
Inis ang Biyenan sa Kaniyang Manugang na Gastador Daw; Ipapahiya Siya ng Kaniyang Panghuhusga
“Maring, nakita ko ang manugang mo sa bayan kanina. Ang dami niyang pinamili, ano ang okasyon?” bungad sa ginang ng kaniyang kumareng si Aling Tina.
“Sa pagkakaalam ko ay walang okasyon. Tatlong buwan pa mula ngayon ang kaarawan ng anak kong si Arwin. Ngayon mo lang ba nakita?” pagtataka naman ni Aling Maring.
“Oo at nakita kong sakay ng tricycle. Aba’y punung-puno nga ang sasakyan ng kaniyang pinamili muntikan na siyang hindi magkasya!” saad muli ng ginang.
“Siguro ay malaki talaga ang kinikita niyang anak mong si Arwin, ano? Hay, sana ang anak ko rin ay ganiyan nang nababahagian naman ako!” dagdag pa nito.
Labis ang pagtataka ng matandang si Aling Maring sa sinabing ito ng kaniyang kumare kaya agad siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang anak. Doon nga ay nakita niyang isinasalansan pa ng kaniyang manugang na si Ditas ang mga pinamili nito sa grocery.
Pagpasok niya sa bahay ay agad siyang sinalubong ng kaniyang anak.
“‘Nay, ano po ang ginagawa niyo rito? Kagagaling ko lamang po sa inyo at ang sabi ng tatay ay magsisimba raw kayo. Tapos na po ba?” pagtataka ni Arwin.
“Wala naman. Gusto ko lang dumalaw at namimiss ko na ang mga apo ko!” tugon ng matanda.
“Siya nga pala, bakit ang dami niyo atang pinamili? May okasyon ba?” tanong muli ni Aling Maring sa anak.
“Wala naman po. Napagdesisyunan kasi ni Ditas na bilhin na ang lahat ng kailangan ng mga bata. Pinagbigyan sa mga gusto nila,” sagot pa ng anak.
Labis na ikinainis ito ni Aling Maring. Para sa kaniya kasi ay basta na lamang nilulustay ng kaniyang manugang ang perang pinaghihirapan ng kaniyang anak.
“Hinay-hinay kayo sa paggastos at hindi naman napupulot lang basta ang pera. Saka huwag ninyong sasanayin ang mga bata na nakukuha ang lahat ng gusto. Baka kayo rin, sumakit ang ulo ninyo kapag nagsilakihan na ang mga iyan,” sambit muli ng matanda.
Simula noon ay lalo pang hindi naalis ni Aling Maring ang kaniyang paningin sa kaniyang manugang. Lalo na kung nababalitaan niya ang pagbili nito ng mga gamit. Kaya madalas siyang nagtutungo sa bahay ng anak upang masigurong hindi nilulustay ni Ditas ang kanilang pera.
“Napansin ko parang bago na naman yata ang mga kurtina ninyo? Hindi ba ay kakabili lamang ng isang buwan?” tanong niya sa manugang.
“Nagustuhan niyo po ba? Matagal ko na po kasi talagang gustong bilhin ang mga kurtinang iyan. Bukod kasi sa makapal ang tela ay maaliwalas sa paningin,” masayang sabi ni Ditas sa byenan.
“Bakit hindi mo na lang labhan ang mga dati? Pare-pareho lang naman na kurtina iyan!” sambit pa ng matanda.
Hindi na lamang umimik pa si Ditas.
Makalipas ang ilang araw ay naroon na naman si Aling Maring sa bahay ng anak. Nagmamasid kung ano na naman ang bagong gamit doon. Saka niya nakita na may bagong telepono at laptop itong si Ditas.
“Maganda ang mga gadgets mo na iyan. Sigurado ako na mamahalin ang mga iyan!” wika ni Aling Maring.
“Opo, kaya kailangan ko talaga po itong pakaingatan,” tugon naman ng manugang.
“Alam mo, Ditas, napapansin ko na nitong mga nakakaraang araw ay panay ang gasta mo ng pera. Ayos na sana sa akin ang mga binibili mong grocery at kurtina at iba pang para sa bahay at sa mga apo ko kaso, iyang selpon at laptop ay sobra na!” puna ni Aling Maring.
“A-ano po ba ang nais niyong ipahiwatig, ‘nay?” pagtataka ni Ditas sa kaniyang biyenan.
“Kung anu-ano ang ginagastos mo habang ang anak ko ay nagkakanda-kuba sa pagtatrabaho. Samantalang ikaw, kababae mong tao ay palagasta ka! Ni hindi mo kayang pag-ingatan ang lahat ng binibigay ng anak ko! Dapat sa iyo ay hindi pinapahawak ng salapi dahil makati ang iyong kamay sa paggasta. Nakaranas lang ng kaunting pera ay kung anu-ano na ang mga pinagbibili!” sita pa niya sa kawawang manugang.
Nang marinig ni Arwin ang sinasabing ito ng kaniyang ina sa kaniyang asawa ay agad itong nagsalita upang umawat.
“‘Nay, maaari po ba bago kayo magsalita ng ganiyan sa asawa ko ay magtanong muna kayo? Huwag muna kayo basta-basta nanghuhusga. Hindi tama na pagsalitaan ninyo siya nang ganiyan!” sambit ng anak.
“Tama naman ang sinasabi ko, napakagastador ng asawa mo. Hindi na naawa sa iyo! Pinoprotektahan lang naman kita, anak!” sigaw pa ng ina.
“Pero wala po kayo sa katwiran, ‘nay. Tatlong buwan na po akong walang trabaho at siya na po ang nagtatrabaho para sa amin. Mayroon siyang trabaho online. Dito lamang siya sa bahay at gamit po ang internet. Iyang mga selpon at laptop na iyan ay padala ng kaniyang amo dahil magaling siya at napromote siya! Ang lahat ng ginagastos namin sa bahay na ito ay dahil malaki ang sweldo niya.
Napagaling at maabilidad ang asawa ko sa lahat ng bagay lalo na sa paghawak ng ipon at pananalapi. Kaya sana ho ay bago kayo magsalita ng masasakit ay kausapin ninyo kami ng maayos. Sa totoo lamang ay ako ang nagsabi sa kaniya na huwag nang sabihin na wala akong trabaho dahil nahihiya ako na nakadepende sa kaniya ang pamilyang ito,” paliwanag ni Arwin.
Napahiya si Aling Maring sa ginawa niya sa manugang. Labis ang kaniyang pagsisisi sa panghuhusga dito.
Lubos siyang humingi ng kapatawaran kay Ditas at naunawaan naman ito ng ginang at agad siyang pinatawad.
Isang magandang aral ang natutunan ni Aling Maring sa kaniyang ginawa. Talagang walang magandang idudulot ang panghuhusga sa ating kapwa.