May Karma sa Morgue

Araw-araw iba’t ibang klase ng mga bangkay ang kasama ni Emilio. Iyon ang trabaho niya sa morgue sa isang pampublikong ospital sa probinsya. Isa siya sa mga assistant ng pinsan niyang embalsamador na si Osval.

Noong una ay natatakot siya. Pero nang lumaon ay naging ordinaryo na lang sa kaniya ang tumingin at humawak sa katawan ng mga bangkay. Hindi na niya napapanaginipan ang mga ito tulad noong una. Hindi na siya binabangungot sa hitsura ng mga mukha at katawang dineporma ng krimen at mga sakuna.

Isang gabi ay mag-isa na lamang siyang naiwan sa morgue at nag-aasikaso sa mga wala ng buhay na mga katawan nang isang bangkay ang pumukaw sa kaniyang atensyon. Isa iyong matandang lalaki. Sa tantiya niya ay nasa sitenta anyos na matanda. Kung bakit niya ito napagtuunan ng pansin ay sapagkat kakaiba ito. Sa lahat ng bangkay na naroon sa marogue ito lang ang bukod tangi sa lahat na nananatiling dilat ang mga mata.

“Kakaiba naman ang matandang ito. Dilat na dilat ang mga mata. Para akong kakainin ng buhay,” bulong niya sa sarili.

Ilang beses tinangka ni Emilio na isara ang mga mata ng matanda pero nabigo siya. Nanatiling dilat iyon at titig na titig sa kaniya. Kahit ano ang gawin niya kapag napapatingin siya sa kinaroroonan ng lalaki ay tila tinitignan siya nito. Kinilabutan tuloy siya.

Napatingin siya sa orasan at hindi niya napigilang mapailing.

“Ang tagal naman ng mga kasama ko. Dapat kanina pa sila dumating,” wika niya sa sarili habang pinapahid ang tumutulong pawis sa gilid ng kaniyang noo.

May pinuntahan kasi ang dalawa niyang kasamang assitant at nangakong babalik pagkalipas ng dalawang oras ngunit lampas na ang itinakdang oras pero wala pa ring dumarating.

Advertisement

Mayamaya ay may narinig siyang kaluskos sa kaniyang likuran. Lumingon siya pero walang tao.

“Diyos ko! Huwag niyo naman akong takutin,” sabi niya sa isip.

Umalon ang dibdib ni Emilio. Ibig niyang lumabas ng morgue pero tila napako ang mga paa niya sa sahig. Hindi na siya nakagalaw. Nagtangka siyang magsalita pero wala ring lumabas na tinig sa kaniyang mga labi. Gusto niyang sumigaw pero ni ayaw nang bumuka ng kaniyang bibig.

Kahit walang tao sa paligid ay ramdam na ramdam niya ang kakaibang ihip ng hangin sa kaniyang balat. Laking pagtataka naman niya dahil imposibleng magkaroon ng hangin sa kinaroroonan niya dahil kulob ang loob ng morgue.

“Kung panaginip ito gisingin Mo na po ako. Gisingin Mo na ako mahal kong Panginoon,” sabi niya sa isip.

Napapitlag siya nang may humawak sa kaniyang balikat Malamig ang kamay noon.

“Naku po!”

Nanigas ang kaniyang mga panga. Nangatog ang buo niyang katawan. Dala marahil ng sobrang pagod at matinding takot ay nawalan siya ng malay.

Advertisement

“Emilio, Emilio!” Gising sa kaniya ng kaniyang pinsan na si Osval.

Nagising naman si Emilio sa malakas na yugyog sa kaniya ng pinsan.

“Anong nangyari sa iyo?” tanong ni Osval. “Ang akala ko bangkay ka na rin,” dagdag nito.

“At may takip ka pang tela sa mukha!” napapailing na sabi ng isa sa mga kasama niyang assistant.

“Takip na tela? Paanong nangyari?” naguguluhan niyang tanong sa mga kasama.

Lumingon siya sa kinaroroonan ng matandang lalaki. Nakita niya na wala na ito sa dating puwesto.

“Ang matandang lalaki diyan nasaan na?” usisa niya.

“Ayun, inilalagay ni Jim sa freezer ang bangkay ng matandang lalaki,” sabi ng isa sa dalawang assistant.

Advertisement

“Sandali. Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Anong nangyari sa iyo at dinatnan ka namin ritong nakatihaya? Ngayon mo pa naisipang magpahinga, eh, ang dami pa nating tatrabahuhin,” wika ng kaniyang pinsan.

“Hindi ko alam, pinsan. Baka nasobrahan lang din ako ng pagod. Wala pa kasi akong tulog simula noong nakaraang araw,” wika ni Emilio.

“Mabuti pa ay magpahinga ka muna, pinsan. Kami na muna ang bahala rito,” sabi ni Osval.

Palabas na siya ng morgue nang bigla na lang niyang naisip na silipin ang bangkay ng matandang lalaki sa freezer.

Hindi siya mapakali. May kung anong bagay na ayaw magpatahimik sa kaniya. Parang nakadikit na sa utak niya ang hitsura ng matanda. Dilat ang mga mata. Parang nakatingin sa kaniya.

Nang buksan niya ang freezer ay laking gulat niya.

“Huh?” gulat na sambit ni Emilio nang makita ang bangkay sa freezer. Hindi iyon ang bangkay ng lalaki.

“Pinsan, hindi ito ang… Huh?” napatid ang boses ni Emilio nang makitang hindi ang pinsan at dalawang kasama niyang assistant ang naroon.

Advertisement

“Sino kayo? Anong ginagawa niyo rito?” malakas na loob niyang sabi sa mga ito.

Hindi siya pinansin ng tatlong lalaki na nakatayo sa kaniyang harapan sa halip ay galit na galit ang mga ito na nakatingin sa kaniya. Sinikap niya na tumakas sa morgue pero hindi na niya nagawa. Pinaligiran siya ng tatlong lalaki na mukhang mga bangkay ang hitsura. Hindi siya tinantanan ng mga ito hangga’t mayroon siyang hininga.

Nang dumating sina Osval at ang dalawa niyang kasama sa morgue ay laking gulat ng mga ito ng datnan si Emilio na isa ng malamig na bangkay.

Walang kaalam-alam si Emilio na iyon ang kaniyang karma dahil bago pa man siya pumasok sa trabaho ay isang kotse ang naaksidente sa highway ng dahil sa kaniyang kagagawan. Sa sobrang pagmamadali ay binilisan niya ang pagmamaneho hanggang sa nabunggo niya ang kotse at bumaligtad pa ito. Agaw-buhay ang tatlong sakay ng kotse ngunit imbes na tulungan ay tinakasan niya ang mga ito na parang walang nangyari. ‘Di nagtagal ay pumanaw na rin ang tatlong lalaki na mga pasahero ng nasabing sasakyan.

Ang akala niya ay natakasan na niya ang kasalanan ngunit gumawa ng paraan ang kababalaghan para makamit ng mga kawawang biktima ang hustisya.