
Upang Makapangutang ay Doble-Kara ang Isang Ginang; Buong Buhay Niya Itong Pagsisisihan
“Judith, kailan ka ba magbabayad ng utang mo? Sabi mo sa akin nung nangutang ka ay ibabalik mo rin pero isang buwan na ang nakakalipas ngunit wala pa rin. Huwag mo naman akong pahirapan sa paniningil,” sita si Aling Flor sa kaniyang kapitbahay.
“Pasensiya ka na talaga, Aling Flor. Nagamit ko kasi ngayon ang pera. Pero pangako ko sa iyo pagdating ng sahod ng mister ko ay ako mismo ang pupunta sa bahay ninyo,” tugon naman ng ginang.
“Ayan ang sinasabi ko, Judith, e! Kapag nanghihiram ay kay gagaling pero kapag bayaran na ay kung anu-ano na ang sinasabi. Parehas kayo ni Marie. Kapag sinisingil ay madaming dahilan,” saad pa ng kapitbahay.
“Ibahin mo naman ako kay Marie, Aling Flor. Magbabayad talaga ako at saka nagamit ko talaga sa pagpapadoktor ng anak ko. Mainam na nga na sinabihan kita kaagad, ‘di ba? Ayoko namang mapagod ka pa sa pagpunta dito kaya ako na lang ang pupunta sa bahay ninyo,” pakiusap pa ni Judith.
“Pero ano ba ang problema kay Marie? Bakit din siya nangutang sa inyo? Saan daw gagamitin ang pera?” usisa pa ng ginang.
“Hindi ko alam sa babaeng iyon! Nakakasama ng loob at palaging ibinabalandra ang bago niyang gamit ngunit hindi man lamang niyang makuhang magbayad ng utang sa akin!” galit na tugon ni Aling Flor.
“Kaya ikaw, Judith, magbayad ka at maayos ang usapan natin. Kung hindi ay ipapabaranggay talaga kita!” saad pa ng matanda.
“Oo, Aling Flor. Maayos naman akong kausap. Saka wala ka namang nakitang bagong gamit sa akin, hindi ba? Basta sa akinse ay pupunta ako sa inyo,” wika muli ni Judith na may malaking ngiti sa kaniyang mukha.
Pag-alis na pag-alis ni Aling Flor ay binawi agad ng ginang ang kaniyang mga ngiti.
“Ang kulit ng matandang iyon! Sinabi na ngang wala pa akong pera, punta pa nang punta dito!” saad niya sa kaniyang sarili.
Isang gwardiya ang asawa ni Judith. Ayos naman ang sahodnito ngunit sapat lamang para sa pang-araw-araw na gastusin nila ng kanilang dalawang anak. Kung minsan ay nag-aasam din ng mga bagong kagamitan ang ginang kaya nagagastos niya ang budget. Kaya siya nauuwi ngayon sa pangungutang.
Isang araw habang naglalakad sa mall ay nakakita siya ng isang magandang bag.
“Sosyal tingnan ang bag na ito. Napakaganda at naka-sale pa! Kaso wala naman akong pera pero sayang ang malaking matitipid ko dahil sa sale,” saad niya sa sarili.
Dahil hindi niya napigilan ang sarili ay binili niya rin ang nasabing bag. Ngunit kulang na naman ang kanilang budget. Imbis na mabayaran niya tuloy si Aling Flor sa sahod ng asawa ay kailangan niyang punuan ito para sa kanilang panggastos.
Nang lumipas ang akinse at hindi pa nagpapakita si Judith sa bahay nina Aling Flor ay agad na siyang pinuntahan ng matanda.
“”Papunta na nga ako sa inyo, Aling Flor, pero naunahan niyo ako!” sambit agad ni Judith.
“Galing ako kina Marie kaya naisipan ko ring dumaan dito. Ang babaeng iyon, pinagtataguan na ata ako! Kung anu-ano pa ang naririnig kong sinasabi niya tungkol sa akin!” ani Aling Flor.
Upang mawaglit ang kaniyang utang ay nakakita ng pagkakataon si Judith na gamitin ang galit ni Aling Flor sa kapitbahay na si Marie.
“Siya nga! May nakarating sa akin, Aling Flor, na ubod daw kayo nang damot at singil kayo nang singil. Hindi raw kayo makaintindi at malaking magpatubo. Sabi ko nga ay hindi totoo iyon dahil maayos naman kayong pakiusapan. Siguro ay galing nga kay Marie ang mga bagay na iyan,” saad ni Judith sa matanda.
