Inday TrendingInday Trending
Nang Mawala si Manoy

Nang Mawala si Manoy

Umiiyak dahil sa pag-aalala si Loyda. Nang mga sandaling iyon kasi ay nag-aagaw buhay ang kinakasama niyang si Johny dahil aksidente itong nakuryente sa trabaho.

Isa itong security guard na suma-sideline lamang bilang construction worker sa tuwing libre ang oras nito. Nasa oras ito ng trabaho nang mangyari ang insidenteng naging dahilan upang ngayon ay malagay sa kapahamakan ang buhay nito.

Ilang oras nang nakaluhod si Loyda sa altar ng maliit na kapilya ng ospital at nagdarasal na sana’y kayanin ng kaniyang nobyo ang hirap at sakit ng tinamo nitong pinsala. Sa ngayon ay tapos na ang operasyon para dito ngunit isang malungkot na balita ang isinaad ng doktor sa kaniya.

“Ma’am, kayo po ang kinakasama ng pasiyente, ano po?” bungad ng doktor kanina nang lumabas ito sa operating room ng ospital na may seryosong ekspresyon sa mukha.

Tila naman may kabayong naghahagaran noon sa dibdib ni Loyda dahil sa kaba. Tumango siya bilang sagot sa tanong ng doktor pagkatapos ay mataman na lamang na nakinig sa sasabihin pa nito.

“Hindi na po ako magpapaliguy-ligoy pa. Malala po ang tinamong pinsala ng inyong nobyo. Nasunog po ang kaniyang mga braso na naging dahilan upang putulin namin ang mga iyon. Maging ang maselang bahagi po ng kaniyang katawan ay grabe rin po ang naging pinsala. Wala na po siyang kakayahang makabuo ng sanggol. Sa ngayon po ay masasabi kong stable na ang kalagayan niya pero patuloy po tayong magdasal para sa mas mabilis niyang paggaling,” pagpapatuloy ng doktor na talagang ikinanlumo ni Loyda.

Nanginig ang kaniyang mga tuhod. Umiyak ang babae habang sapo niya ang kaniyang dibdib sa waiting area na iyon sa labas ng operating room ng Community Hospital ng Sta. Rosa City sa Laguna. Umiiyak siya hindi para sa kaniyang sarili kung ‘di para sa kaniyang magiging asawa. Alam niya kasi kung gaano ito nangangarap na magkaroon na ng sariling pamilya dahil nanggaling ito sa isang broken family. Nag-aalala siya na baka damdamin nito ang mga kakulangan sa sarili ngayong isa na itong inutil.

“Alam mo kung ako sa iyo iiwan ko na ang lalaking ‘yan. Nabubuhay ang babae para magluwal ng anak pero paano mo pa magagawa ‘yon kung wala ng manoy ‘yang asawa mo dahil kinailangan na itong putulin bunga ng matinding pagkasunog? Tutal hindi pa naman kayo kasal mag-isip-isip ka na.”

“Wala ka nang mapapala sa kinakasama mong ‘yan. Hiwalayan mo na!”

“Paano pa kayo magkakaroon ng anak? Hindi pa nga kayo nakakapag-umpisa ng pamilya pagkatapos ganiyan na ang nangyari. Humanap ka na lang ng iba.”

Ilan lang ang mga katagang iyon sa napakaraming kantiyaw, sulsol at tuksong naririnig ni Loyda habang nagpapagaling sa ospital ang kaniyang kinakasama. Kung tutuusin ay totoo naman ang sinabi ng mga ito ngunit hindi niya kakayaning gawin iyon sa pinakamamahal niyang si Johny kaya’t lahat ng iyon ay tinabla niya at hindi na pinansin pa upang hindi masira ang samahan nila. Handa siyang suungin ang kahit anong pagsubok dahil ganoon kalaki ang pagmamahal ni Loyda para kay Johny.

Nang mga panahong iyon ay tila gusto nang gumuho ng kanilang mundo ngunit mas piniling maging matatag nina Johny at Loyda hanggang sa isang ‘di inaasahang tulong ang dumating sa kanila.

Isa pala sa pasiyenteng kasama nila sa ospital ang naglabas ng kuwento nila sa social media kalakip ang litrato nila ni Johny na siyang nagpapatunay ng tapat at totoong pagmamahalan ng dalawa. Maraming netizen ang naantig ang puso sa kanilang kuwento na talagang nagpaabot ng tulong sa kanila.

Ilang sangay din ng gobyerno ang naalarma nang ang mga netizens na mismo ang nagsimula ng ingay upang makuha ng magkasintahan ang hustisya at tulong na nararapat para kay Johny.

Laking pasasalamat ni Loyda sa nangyari.

“Sobrang nakakatuwa po ang labis na pagmamahal mo sa ‘yong kinakasama, ma’am, kaya naman sampu ng mga kasama kong OFW nais naming sabihin sa inyo na gusto naming sagutin ang inyong kasal maging ang maliit na pangkabuhayang maaari niyong gamitin upang makapag-umpisa ng bagong buhay,” saad ng isa sa napakabubuting taong sumadya pa kina Loyda at Johny upang magpaabot ng tulong. Talagang napahagulgol sa tuwa ang dalawa.

“Salamat po! Maraming, maraming salamat po!” ang bukambibig ni Loyda sa kanila.

Agad na naiplano ang kasal na gaganapin para kina Johny at Loyda sa tulong ng mga mababait na netizens na sumubaybay sa kanilang kuwento. Ngayon ay mas handa nang harapin nina Johny at Loyda ang bagong kinabukasan.

Malaki ang pasasalamat ni Johny sa napakalaking pagmamahal ni Loyda sa kaniya. Na kahit wala na ang kaniyang manoy ay hindi naging hadlang iyon upang sila’y magbuklod pa rin bilang pamilya. Balak ng dalawa na mag-ampon na lamang para sa ikasasaya pa nila. Ngayon pa na halos stable na ang kanilang pangkabuhayan dahil sa pagdagsa ng mga tulong alam ng mag-asawang kaya na nilang harapin ang bukas basta’t manatili silang magkasama, nagmamahalan at nagdadamayan sa hirap man o ginhawa.

Advertisement