Inday TrendingInday Trending
Nakakayamot ang Ugali ng Matandang Kasero; Nang Magkasunog ay Hindi Niya Akalain ang Naging Tagapagligtas

Nakakayamot ang Ugali ng Matandang Kasero; Nang Magkasunog ay Hindi Niya Akalain ang Naging Tagapagligtas

“Anak, pasensiya ka na at hindi ako makakapagpadala ngayong buwan sa iyo. Baka pwede mo namang pakiusapan ang kasero mo na bigyan ka pa ng ilang palugit. Titingnan ko kung makakautang ako sa tiyahin mo,” wika ni Aling Belen sa kaniyang anak na si Mabel.

“Huwag niyo na ho akong alalahanin, ‘nay. Ako na po ang bahalang makipag-usap kay Mang Teban. Ako na rin po ang gagawa ng paraan. May kaunti naman po akong naipon. Susubukan ko na rin pong mangutang sa kaklase ko tutal nakahanap naman na po ako ng part-time na trabaho,” tugon naman ng dalaga.

“O sige, anak. Palagi kang mag-iingat riyan. Tawagan mo ako kung may problema. Nawa’y makatapos ka na agad ng pag-aaral,” dagdag pa ng ina.

Ngunit sa pagbaba ng telepono ay labis ang pag-aalala ni Mabel kung saan siya hahagilap ng perang ipinambabayad para sa kaniyang upa sa boarding house. Kilala kasi ang kaniyang kasero bilang mahigpit sa bayad.

Katulad na lamang noong isang linggo na isang araw lamang nahuli sa pagbabayad ang isa niyang kasama sa boarding house ay inilabas na nito ang mga gamit ng dalaga at ikinandado ang inuupahang kwarto nito.

Kahit na anong pagmamakaawa ay hindi nakikinig ang matanda.

Kaya napilitan si Mabel na mangutang sa kaniyang mga kaibigan.

“Naku, pasensiya ka na, Mabel, at ito lamang talaga ang maibibigay ko sa iyo,” saad ng kaibigang si Althea.

“Pasensiya ka na rin at ikaw lagi ang inaabala ko. Alam mo namang ikaw lang ang kaibigan ko dito sa Maynila,” saad naman ni Mabel.

“Sa totoo lang ay hindi ko na alam kung ano ang uunahin ko. Kailangan ko pa kasi bumili ng materyales para sa proyekto ko. Sana mapakiusapan ko talaga si Mang Teban na bigyan ako kahit ilang araw na palugit para sa kulang na bayad,” dagdag pa ng dalaga.

“Pasensiya ka na, Mabel, at hindi kita kayang patuluyin sa bahay namin kasi kahit kami ay nagsisiksikan na roon,” wika naman ng kaibigan.

Habang pauwi ng boarding house ay walang tigil sa pag-iisip si Mabel kung ano ang kaniyang sasabihin kay Mang Teban. Natatakot siyang baka wala siyang matuluyan ng gabing iyon.

Pagkauwi ay agad siyang sinalubong ng matanda upang singilin.

“Mabel, pinapaalala ko lang sa’yo, a. Ngayon ang araw ng bayaran mo ng renta. Alam mo na ang mangyayari sa iyo kapag nahuli ka ng pagbabayad!” sita ni Mang Teban sa dalaga.

“O-opo, hindi ko po nakakalimutan. P-pero, Mang Teban, baka po kasi pwedeng ito po muna ang ibayad ko? Sa katapusan ko po ibibigay ang kulang. Kaunti na lang naman po ang kulang diyan,” pakiusap ni Mabel.

“Ang usapan ay usapan, Mabel. Noong pinatuloy kita sa boarding house na ito ay ipinaliwanag ko na sa inyo ang lahat! Bakit ang titigas pa rin ng ulo ninyo at ayaw ninyong magsibayad ng tama sa tamang araw? Hindi ako charity! Hindi ito bahay-ampunan!” nanggagalaiting sambit ng matanda.

“Kung hindi mo kayang magbayad ngayon ay bitbitin mo na ang gamit mo. Napakaraming may gustong magrenta sa tinutuluyan mong silid! Bukas na bukas ay makakahanap ako ng kapalit mo at mas maayos na magbayad!” galit na sigaw pa ni Mang Teban.

Walang nagawa si Mabel kung hindi ibigay ang lahat ng kaniyang pera. Hindi na lamang siya kakain kinabukasan at hindi na rin siya gagawa pa ng proyekto. Napabulong na lamang siya sa kaniyang sarili.

“May matutulugan nga ako, wala naman akong kakainin at baka bumagsak pa ako sa akademiko ko,” saad ng dalaga.

