parang kapatid ko na si Greg at hindi ko sisirain ang relasyon namin bilang magpinsan. Pasensiya ka na,” saad ni Carl. Pinatay niya ang remote control at pumasok na sa loob ng telebisyon. Tila napahiya naman si Bea sa kaniyang ginawa.
Bukas na bukas din, isusumbong ni Carl ang ginawa ni Bea sa kaniya. Kinabukasan, nagulat na lamang si Carl na wala na si Bea gayundin ang mga gamit nito. Naglayas na pala ito.
Pagdating ni Greg, hindi na ito nagulat nang malamang wala na si Bea.
“Nag-away kami kagabi. Napag-alaman kong marami siyang kinakalantaring lalaki. Pinaalis ko na siya,” saad ni Greg.
Pinili na lamang ni Carl na huwag ikuwento sa pinsan ang pagtatangka ni Bea sa kaniya. Ang mahalaga, napatunayan niya na mas matimbang ang paggalang niya sa kaniyang pinsan kaysa sa alinmang mga tuksong nakaabang.