Lalong nag-init ang ulo ni Aling Flor kay Marie dahilan upang makalimutan niya ang paniningil ng kaniyang utang kay Judith.
“Aling Flor, ako na po ang bahala kapag may nakarating pa sa aking gano’ng balita. Ipagtatanggol ko talaga kayo!” dagdag pa ng ginang.
Labis ang saya ni Judith dahil nakalimutan na ni Aling Flor ang kaniyang utang. Kaya sa tuwing sinisingil niya ito ay madalas niyang kwentuhan at siraan si Marie sa matanda.
Nang mahuli na niya ang loob ng matanda ay bukod sa matagal siyang singilin sa utang ay nakakautang pa siyang muli dito. Napagtanto ni Judith na kaya niya itong gamitin upang madali siyang makautang kahit sa iba.
Nang makita naman niya si Marie ay agad niya itong sinita.
“Marie, totoo ba ang sinasabi ni Aling Flor na kung anu-ano raw ang mga binibili mo at tinatakasan mo raw siya sa mga utang mo?” saad pa ng ginang.
“Alam mo nabayaran ko na ang utang ko kay Aling Flor. Ang sinisingil siya sa akin ay ang tubo na tumubo pa dahil sa hindi ko nabayaran. Hirap na nga ako, Judith, lalo niya akong ginigipit. Tama ba iyon?” saad pa ng ginang.
“Hindi ko talaga babayaran ang sinisingil niya sa akin dahil bayad na ako sa kaniya. Kahit na malakas ang negosyo ko ngayon ay hindi talaga dahil abusado siya!” dagdag pa ni Marie.
Muling nagkaroon ng ideya itong si Judith. Dahil tila musika sa kaniyang pandinig ang pagkakasabi ng kapitbahay na malakas ang negosyo nito’y nais din niya itong utangan.
Kinuha niyang muli ang loob ni Marie. At sa tuwing ito ang kaniyang kausap ay puro magaganda lamang ang sinasabi niya rito. Madalas din niyang siraan ang matandang si Aling Flor.
“Ayaw pang tumigil ng matandang si Aling Flor. Talagang sinasabi niya pa sa akin na tuso ka raw at ayaw mong magbayad!” sambit ni Judith kay Marie.
Dahil sa ginagawang ito ni Juith ay lalong lumaki ang hidwaan sa pagitan ni Aling Flor at Marie. Ngunit hindi man lamang siya nakokonsensiya dahil masayang siyang nauutangan ang dalawa.
Ngunit isang araw ay hindi inaasahan ni Judith ang mangyayari. Dahil sa labis na pagkapoot ni Marie at Aling Flor sa isa’t isa ay hindi na nila napigilan pa ang magharap.
Isa-isang naglabasan sa kanilang mga kabahayan ang mga tao sa kanilang iskinta nang marinig nila ang malakas na sigawan nina Aling Flor at Marie.
Kahit inaawat na ang mga ito ay wala pa rin silang tigil sa patutsadahan. Hanggang sa dalhin sila sa himpilan ng barangay.
Nang nag-usap ang dalawa ay doon nila nalaman ang puno’t dulo ng lahat. Doon na isiwalat na wala pa lang sinasabing kahit anong masakit si Marie kay Aling Flor at ganoon din ang matanda sa ginang.
At ang pareho nilang itinuturong nagsabi sa kanila ng mga ito ay walang iba kung hindi si Judith.
Agad na ipinatawag din si Judith sa baranggay. Pilit man niyang itinatanggi ang maling ginawa ay wala na siyang kawala.
Labis na kahihiyan ang naramdaman ni Judith dahil sa kaniyang ginawa sa dalawang kapitbahay. Ginawa niya ito upang makapanlamang sa kaniyang kapwa.
Nais sanang kasuhan ng dalawa si Judith ngunit patuloy ang pagmamakaawa ng mga ito.
Napagkasunduan na kung hindi makakapagbayad si Judith sa kanila ng utang ay agad naman siyang ipapadampot at ipapakulong.
Dahil sa labis na takot ay agad na nagbayad ng utang si Judith. Labis din ang galit ng kaniyang asawa sa kahihiyang dinala nito sa kanilang pamilya.
Matapos man ang pag-aaway na iyon ni Aling Flor at Marie ay hindi na maiwawaksi sa isipan ng mga kapitbahay ang sigalot na ginawa ni Judith dahilan upang iwasan siya ng mga ito at maging masama ang tingin sa kaniya sa loob ng matagal na panahon.