Alas onse na ng gabi, ngunit hindi pa rin nakakauwi ang anak nila Fina at Danny na si Erica.
“Ma, tawagan mo nga iyang si Erica, anong oras na at wala pa rin siya. Kanina pang ala singko ang out nun sa trabaho di ba? Nagpaalam ba sa’yo?” tanong ni Danny sa kaniyang asawa.
“Hindi nga e, baka na-traffic lang,” sagot naman ni Fina habang abala sa paghahalo ng ginagawang ube halaya, negosyo kasi nila ito at may order silang 100 piraso na bukas na rin idi-deliver.
Sakto namang dumating na si Erica.
“O, ayan na pala ang anak mo,” wika ni Fina.
“Saan ka ba galing, anak? Kanina ka pa namin hinihintay ng nanay mo, nakatulong ka sana rito sa mga order sa atin,” saad ni Danny sa dalaga.
“Saglit lang ‘tay. Magbibihis lang po ako,” sagot naman ng dalaga.
“Hindi na, anak. May pasok ka pa bukas, alam kong nahihirapan ka sa trabaho mo at sa byahe kaya magpahinga ka na muna. Sa susunod na gagabihin ka ng ganito ay magsabi ka sa amin, ha?” saad ni Fina sa kaniyang anak,
Agad naman na tumango si Erica sa kaniyang mga magulang at mabilis na pumasok sa loob. Sumandal siya sa likod ng pinto at saka dahan-dahan na napaupo sa sahig.
“Naku, ‘yang bang anak mo ay may nobyo na? Baka kaya ginagabi na ‘yan ng uwi kasi may karelasyon!” baling ni Danny sa kaniyang misis.
“Ito naman, parang hindi mo naman pinalaki ng maayos ang anak mo niyan. Wala ‘yun! Kasi hindi naman tayo nagkulang sa paalala patungkol sa mga ganyang bagay. Isa pa, kailan ba naging sakit sa ulo iyang anak natin? Di ba’t nakapabait na bata niyan? Kaya naman magtiwala ka lang,” sagot naman ni Fina sa asawa.
“E di ba ‘yung mga call center agent na ‘yan ay uso ang mga relasyon? May mga kwento pa nga ‘kong naririnig na sa fire exit na lang basta pinaparaos, mga kabataan ngayon!” baling muli ng lalaki.
“Diyos ko naman, Danny! Marinig ka naman ng anak mo o ng mga kapitbahay. Tigilan na natin itong usapang ito, basta ako, naniniwala akong hindi ganyan ang anak natin,” sagot ni Fina sa kaniyang asawa.
Rinig na rinig lahat iyon ni Erica, napatakip na lamang siya ng mukha at huminga muli ng malalim, “Sorry, mama, papa,” bulong nito.
Magdadalawang taon nang nagtratrabaho sa call center ang dalaga, nakapagtapos man siya ng kolehiyo at natanggap sa mataas na kumpanya ay mas pinili niya ang ganitong trabaho, mas mabilis kasi ang pasok ng pera lalo na ngayon na nagmi-maintenance na ang kanyang ama.
Bukod sa trabaho ay may iba pang natagpuan si Erica at ‘yun nga ang pag-ibig na hindi niya maipagtapat sa mga magulang.
“Promise, Lord, bukas ay ipagtatapat ko na ang lahat,” isip-isip ng dalaga at mabilis siyang pumasok sa kaniyang kwarto para magpahinga. Pero hindi naman siya pinatulog ng kaba at ng pag-iisip kung ano ang magiging reaskyon ng kaniyang mga magulang.
“Anak, gising na! Tatanghaliin ka na niyan sa trabaho,” saad ni Fina habang ginigising ang anak.. Nakatulog na pala siya ng hindi namamalayan sa kakaisip niya kagabi. Mabilis siyang kumilos at nagligpit ng higaan. Lumabas ng kwarto at naupo sa mesa, mag-aagahan na silang pamilya. Ito ang hindi maaring mawala sa araw niya, ang almusal kasama ang kaniyang ama’t ina.
“Erica, mukhang napapadalas yata ang uwi mo ng gabi. May dapat ba kaming ipag-alala?” seryosong tanong ng kaniyang ama.
Ngunit hindi makasagot ang dalaga dahil alam niyang magkakasala na naman siya sa mga magulang kapag nagsinungaling siya.
“Anak, tinatanong ka ng papa mo,” pahayag ng kaniyang ina.
“Ma, pa, may boyfriend na po ako…” naiyak na sabi ni Erica.
“I’m sorry, ma, pa, kung ngayon ko lang sinabi. Hindi niyo kasi siya matatanggap at alam ko rin na paghihiwalayin niyo kami. Pero mahal ko siya,” mabilis na sambit ng dalaga.
