Inday TrendingInday Trending
Balak Pagnakawan ng Dalawang Anak ang Sariling Magulang; Magugulat Sila sa Tunay na Kayamanan ng mga Ito

Balak Pagnakawan ng Dalawang Anak ang Sariling Magulang; Magugulat Sila sa Tunay na Kayamanan ng mga Ito

“Saan ka pupunta, kuya? Akala ko ba ay pupunta ka na sa iyong silid upang mag-ayos ng gamit mo?” pagtataka ni Steve sa nakatatandang kapatid na si Paul.

“Sandali lang. Nakita ko kasing naiwanan nila mommy at daddy ang pintuan sa ipinagbabawal na silid. Gusto ko lang tingnan kung ano ba talaga ang laman no’n. Ilang beses ko na kasi silang nakikitang pabalik-balik ngunit kahit kailan ay hindi pa ako nakapasok doon,” tugon naman ni Paul.

“Naku, kuya, baka mamaya ay mahuli tayo nila mommy at daddy. Tara na at pumunta na lang tayo sa ating silid. Kailangan na nating mag-ayos ng gamit para sa bakasyon natin bukas!” pilit naman ng nakababatang kapatid.

“Sige na at mauna ka na muna. Susunod na ako sa iyo!” giit muli ni Paul.

Palinga-linga at marahan na tinunton ni Paul ang silid na iyon. Ngunit bago pa lamang sila makapasok ay agad na siyang nakita ng kanilang mommy.

“Nakalimutan ko pala itong isara,” sambit ni Lory sabay kandado ng pinto.

“Paul, Steve, ano pa ang ginagawa ninyo rito? Tapos na ba kayong mag-ayos ng mga gamit ninyo?” tanong ng ina.

Umiling ang dalawa at agad na nagtungo sa kanilang silid upang sundin ang utos ng ina.

Parehong negosyante ang mag-asawang Hernan at Lory. Sa tagal ng kanilang pagsasama ay biniyayaan sila ng dalawang anak na sina Paul at Steven. Masasabing maswerte ang magkapatid dahil nakakariwasa sila sa buhay at ang lahat ng kanilang kailangan ay madali nilang nakukuha.

Ngunit palaisipan sa dalawa kung ano nga ba ang tinatago ng kanilang ina at ama sa likod ng pintuan ng isang silid. Noong una ay walang interes ang mga ito ngunit habang lumalaki sila ay lalong lumalaki ang pag-aasam nila na malaman kung ano ang laman nito.

Hindi na tuloy nila maiwasan na magtanong sa kanilang mga magulang. Ngunit iisa lamang ang tugon ng mga ito.

“Nariyan ang lahat ng kayamanan ng pamilyang ito. Kaya ganoon na lamang naming pag-ingatan ng daddy niyo. Darating din ang araw at iiwanan din namin ang mga iyan sa inyo,” wika ni Lory sa kaniyang anak.

Nagulat ang magkapatid. Hindi nila akalain na ganun karami ang kanilang pera.

Sa kanilang paglaki ay nasunod ang lahat ng kanilang luho. Pinagbibigyan sila ng kanilang mga magulang dahil sa labis na pagmamahal sa kanilang mga anak.

Kabi-kabila ang pagsisiya at pagwawaldas ng pera nila Steve at Paul. Dahil nga nasanay sa marangyang buhay ay hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga bagay na mayroon sila ngayon.

Isang araw ay kinausap ni Lory ang kaniyang mga anak.

“Tumatanda na kami ng daddy ninyo. Kailangan ay alamin ninyo na ang mga pasikot-sikot ng ating kumpanya. Hindi habangbuhay ay magtatrabaho kami ng daddy ninyo. Gusto rin namin na magpahinga na sa aming pagtanda,” pahayag ng ina.

“Hindi pa naman kayo matanda, mommy. Batang-bata pa nga ang itsura ninyo. Ilang beses na ba tayong napapagkamalang magkakapatid?” pagbibirong sambit ni Paul.

“Paul, huwag mong gawing biro ang lahat. Hindi ba kayo naaawa man lang sa daddy ninyo? Buong buhay niya ay inialay niya upang palakihin ang kumpanya. Dahil kayo ang mga tagapagmana at susunod na henerasyon ay dapat simulan ninyo nang magsiryoso sa buhay,” dagdag pa ni Lory.

Ngunit minasama ito ng magkapatid. Imbis na tulungan ang kanilang mga magulang ay minabuti nilang umalis na lamang sa kanilang pamilya. Sa puntong iyon ay kinuha na nila kaagad ang kanilang parte o mana.

Labis mang ikinalulungkot ito ng mag-asawa ay wala silang magagawa. Marahil ay nagkulang din sila sa pagbagay sa mga ito. Muli, ibinigay nila ang gusto ng magkapatid na kunin na ang kanilang mana at mamuhay sa paraang gusto nila.

Lumipas ang mga taon at patuloy pa rin sa pagtatrabaho ang mag-asawa habang ang kanilang mga anak naman ay mabilis na winaldas ang mga nakuha nilang pera.

