Inday TrendingInday Trending
Isang Ugali ang Inayawan ng Kaniyang Pamilya sa Dalaga, Dahilan Kaya Nadala ang mga Itong Pagbantayin Siya ng Tindahan; Ano Kaya Iyon?

Isang Ugali ang Inayawan ng Kaniyang Pamilya sa Dalaga, Dahilan Kaya Nadala ang mga Itong Pagbantayin Siya ng Tindahan; Ano Kaya Iyon?

“Kuya Finn, baka pwede mo akong tumulong na bantayan ang tindahan. Nagpaalam kasi sa’kin si Mandeline na hindi na muna siya makakapasok kasi may sakit ang anak niya.

Walang tatao ngayon sa shop, baka mapagalitan na naman ako nito ni mama. Nasa trabaho na kasi ako e,” kausap ni Felisa sa kapatid na nasa kabilang linya.

“May mga kailangan akong asikasuhin, Felisa, subukan mong tawagan si Ate Samantha mo, baka wala iyong ginagawa ngayon,” ani Finn.

Agad namang nag-isip si Felisa, kung maaari ba niyang kausapin ang ate upang tumao sa shop nang biglang may naaalala.

“Ayy! Ayoko kay ate,” tanggi ni Felisa.

“Bakit naman!” Takang tanong ni Finn.

“Mas lalo akong sasabunin ni mama kapag si Ate Sam ang nagbabantay ng tindahan. Alam mo naman na may pusong mamon ang isang ‘yon,” natatawang wika ni Felisa na tinawanan na rin ni Finn, tila may naaalala na ring senaryo si Finn sa kaniyang ibig sabihin.

“Ayy! Oo,” anito na hindi na napigilan ang pagtawa.

Isang araw kasi’y pinakiusapan ng kanilang ina si Samantha upang bantayan ang kanilang tindahan dahil walang tatao. Absent ang kanilang tindera dahil may kailangang asikasuhin. Agad namang um-oo si Samantha, dahil wala itong ginagawa sa araw na iyon, magkasamang tumao sina Felisa at Samantha.

Maganda ang naging buena mano nila, dahil magaling talagang mag-sales talk si Samantha. Malambing magsalita at may advice pa itong ibibigay sa kustomer, upang bumagay ang damit na isusuot nito, at very charming pang mag-asikaso ng mamimili, kaya napapabili talaga ng dalaga ang mga pumapasok sa tindahan nila.

“Hija, magkano ito?” tanong ng mamâng medyo may edad na.

Butas-butas ang damit na suot nito na halatang ilang beses nang nilabhan, kulubot ang balat dala ng katandaan at mukhang mahirap na mahirap sa lipunan ng Pilipinas.

Ang napili nitong damit ay isang mamahaling klase at magandang tela, branded at de kalidad ang pagkakagawa. Ang orihinal na presyo niyon ay umabot sa pitong daang piso. Ngunit laking gulat niya nang magsalita ang kaniyang Ate Samantha.

“Two hundred na lang po iyan, tatay. Gusto niyo ba? Maganda iyan at matibay, kahit ilang beses niyo pang labhan iyan ay hindi basta-basta maluluma, hindi gaya ng suot niyo ngayon, ” anito.

Nanlaki ang mata ni Felisa sa presyong ibinigay ng kaniyang ate. Lugi na nga sila sa presyo nito’y abunado pa sila sa puhunan. Magsasalita sana siya nang agad naman siyang sukuhin nito.

Binili naman agad ng matanda ang damit sa presyong dalawang daan. Nang makaalis ang matanda ay agad niyang kinausap ang kapatid at pinagalitan.

“Nakakaawa kasi ang itsura niya, Felisa, hindi mo ba nakikita ang butas-butas at lumang damit na suot niya? Pe-presyuhan mo pa ng mahal. Kapag mahal ang presyong sinabi ko malamang hindi na bibili iyon.

Hindi na niya mapapalitan ang luma niyang damit. At saka hayaan mo na, matanda na si tatay, ibigay na natin iyon sa kaniya,” katwiran pa nito.

Walang nagawa ang reklamo ni Felisa. Gano’n talaga ang ate niya. Magaling ito sa magaling, pero mamon ang puso nito. Ano pa bang magagawa niya? Naibigay na nito ang items, alangan naman habulin pa niya ang matandang lalaki at bawiin ang damit na binili.

Kinagabihan ay siya ang sinabon ng mama nila nang malaman ang ginawa ni Samantha. Nalugi na nga sila dahil wala silang tinubo, abunado pa sila sa puhunan. Kaya mula noon ay hindi na pinapabantay ng tindahan si Samantha.

“Ah, tama huwag mo na lang si Samantha, ikaw na naman ang mapapagalitan ni mama,” sang-ayon ni Finn. “Kahit noong mga bata pa kami ay sobrang maawain na iyang babaeng ‘yan. Ultimo ikakain niya’y ibibigay niya pa sa iba lalo na kapag nakikita niyang nakakaawa, ‘di baleng magutom siya.

Minsan nga’y ang buong baon niyang singkwenta pesos noon ay ibinigay niya sa manlilimos. Ang katwiran niya’y nakakaawa kasi, ang dungis-dungis daw at tila gutom na gutom. Kaya hindi rin kataka-taka kung bakit biniyayaan siya dahil sa pagiging matulungin niya’t pagka-maawain,” nakangiting kwento ni Finn.

“Sabagay, wala namang masama sa pagiging matulungin at maawain kuya. Kaso pagdating sa negosyo hindi iyon pwede. Malulugi ka’t baka magsara ang negosyo mo,” natatawang wika ni Felisa.

Nagtawanan na lang silang magkakapatid sa naging usapan nila tungkol sa kapatid nilang sobrang pagkamaawain na minsan ay naiisip nilang wala na sa lugar at hindi na tama.

Pero totoong bini-bless ni God ang mga taong may mamon na puso para sa mahihirap, dahil nakikita nilang napaka-bless ni Samantha, nagkaroon ito ng asawang mayaman at magaling sa negosyo. Kaya ngayon ay mas marami nang natutulungan si Samantha na mas nangangailangan.

Dahil doon siya masaya… ang tumulong sa mga taong kapos sa buhay.

Advertisement