Inday TrendingInday Trending
Ayaw Pag-Aralin ng Panganay ang Bunso Niyang Kapatid; Bandang Huli ay Nagbunga pa Ito ng Maganda

Ayaw Pag-Aralin ng Panganay ang Bunso Niyang Kapatid; Bandang Huli ay Nagbunga pa Ito ng Maganda

“Bagsak ka na naman! Ano ba, Patrick, talagang ganito na lang ba ang gagawin mo? Baka akala mo ay namumulot lang ako ng pera. Hindi biro ang bayarin mo sa matrikula!” galit na galit na sambit ni Tristan sa kaniyang nakababatang kapatid.

“E, napag-initan daw ng guro, Tristan. Bigyan mo pa ng isang pagkakataon. Sigurado ako na sa puntong ito ay aayusin na niya ang kaniyang pag-aaral,” pagtatanggol naman ng kanilang inang si Aling Rosa.

“Naku, ‘nay, kaya lumalaki ang ulo niyan ay palagi niyong pinagtatanggol ni tatay! Hindi na uso sa panahon ngayon ang dahilan na iyon. Sige nga at kung talagang pinag-initan ka lamang ay ipakita mo sa akin ang lahat ng ginawa mo sa asignatura niya saka natin ireklamo!” hamon ng nakatatandang kapatid.

Napayuko na lamang si Patrick.

“E ‘di lumabas din ang totoo. Wala kang maipakita kaya bumagsak ka! Huling pagkakataon mo na ito, Patrick. Kapag hindi mo pa talaga inayos ay hindi na kita pag-aaralin sa kolehiyo. Bahala ka na sa buhay mo!” sambit pa ng kaniyang Kuya Tristan.

Parehong wala nang trabaho ang mga magulang nina Tristan at Patrick. Simula ng magkaroon ng makatapos at maghanapbuhay ang panganay na anak ay siya na rin ang bumuhay sa kaniyang pamilya.

Maging ang pag-aaral ng kaniyang kapatid ay nakaasa rin sa kaniya. Kaya ganito na lamang ang init ng ulo ni Tristan na sa ikalawang pagkakataon ay may bagsak na subject ang kapatid.

“‘Nay, sabi ko naman sa inyo ay huwag niyo na po akong ipagtanggol kay kuya. Naiintindihan ko naman po talaga ang galit niya. Bumagsak po ako dahil mahina po ako sa asignaturang iyon. Ayan tuloy pati kayo ay nakagalitan niya,” pagpapaumanhin ni Patrick.

“Naiintindihan ko naman ang kuya mo, anak. Mahirap talaga ang maghanapbuhay at kumita ng pera. Kaya sana ay paghusayan mo na ang pag-aaral mo,” wika pa ni Aling Lory.

Nang matapos ang taon ay nakapasa naman si Patrick sa lahat ng kaniyang asignatura ngunit hindi pa rin masaya rito ang kaniyang kuya.

“Napakababa ng grado mo. Noong nag-aaral ako ay pinakamababa ko nang grado ang pinakamataas mo. Isang taon nalang, Patrick, at kolehiyo ka na. Sa tingin mo ay uubra ang ganiyan? Hindi ka na mag-aaral para lamang sa grado kung hindi na rin para sa kinabukasan mo. Kung ganiyan nang ganiyan ay huwag ka na lang magkolehiyo pa!” sambit ni Tristan kay Patrick.

“Paghuhusayan ko pa, kuya, pasensiya ka na,” nakayukong sambit ng nakababatang kapatid.

Lumipas ang isang taon ngunit sadyang nahirapan si Patrick sa kanilang mga aralin. Hindi rin kasi niya alam kung kanino magpapaturo dahil ang kuya lamang niya ang nag-iisang pwede niyang malapitan ngunit palagi itong abala.

“Ni hindi man lamang tumaas ang mga grado mo, Patrick. Ano ba naman ito? Nakakapanghinayang ang ipinapaaral sa’yo!” wika ni Tristan.

Ilang sandali pa ay kinausap ng panganay ang kaniyang ina.

“O, ‘nay, nakita niyo naman na wala akong pagkukulang. Kung hindi makakapasok iyan sa kahit anong unibersidad ay hindi ko na kasalanan!’ sambit nito kay Aling Rosa.

“Imbis na ganyanin mo ang kapatid mo, anak, bakit hindi mo turuan?” tugon naman ng ina.

