“Mahal na mahal kita. Mag-iingat ka rito sa Pilipinas ha? Pangako ko, pagbalik ko ay magsasama na tayo. Sabay nating bubuuin ang magandang buhay habang gumagawa ng sarili nating pamilya,” mangiyak-ngiyak na pamamaalam ni Cesar sa kanyang kababata at pinakamamahal na nobyang si Helen.
“Panghahawakan ko ang mga pangako mo sa akin, mahal ko. Pangako ko naman sa iyo, maghihintay ako sa pag-uwi mo,” sagot ni Helen sabay yakap ng mahigpit sa nobyong lilipad na patungong Middle East upang maging OFW.
Magkasabay na lumaki ang magkababatang si Cesar at Helen. Nang sila ay magbinata at magdalaga, doon na nila napagdesisyunang maging ganap na magkasintahan. Simula pagkabata, napakarami na nilang mga pangarap na binuo dala ng kanilang pagmamahalan. Isa na roon ay ang sabay na makaahon sa hirap at bumuo ng sariling pamilya. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataong makapangibang-bansa ay agad na sinunggaban ng lalaki, dahil iyon na ang kanilang tiyansa na simulan ang pagkamit sa mga pangarap nila sa buhay.
Isang taon ang lumipas, at kada kibot ni Cesar sa trabaho ay agad naka-balita kay Helen. Todo suporta naman ang babae sa matiyagang pagtatrabaho ng nobyo. Unti-unti na rin silang nakakaipon, at isang taon na lamang ay magkikita na silang muli. Dalawang taon lamang kasi ang pinirmahang kontrata ng lalaki sa pagtatrabaho bilang construction worker sa Middle East.
Ngunit nang malapit na ang pag-uwi ni Cesar sa Pilipinas, bigla na lamang natigil ang mga mensaheng natatanggap ni Helen mula sa kanya. Bigla na lamang itong nawala na parang bula, at kahit anong hagilap ng babae ay hindi na niya ito makausap.
“Siguro, busy lang si Cesar o kaya pagod sa trabaho. Malapit na kasi ang takdang araw ng pag-uwi niya e. Baka susurpresahin na lamang ako sa biglaan niyang pag-uwi,” sabi ni Helen kay Victor, ang kaibigan nilang magkasintahan na nagpasok kay Cesar sa trabaho sa ibang bansa.
“Nako, Helen! Isang buwang mahigit nang hindi nagpaparamdam si Cesar. Alam mo ba? Maraming Pinay doon ang naghahanap ng kababayan nilang pwede nilang maka-relasyon. Baka dala ng lumbay e bumigay ‘yang si Cesar,” tugon ni Victor sa paiyak nang si Helen.
Nang dahil sa sinabi ng lalaki, sandamakmak na mga bagay na ang pumasok sa utak ni Helen. Labis na takot ang kanyang naramdaman na baka naghanap na ng ibang babaeng masusulingan si Cesar dala ng lungkot na nararamdaman sa ibang bansa. Gayunpaman, pumikit lamang siya sabay haplos sa kwintas na ibinigay sa kanya ni Cesar noon.
“Naniniwala ako sa kanya. Hindi niya sasayangin ang mga pangarap naming dalawa,” bulong niya habang mahigpit na nakahawak sa nasabing kwintas.
Isang buwan pa muli ang lumipas, ngunit hindi pa rin ma-contact ni Helen ang nobyo. Sinubukan niyang puntahan ang tiyahin ni Cesar na tanging natitira niyang kamag-anak, ngunit anito’y wala rin siyang balita sa kalagayan ng binata.
“Helen! Helen, nako!” naghahabol ng hiningang entrada ni Victor na tila ba may dalang hindi magandang balita.
“Hindi ba, kasabay ni Cesar na nangibang bansa ‘yong isa ko pang kakilala na taga-Maynila? Nakausap ko siya kagabi. Tama nga ang kutob ko! May iba na raw kinakasama sa Middle East ang nobyo mo!”
Halos pagsakluban ng langit at lupa si Helen. Hindi niya sukat akalain na magagawa siyang lokohin ng kaisa-isang lalaking minahal at pinagkatiwalaan niya ng ganoon.
“Huwag kang mag-alala. Hindi kita pababayaan. Hayaan mo na ang mokong na ‘yon! Hindi siya karapat-dapat sa’yo,” pahayag ni Victor sabay haplos sa likod ng humahagulgol na si Helen.
Sa kanyang paghihinagpis dala ng sugatang puso, si Victor ang palaging nariyan upang patahanin siya. Madalas siya nitong puntahan upang dalhan ng mga paborito niyang pagkain, anito’y upang kahit papaano’y maibsan ang sakit na nararamdaman ng dalaga. Naging malaki naman ang pasasalamat ni Helen nang dahil doon.