“Wala namang problema anak kung may boyfriend ka na, basta sana hindi ka kabit. Kasi ‘yun ang hindi namin matatangap,” sagot ni Fina sa dalaga.
“Hindi po, ma. Ano kasi, may anak na siya…” saad ni Erica at tila natuyo ang lalamunan ng dalaga nang matapos niyang bitiwan ang salitang iyon. Ang tagal na niyang dinala ang kasinungalingan ito, dahil alam niyang imoral ang tingin ng mga magulang niya sa ganitong klase ng relasyon. Lalo pa nga’t nag iisang anak lamang siya at lumaki si Erica sa pangaral na humanap ng matinong lalaki.
Saglit na hindi nagsalita si Danny at tinitigan ang kaniyang anak, gusto niyang kumawala sa galit ngunit pinigilan niya ang sarili. Alam din niyang sa mga oras na iyon ay hinihinitay siya ng kaniyang misis na magsalita.
“Ilang taon na ‘yung anak?” tanong ng tatay niya. Gulat man si Erica sa kaniyang narinig ay sinagot niya pa rin ito.
“Mag tatatlong taon na po, papa. Iniwan nung babae sa kaniya para sumama sa ibang lalaki, hindi ko naman ginusto na mahalin siya. Sadya ko lang naramdaman, alam kong disappointed kayo sa akin sa nalaman niyo pero sana papa, tulungan niyo po ako,” at mas lalo pang naiyak ang dalaga.
“Nahihirapan na kasi ako, halos walang makatanggap sa amin sa mga ka-opisina ko at alam ko rin na hindi niyo matatanggap ito. Paano bang dapat kong gawin, ano bang dapat kong gawin?” hagulgol pa ng dalaga.
Mabilis na pinigilan ni Danny ang kaniyang misis na aakmang yakapin ang kanilang anak, umiling siya at nagpahiwatig na huwag ituloy.
“Gaano mo ba kamahal ‘yan, anak? Sa tingin mo ba kaya mo siyang ipaglaban? Kaya mo bang tanggapin ‘yung bata na anak niya, kaya mo ba silang makita sa hinaharap mo na sila ‘yung makakasama mo?” tanong ni Danny.
“O baka naman nadadala ka lang ng emosyon, kasi maraming umuusig sa’yo? Alam mo ‘nak, hindi ka naman namin pipigilan kung ‘yan ang gusto mong relasyon. Kaya kami nandito kasi kami ‘yung magbibigay sa’yo ng payong walang pasikot-sikot.
Magulang mo kami at alam namin ang pakiramdam na ganyan, alam mo bang ang nanay mo dati ay inagaw ko lang sa dati niyang nobyo? Naging napakahirap nun, pero dahil sigurado na akong ang nanay mo ang gusto kong makasama habambuhay ay isinugal ko na at hindi naman ako nagkamali, dahil hanggang ngayon masaya ako sa naging desisyon ko.
Kung nahihirapan ka sa mga sinasabi ng ibang tao, dapat ngayon pa lang ay makayanan mo iyang harapin. Dapat ngayon palang subukan mo na sa sarili mo kung kaya mong matanggap ‘yung anak niya at ‘yung lahat ng sasabihin ng tao.
Kapag sa tingin mong siya na talaga, ayan na talaga, sabihan mo lang kami. Susuportahan ka namin, anak. Basta ang akin lang, magtira ka para sa sarili mo. Huwag mong itodo kasi bata ka pa, at sana sa susunod huwag kang mahihiyang magsabi sa amin kahit ano pa iyan. Kasi kami lang ang mapagkakatiwalaan mo dito sa buong mundo. Kasi pamilya tayo,” pahayag pa ng kaniyang ama.
Hindi makapaniwala si Fina sa narinig niya sa kaniyang mister, napangiti na lamang siya rito at lihim na nagpasalamat. Alam kasi niyang hindi na bata si Erica para idikta ang dapat nitong gawin sa buhay.
Si Erica naman ay mabilis na tumayo ay niyakap ang kaniyang ama, tama nga ito dahil sa lahat ng opinyon na narinig niya sa kaniyang magulang lamang siya nakahinga. Alam niyang wala itong halong pambobola at pawang sa ikakabuti lamang niya.
Ngayon ay patuloy na magkasintahan si Erica at Gino, hindi na sila nagtatago at mas nakakahinga na ang dalaga dahil ngayon ay mas nasusubukan niya ang sarili kung handa nga ba talaga siyang tanggapin ang lalaki at ang buong pagkatao nito. Ayaw kasi niyang dumating ang araw na madadamay ang bata, kaya habang maaga pa lang ay susubukan na niya.