“Kung ang mga guro nga ay sumuko na sa kaniya, ano pa kaya ‘yung ako? Baka sa sobrang kahinaan ng kokote niyan ay hindi ko rin matagalan! Mantakin niyo paulit-ulit lang naman ang mga pinag-aaralan pero hindi pa rin niya makuha. Ano ang tawag do’n?” pananarkastiko muli ni Tristan.

Nang marinig ito ni Patrick ay labis siyang nasaktan.

“Sige, kuya, ayos lang na huwag mo na akong paaralin. Ako na lang ang bahala sa sarili ko. Pag-iisipan ko rin kung papasok ako sa kolehiyo kasi nga baka hindi kaya ng utak ko. Pasensiya ka na at hindi ako kasing galing mo,” naiiyak na sambit ng bunsong kapatid.

“Ano ang gusto mong sabihin? Nagpapakonsensya ka na hindi kita pag-aaralin? Totoo naman na masasayang lang ang pera sa pagpapaaral sa iyo. Tapos, bandang huli ay mauuwi rin sa wala!” pahayag pa ng kaniyang kuya.

“Kaya nga ako na ang bahala, kuya. Hindi mo na ako kailangan pang suportahan. Pati ako ay kinukwestyon ko ang kakayahan ko dahil mismong kayo ay walang tiwala sa akin,” ani Patrick.

“Basta, tapos na ang pag-uusap na ito. Kung gusto mong magkolehiyo ay ikaw na ang gumawa ng paraan,” muling saad ni Tristan.

Nais na lamang sanang huminto ng pag-aaral ni Patrick. Kahit pagbali-baligtarin kasi niya ay naniniwala siyang wala siyang mararating. Hanggang sa kausapin siya ng kaniyang nanay.

“Matalino ka, anak. Marahil ay hindi sa lahat ng bagay ngunit gano’n naman ang lahat. Nagsisimula tayo sa hindi natin alam. Ang importante ay matuto tayong magsumikap. Huwag kang titigil hanggang hindi ka nagtatagumpay. Wala kang kalaban sa buhay na ito kung hindi ang dati mong sarili. Ungusan mo siya, anak. Ipakita mo na kayang-kaya mo!” wika ni Aling Rosa.

Dahil sa mga sinabing ito ng kaniyang ina ay muling nabuhayan ng loob si Patrick. Sinikap niyang makapasok sa isang pampublikong unibersidad. Upang may panggastos siya sa kaniyang pag-aaral ay nagtrabaho siya.

Mahirap mang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho ay pinagtiyagaan ito ng binata. Nais niyang makatapos nang sa gayon ay siya naman ang tumulong sa kaniyang pamilya.

Habang tumatagal ay nakikita ni Tristan ang malaking pagbabago sa kaniyang kapatid. Sa totoo lamang ay malaki na ang naging pag-unlad nito.

Habang abala sa pag-aaral si Patrick ay tumabi sa kaniya ang kaniyang Kuya Tristan.

“Ganiyan din ako noon. Nahihirapan pero hindi sumusuko,” bungad niya sa nakababatang kapatid.

“Malaki na ang pinagbago mo, Patrick, at natutuwa ako sa lahat ng nangyayari sa iyo. Alam kong kayang-kaya mo naman. Kaya ako naiinis sa iyo ay alam kong hindi mo ibibigay ang lahat ng galing mo. Ngayon ay nakikita ko ang pagsisikap mo. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho at nais ko na lamang ay ituon mo ang sarili mo sa pag-aaral,” nakangiting sambit ng kaniyang kuya.

Labis na gulat at tuwa ang naramdaman ni Patrick. Bukod kasi sa hindi na siya mahihirapan pa sa paghahati ng kaniyang oras ay lubos na siyang makapagpokus sa kaniyang pag-aaral. Hindi niya akalain na isang pagsubok lamang pala ang ginagawa sa kaniya ng kaniyang kuya.

Mula noon ay hindi na nagtrabaho pa si Patrick. Dahil dito ay lalo siyang nakakuha ng matataas na marka.

Ilang taon pa ang nakalipas at nakapagtapos na ang binata at naging isang ganap na inhinyero.

Kapit-kamay sila Patrick at Tristan ngayon sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Labis ang galak sa puso ni Tristan dahil sa puntong ito ay mas nahigitan pa siya ng kaniyang kapatid.

Advertisement