Lumipas ang kalahating taon magmula nang mawasak ang puso ni Helen, at doon na nga nagsimula si Victor na ihain sa dalaga ang kanyang panliligaw. Nang minsang sila ay magkita sa isang kainan, doon na inamin ni Victor ang matagal na niyang lihim na pag-ibig sa dalaga. At dahil sugatan pa rin ang puso niya, mabilis niyang tinanggap ang alay na pagmamahal ni Victor. Pakiwari niya’y kung si Cesar nga ay madali siyang nakalimutan, e kayang-kaya rin niyang gawin ‘yon.
Isang umaga, pagkagising ni Helen ay napabalikwas siya ng tayo. Kaarawan nga pala ng bago niyang kasintahang si Victor, at ang plano niya’y sosorpresahin niya ito sa pagpunta sa bahay ng binata. Nagbihis ng maganda ang babae at bumili ng paboritong cake ng lalaki, matapos ay agad na dumiretso sa bahay ni Victor.
“Victor? Victor!” pagtawag Helen habang kumakatok sa pintuan ng lalaki.
“Helen, mahal? Pasok ka! Nasa banyo lang ako’t naliligo. Upo ka muna diyan at manood ng TV!” sigaw ng naliligong binata.
Pinihit ni Helen ang pintuan at napansing hindi nga ito naka-lock. Inilapag niya muna ang sorpresang cake sa ibabaw ng mesa ni Victor at saka nag-ikot-ikot sa bahay ng nobyo. Magdadalawang taon na rin silang magkasintahan, ngunit iyon pa lamang ang unang beses na dumalaw siya sa bahay nito.
“Ay, ang cute!” natatawang sabi ni Helen nang makita ang mga naka-display na larawan ni Victor noong siya ay bata pa.
Nagtuloy-tuloy lamang si Helen sa pag-iikot, nang bigla siyang matigilan sa sangkatutak na nakatambak na mga sulat sa may gilid ng kama ni Victor. Ang mga lalaki nga naman, ang daming kalat sa bahay! Pakiwari pa ni Helen.
Nanginig ang kanyang buong katawan nang damputin niya ang isa sa mga iyon.
“Mahal kong Helen…” panimula ng karamihan sa mga liham.
Nakaramdam na ng kakaiba itong si Helen. Pamilyar sa kanya ang paraan ng pagsulat na nakalagda sa papel.
Hindi… hindi… hindi…
“Minamahal kong Helen, simula sa araw na ito, sa mga liham muna ako makikipagpalitan ng mensahe sa iyo. Napag-alaman kasi ng mga awtoridad dito na ilegal pala ang Visa na ibinigay sa akin ni Victor. Napaka-swerte ko naman dahil inalok ako ng boss ko, na isa rin palang Pilipino, na patagong manirahan dito habang isinasaayos niya ang mga papeles ko. Dalawang taon daw ang bubunuin bago malinis ang lahat, kaya’t pasensiya ka na kung madadagdagan ng dalawa pang taon ang hindi natin pagkikita. Maayos naman ako rito. Malaki rin ang pinapasweldo sa akin ni Boss. Kaya’t sigurado akong pag-uwi ko ay makakapagsimula na tayo sa pagtupad ng mga pangarap natin… Mahal na mahal kita, at ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. Sa iyo lamang, Cesar.” saad ng unang liham.
Hindi siya maaaring magkamali. Sulat-kamay nga iyon ng kanyang dating nobyo! Nagmadali siyang buklatin ang iba pang mga sulat.
“Helen? Bakit hindi ka sumasagot sa mga liham ko? Pinanghihinaan na ako ng loob dahil natatakot akong baka ipinagpalit mo na ako. Pero panghahawakan ko ang mga pangako mo sa akin… Na ako lang ang iyong mamahalin… Aasahan ko ang mensahe mo,” laman ng isa pang sulat.
Gulong-gulo ang isip ni Helen at halos hindi na siya makahinga sa mga liham na binabasa niya. Natigilan siya nang bigla na lamang lumabas ng banyo ang kasalukuyan niyang nobyo.
“VICTOR? ANO ITO? BAKIT NASA IYO ANG MGA ITO?!” sigaw ng galit na galit na babae.
“Ah… Eh…” hindi makapagsalita si Victor. Hindi niya maisip kung anong palusot ang gagawin sa mga ginawang kalokohan upang mahadlangan ang pagmamahalan ni Helen at Cesar.
“Sumagot ka! Damuho ka! Paano mo nagawa sa akin ito?! Kaibigan mo kaming pareho ni Cesar, hindi ba?!” patuloy na pagwawala ni Helen habang hinahampas ang dibdib ni Victor.
“Oo! Oo na, ako ang may kagagawan ng lahat! Helen, matagal na kitang minamahal. Kaya kong ibigay ang buong mundo sa’yo! Pero bakit si Cesar pa rin ang pinili mo noon?” rebelasyon ni Victor.