Nang sumunod na buwan ay nagkulang na naman si Mabel sapagkat naipadala niya ang halos lahat ng sahod niya sa part time niyang trabaho sa kaniyang ina dahil nagkasakit ang kaniyang kapatid.

Pagkauwi niya ay naranasan niya ang bagsik ni Mang Teban. Nakita na lamang niya ang kaniyang mga kagamitan sa labas ng boarding house at nakakandado na ang kaniyang tinutuluyang silid.

“Napakawalang puso ninyo naman ho, Mang Teban. Ngayon lang naman ako nahuli ng pagbabayad dahil ginamit sa emergency ang pera ko. Ibibigay ko naman po kaagad. Bakit kailangang ganituhin ninyo ako agad?” nangigigil na sambit ni Mabel.

“Makikiusap sa una tapos ay uulitin. Sawang-sawa na ako sa pare-parehong alibi ninyo! Kung wala kayong pambayad ay huwag kayo ditong mangupahan. Maghanap kayo ng paupahan na pwedeng iyang ginagawa ninyo!” sigaw naman ng matanda.

Dahil wala nang pupuntahan ay napilitan siyang makituloy muna sa kaniyang kaibigang si Althea ng gabing iyon. Ngunit dahil nga siksikan na ang kaniyang pamilya ay walang pagpipilian si Mabel kung hindi matulog sa labas ng bahay.

Habang nakahiga sa karton na nakalatag sa malamig na sahig ay naisipan niyang gumanti sa matanda.

“Kung ikandado ko rin ang bahay ng matandang iyon? Nang sa gayon ay magkagulo sila at mapahiya siya dahil hindi sila makakalabas agad,” wika niya sa sarili.

Napabalikwas siya ng kaniyang pagkakahiga at agad na kinuha ang kandado sa bahay nila Althea. Dali-dali siyang nagpunta sa dating boarding house.

Sa kalaliman ng gabing iyon ay tiyak na walang makakakita sa kaniya. Gagawin na sana niya ang kaniyang balak nang matauhan siya at makonsensya.

“Wala na rin namang saysay kung gagawin ko ito. Hindi naman magbabago ang ugali ng matandang iyon,” saad niyang muli sa sarili.

Kaya napilitan siyang bumalik na lamang sa bahay ng kaibigan. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay nakakita na siya ng usok na nagmumula sa bahay ng matanda. Doon ay napagtanto niyang nasusunog na ang boarding house.

Unti-unting nagising ang mga nangungupahan at isa-isa silang lumabas ng bahay. Ngunit sa kanilang paglabas ay napansin ni Mabel na hindi niya makita ang matandang may-ari.

“Nasaan si Mang Teban? Nakalabas na ba siya?” tanong niya sa isang babae.

“Hayaan mo na siya, Mabel, hindi na namin maililigtas ang matandang iyon. Malaki na ang apoy. Saka masama naman ang ugali niya!” sambit ng isang dalaga.

Pare-pareho ang sinasagot ng mga nangungupahan sa kaniya. Wala man lamang gustong magligtas sa matanda.

Dahil inuusig ng kaniyang konsensya ay sinuong ni Mabel ang apoy at tinungo ang silid ng ginoo. Mabuti ay nasa bungad lamang ito. Pilit niyang binuksan ang silid nito at doon nga ay nakita niyang halos wala nang malay ang ginoo dahil sa tindi ng usok.

Pilit niya itong binuhat at inilabas ng bahay.

Nang magkamalay ang matanda ay labis siyang nagulat sa ginawa sa kaniya ni Mabel.

“Kahit na puro kasamaan ang ginawa ko sa iyo ay ganito pa iginanti mo sa akin. Maraming salamat. Gusto ko sanang humingi ng kapatawaran sa iyo, Mabel,” wika ng matanda.

“Sa totoo lamang po, Mang Teban, naiinis po talaga ako sa ginawa niyo sa akin. Ngunit hindi ko po kasi kaya na pabayaan na lamang kayo,” tugon pa ng dalaga.

Labis ang pasasalamat ni Mang Teban sa kabutihang ginawa sa kaniya ni Mabel. Hindi niya akalaing kaya nitong ilagay ang buhay sa alanganin para lamang sa kaniya.

Upang makaganti kay Mabel ay pinatuloy ni Mang Teban sa kaniyang boarding house ang dalaga. Hindi na niya ito pinagbayad hanggang sa makatapos ito ng pag-aaral.

Mula rin noon ay naging mas maunawain at mapagbigay na ang matandang si Mang Teban sa mga nangungupahan sa kaniyang boarding house.

Advertisement