“Walang-wala na tayo, kuya. Kung hihingi siguro tayo ng patawad kila mommy at daddy ay patatawarin nila tayo. Kung sabagay, tayo lang naman ang mga anak nila,” saad ni Steve sa nakakatandang kapatid.

“Nahihibang ka ba? Alam mong nasa kasulatan na hindi na tayo parte ng pamilyang iyon!” naiinis na tugon ni Paul.

“Pero paano na tayo? Hindi naman tayo sanay na magtrabaho ayokong maghirap, kuya!” sambit pa ni Steve.

“Natatandaan mo ba ang silid kung saan naroroon ang lahat ng kayamanan ng pamilya natin? Tutal, alam naman natin ang mga pasikot-sikot sa bahay, madali natin itong mapapasok. Looban natin ang bahay at simutin natin ang laman ng silid na iyon!” mungkahi muli ng kuya.

Takot man sa gagawin ay mas takot si Steve na maghirap kaya pumayag na lamang siya sa gusto ng kaniyang kapatid. Maigi nilang plinano ang lahat.

“Paano kung makita at mamukhaan tayo nila mommy at daddy?” pangamba ni Steve.

“Kung magsusumbong sila sa mga pulis ay tuluyan na natin,” napabuntong hininga na lamang si Paul sa kaniyang mga sinabi.

Buo ang loob ng dalawa nang pasukin nila ang sariling bahay. Alam nila na malaki ang posibilidad na mahuli sila kaya ipinapanalangin ni Steve na huwag na sana silang ipadampot ng kanilang mga magulang dahil ayaw niyang mapahamak din ang mga ito at sa sarili pa nilang mga kamay.

Nang magtagumpay si Paul na buksan ang silid ay laking pagtataka nila sa kanilang nakita. Naroon kasi ang kanilang mga larawan noong kabataan nila, mga tropeyo at medalya at ibang mga laruan at gamit ng magkapatid.

Patuloy sa paghahalungkat ang mga ito.

“May isang baul dito, Steve. Halika rito at buksan natin!” pabulong na sambit ni Paul.

Nang mabuksan nila ang baul ay labis ang kanilang pagtataka. Mga papel lamang ang mga naroon.

“Akala ko ba ay lahat ng kayaman ng pamilya natin ay narito. Anong mga basura ito?” galit na sigaw ni Paul.

Lingid sa kanilang kaalaman ay alam ng kanilang mga magulang na naroon silang magkapatid sa silid na iyon.

Marahang binuksan ng mag-asawa ang silid at doon nga nagtama ang kanilang mga mata.

“Ma, dad, parang awa niyo na, huwag ninyo kaming ipapulis,” takot na pakiusap ni Steve.

“Bakit naman namin kayo ipapupulis? Masaya kami sa muli ninyong pagbabalik mga anak. Ngunit ano ba ang ginagawa ninyo sa silid na ito?” pagtataka ni Lory.

“Balak ninyo bang nakawan ang bahay natin?” dagdag pa ng ina.

“Buong pagkabata namin ay akala nami’y ubod tayo nang yaman. Ang sabi ninyo ay puno ng kayamanan ng pamilya ang silid na ito ngunit kahit isang pirasong ginto at isang kusing ay wala kaming nakita!” sambit ni Paul.

“Tama ka, puno nga ng kayamanan ang silid na ito. Dahil ang mga ito ang tunay na yaman namin ng inyong daddy at isang araw ay ipapakita ninyo ang mga ito sa inyo, mga anak. Kayo ang yaman namin, mga anak. Sana ay magbalik na kayo sa amin,” pahayag pa ng ina.

Labis ang konsensya na nadama ng magkapatid. Unang tumulo ang mga luha ni Steve at sabay hingi ng tawad sa kanilang mga magulang. Napaluhod na lamang si Paul dahil sa masamang balak sa mga ito.

“Patawarin ninyo kami, mommy at daddy. Malaking pasakit ang ibinigay namin sa inyo habang kayo ay labis na pagmamahal lamang. Hindi namin kayo nasuklian ng tama. Sana po ay mabigyan ninyo pa kami ng isa pang pagkakataon,” paghagulgol ni Paul.

“Mga anak, lahat tayo ay nagkakamali sa buhay ngunit araw-araw ay binibigyan tayo ng Diyos upang bumangon at itama ang mga ito. Masaya kami ng daddy ninyo na muli’y narito na kayo sa aming piling!” pahayag ni Lory.

Mahigpit na mga yakap ang pumawi sa lahat ng mga taong hindi sila magkakasama.

Labis ang pasasalamat ng magkapatid sa pangalawang pagkakataong ibinigay ng kanilang mga magulang. Sa puntong ito ay sinikap nila Steve at Paul na gumanti sa lahat ng kabutihan ng kanilang mommy at daddy.

Sinunod nila ang mga gusto nitong pag-aralan nila ang kalakaran ng kumpanya nang sa gayon kapag pinili na ng kanilang mga magulang na umalis na sa kanilang mga pwesto ay patuloy pa rin ang maunlad at masagana nilang pamumuhay.

Advertisement