“Kaya’t gumawa na ako ng paraan para magkalayo kayo, at para mapasa-akin ka lang!” dagdag pa nito.
Hindi makapaniwala si Helen sa mga sumunod niyang narinig. Simula umpisa ay planadong-planado pala lahat ni Victor. Binigyan din nito ng pekeng Visa si Cesar upang makasigurong hindi na ito makabalik ng Pilipinas. Siniguro rin niyang hindi makakarating kay Helen ang mga liham na ipinapadala ni Cesar upang tuluyan nang mapasa-kanya ang puso ng dilag.
“Hay*p ka! Hay*p ka, Victor!”
“O, may magagawa ka pa ba? Gumawa ako ng liham na ipinangalan ko sa iyo. Ipinadala ko iyon kay Cesar nasa isang taon na ang nakakalipas. Ang sabi ko, may bago ka nang kasintahan at tuluyan mo na siyang kinalimutan! Kaya sigurado ako, hinding-hindi na kayo magkakabalikan!” tatawa-tawang hiyaw ni Victor na animo’y nasisiraan na ng bait ng dahil sa pag-ibig.
Nagtatakbo palabas si Helen dala ang durog na durog niyang puso. Pinaglaruan pala ng isang masamang tao ang tadhana nila ni Cesar! Ngunit paano na lang ngayon? Paano pa niya maitatama ang lahat? Hindi niya alam!
Kumaripas ng takbo si Helen at saka sumakay sa isang traysikel de padyak.
“Manong, sa may paanan ho ng bundok tayo,” wika ni Helen sa drayber.
Dumiretso siya sa dating paboritong tambayan nila ni Cesar. Nagtatakbo siya hanggang makarating sa isang puno kung saan nila sinimulan ni Cesar ang kanilang matamis na pagtitinginan. Bakas pa sa puno ang mga ukit ng pangalan nilang dalawa.
“O, Diyos ko! Anong kasalanan ko sa Inyo at bakit pinaglaruan Ninyo ang tadhana namin ng mahal ko?” humahagulgol na sabi ni Helen habang nakasubsob sa kanyang mga tuhod at mariing nakapikit. Umaagos na sa mukha niya ang maiinit na luha dala ng labis na paghihinagpis.
Natigilan siya nang bigla na lamang pumulupot sa kanya ang isang pamilyar na bisig… Ang mga brasong matagal na niyang hindi nahahagkan…
“Mahal ko? Tahan na… Nandito na ako…” bulong ng pamilyar na boses.
Napabalikwas ng tingin si Helen… At kumpirmado!
“Cesar?! Mahal ko?!”
“Sabi ko na nga ba, dito kita matatagpuan e. Sa dating tagpuan…”
Dala ng halos limang taong pagkakalayo, agad na nagsalubong ang kanilang nag-iinit na mga labi. Sa wakas! Sa loob ng limang taong pangungulila sa isa’t isa ay muli na silang nagkita.
Nang mahimasmasan ang dalawa, sinimulan na nilang pag-usapan ang mga kaganapan.
“Hay*p na Victor iyan… Kaya pala ako inalok ng trabaho, e para maangkin ka niya. Mabuti’t naisaayos na ang mga papeles ko. Tinulungan din kami ng ilang kawani ng gobyerno. Kaming mga naloko ng ilegal na agency na ‘yan. Numero unong recruiter pala si Victor,” bunyag ni Cesar.
“Hindi ba’t nagpadala raw ng sulat si Victor sa iyo na kunyari ay galing sa akin? Mabuti at hindi ka naniwala at nagpalinlang…”
“Ano ka ba, mahal? Kabisado ko ang sulat kamay mo. At isa pa, naniniwala ako sa mga pangako mo,” nakangiting sagot ni Cesar.
Magkahawak-kamay ang dalawa na bumalik ng siyudad. Siniguro muna nila na hindi makakaligtas si Victor sa mga ginawa niya. Sa tulong ng gobyerno, at sa tulong ng boss ni Cesar sa Middle East ay tuluyang napakulong itong si Victor.
Doon na sinimulan ni Helen at Cesar ang hinadlangang pagmamahalan. Gamit ang perang naipon, agad isinagawa ang pangakong enggrandeng kasal ni Cesar para kay Helen. Nakabili rin sila ng dalawang magarang bahay sa Maynila. Isa para sa bubuuin nilang pamilya, at ang isa naman ay para sa pamilya ng babae.
Napagdesisyunan ni Cesar na huwag nang bumalik ng ibang bansa sa takot na mapaglayo na naman sila ni Helen. Nagtayo na lamang sila ng negosyo upang tuluyang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.
“Maraming salamat po dahil hindi Niyo hinayaang masayang ang wagas at tunay naming pagmamahalan,” sabay na panalangin ng dalawa habang tinatamasa ang magandang buhay matapos ang paglalaro sa kanila ng tadhana.