
Napagtanto ng Mag-asawa na Dapat Talagang Mag-ipon Habang Ika’y Bata pa at Malakas; Ito ang Malalim na Pinaghugutan Nila
Magkahawak kamay na naglalakad ang otsyente’y anyos na mag-asawang sina Marina at Alfonso. Bitbit ni Tatay Alfonso ang shoulder bag ng asawang si Marina, habang panay ang tingin sa magandang tanawin sa paligid.
Naisip nilang mag-asawa ang mag-date, gaya no’ng kanilang kabataan sa Parke ni Rizal sa Luneta, Park. Tumanda na ang panahon at tumanda na nga rin silang dalawa.
“Naaalala ko pa noon, Marina, tumatakas tayo sa eskwela upang tumambay rito,” nakangiting wika ni Alfonso sa asawa.
Agad namang sumilay ang nahahapong ngiti ni Marina. “Oo. Dinadamay mo kasi ako sa mga kalokohan mo noon, Alfonso. Niyayaya mo akong mag-Luneta, kahit may klase.”
Agad namang natawa si Alfonso sa alaala noong sila’y mga dalaga’t binata pa lamang. Noong panahon ay hindi pa gaanong maganda ang Parke ni Rizal, hindi kagaya ngayon na marami nang nagpapabusog sa iyong mga mata na magagandang tanawin.
“Matanda na nga tayo, Marina,” nakangiting wika ni Alfonso saka ginagap ang kamay ng asawa. “Kasabay ng pagtanda natin ay ang pag-ganda ng parke na ito. Noong kabataan natin ay nangarap lamang tayong maging maayos ang buhay natin pagdating sa’ting pagtanda at heto na nga tayo ngayon, matanda na—”
“At mahirap pa rin ang buhay hanggang ngayon, Alfonso,” hapong umupo si Marina sa bakanteng upuan. “Natatadaan mo pa ba ang mga pangarap natin noon, Alfonso? Hindi ba’t ang pangarap natin noon ay yumaman, upang magkaroon tayo ng mga bagay na hindi natin naranasan. Yumaman nga tayo… salamat sa pagsisikap nating dalawa,” ani Marina.
Magkababata sina Marina at Alfonso, dahil magkapitbahay lamang ay naging magkaklase sila. Hanggang sa napagtanto nilang pareho pala nilang mahal ang isa’t-isa noong sila’y nag-high school.
Doon sila nag-simulang mangarap na sana yumaman sila, upang magkaroon sila ng mga bagay na pareho nilang hindi naranasan dahil sa hirap ng buhay. Isa rin sa naging dahilan ay gusto nilang ibigay ang lahat para sa bubuohin nilang pamilya.
“Pero ngayong matanda na tayo at nakikita ang nangyayari sa mga anak natin ay wala akong ibang pinangarap na sana’y bumalik tayo sa panahong tumatakas pa tayong dalawa sa klase upang mag-date sa parkeng ito. Tumanda na lamang tayo sa kakakayod, Alfonso, pero hanggang ngayon pakiramdam ko’y hindi pa rin ako nakakaramdam ng pagka-kuntento,” ani Marina.
“Nalalapit nang matapos ang misyon natin sa mundong ito, Marina, kaya kung ano man ang mayro’n sa’tin sa nakalipas na maraming taon… dapat nating ipagpasalamat ang lahat ng iyon sa ating Panginoon,” matiwasay na wika ni Alfonso.
“Naisip ko lang, Alfonso. Kapag bata ka pa at malakas ay nararapat lang talagang kumayod ka’t magsikap. Hindi para marating mo ang lahat ng pangarap mo, kung ‘di para makapag-ipon at maghanda sa iyong pagtanda.
Para sa pagdating ng panahong ika’y matanda na, may mga mag-aalaga sa’yo,” nilingon ni Marina ang asawa. “Kasi kapag marami kang pera sa iyong pagtanda, pag-aagawan ka ng mga anak mo. Alam mo kung bakit, Alfonso?”
“Bakit?”
“Kasi may pera ka. Mayroon silang makukuhang kapalit sa pag-aalaga sa’yo. Pero kapag tumanda kang mahirap at walang pera, pagpapasa-pasahan ka ng mga anak mo, kasi bukod sa wala silang mapapala sa’yo’y para sa kanila isa kang pabigat. At iyon ang masakit na katotohanang napagtanto ko sa’ting pagtanda, Alfonso,” nangilid ang luha sa mga mata ni Marina sa sinabi.
Iyon ang katotohanang nakikita ngayon ni Marina. Buhay pa nga silang mag-asawa’y nag-aaaway-away na ang mga anak nila dahil sa perang kanilang pinaghirapan sa mahabang panahon. Lahat gustong alagaan sila, dahil may pera silang kayang ibigay.
Pero ang kumare nilang si Natasha, na kanila ring kababata noon ay pinagpapasa-pasahan ng mga anak, dahil isa lang raw itong pabigat sa pamumuhay nila.
“Iyon ang isa sa dahilan, Marina, kaya nagsumikap tayo sa buhay noong tayo’y mga bata pa’t malalakas. Hindi lang para maranasan natin ang kaginhawaan ng buhay, kung ‘di para sa panahong tayo’y mahina na’y may maipansusuhol tayo upang may mag-alaga sa’tin.
Iyon ang katotohanan ng buhay at sa palagay ko’y nagawa na natin ang mga kailangan nating gawin sa mundo, Marina, kaya wala ka nang dapat ipag-alala pa,” ani Alfonso saka niyakap ang nag-aalalang asawa.
Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay magiging pera na lamang ang basehan sa pag-aalaga kapag tumanda na ang isang tao, dahil marami namang ibang mga matatandang taos-pusong inaalagaan ng kanilang mga kamag-anak kahit na sila’y tumandang kapus-palad. Ngunit mas maiging mapaghandaan mo na ang maaari mong kahantungan sa iyong pagtanda. Hangga’t bata pa at malakas ay isiping mag-ipon para sa pagdating ng panahon ay may mahuhugot ka kapag ika’y nangangailangan.