Ang Burol ni Luciana
Isang masamang balita ang gumulantang kay Nenita nang buksan niya ang kaniyang selpon pagkagising niya isang umaga. P*tay na raw ang kanilang mama, si Luciana. Pinauuwi silang magkakapatid sa Bulacan sa lalong madaling panahon. Nakaburol na raw ang mga labi nito sa kanilang mansyon.
Mistulang kidlat na bumalik sa gunita ni Nenita ang matatamis na sandaling kasama niya ang kanilang mama. Noong mga bata pa silang tatlong magkakapatid ay madalas silang ipagluto nito ng sopas. Halos laging taob ang malaking kaldero dahil nasasaid ito. Masipag din ito sa mga gawaing-bahay. Kahit na may nakapasak na gintong kutsara sa kanilang mga bibig ay pinili pa rin nito ang simpleng pamumuhay. Libangan nito ang panggagantsilyo na naging dahilan umano upang lumabo ang mga paningin. Mahilig din itong uminom ng tsokolate.
Subalit iba rin ang paraan ng pagdidisiplina sa kanila nito. Maaga silang naulila sa ama kaya ito na ang tumayong padre de pamilya sa kanila. Kapag nakagagawa sila ng kaunting pagkakamali, tulad halimbawa ng pagkakabasag ng mga muwebles sa sala dahil sa kanilang kalikutan o kaya naman ay nakalilimutang pihitin pasara ang gripo sa banyo na nagdudulot ng pagbaha, mata lamang nila ang walang latay. Pinaluluhod sila sa isang batyang punumpuno ng monggo o kaya naman’y pinadadaganan ng mga aklat sa bisig habang naka-squat. Istrikta ang kanilang mama lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral. Nagtapos ito bilang magna cum laude sa kolehiyo.
Sa kanilang tatlong magkakapatid si Nenita ang pinakamalapit ang loob sa kanilang Mama Luciana. Palibhasa’y bunso. Kahit na siya ang tila naging paborito hindi naman siya pinalaki sa layaw.
Nagmana naman ng katatagan ng loob at pagiging istrikto ang kanilang Kuya Anselmo. Achiever ito. Nauna itong naging independent sa kanilang magkakapatid. Lagi silang nagkakabanggaan ni Luciana palibhasa’y magkaugali sila. Maaga rin itong bumukod at umalis sa poder ng kanilang mama.
Ang ikalawang anak na si Romania ay naging advocate ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran at aktibo sa mga kawanggawa. Labis itong tinututulan ni Anselmo dahil nasasayang lamang daw ang kanilang pera para sa “pagbibigay” sa ibang tao. Dahil dito ay laging nagkakabanggaan sina Anselmo at Romania.
Si Nenita naman ay isang matagumpay na arkitekto. Idolo niya kasi ang kaniyang ama. Dahil sa mataas na pamantayan ng kaniyang mga magulang sa buhay ay naging pihikan sa pagpili ng mapapangasawa si Nenita. Sa kasamaang palad ni isang lalaking nagtangkang manligaw sa kaniya, walang pumasa.
Matapos ang pagda-drive nang mag-isa patungo sa mansyon nila sa Bulacan nakarating na rin si Nenita. Siya ang huling dumating. Naabutan niya ang kaniyang Kuya Anselmo at Ate Romania. Wala pa roon ang mga labi ng kanilang mama. Nagbeso-beso siya sa kaniyang mga kapatid. Hindi nagkikibuan ang dalawa. Tila lalong kumapal at lumaki ang nakapagitang pader sa kanilang dalawa.
Nilapitan ni Nenita ang katiwala ng kanilang mama na si Aling Conchita.
“Anong nangyari kay, mama?”
“Nagulat na lang kami nang makita namin siyang nakabulagta sa kaniyang higaan. Nang pulsuhan namin wala na siya,” nangingilid ang luhang tugon ni Aling Conchita.
Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Aling Conchita isang puting sasakyan ang dumating. Mula ito sa punerarya. Dumating na ang kabaong ng kaniyang Mama. Napakaganda ng kabaong nitong puting-puti. Subalit ang nakapagtataka ay wala itong takip. Kitang-kita ang buong katawan nito. Suot nito ang luma ngunit malinis at magarang trahe de boda na ginamit nito sa kasal nila ng kaniyang papa.
“Bakit walang salamin ang kabaong ni mama?” untag ni Romania sa mga staff ng punerarya na nagdala sa mga labi ni Luciana.
“Bilin iyan ng inyong mama, Romania. Sabi niya kung sakaling mawawala siya sa mundo gusto niyang walang salamin ang kaniyang kabaong. Gusto niyang makita at maalala siya ng lahat sa kaniyang kabuuan.” sagot ni Conchita. Hindi lamang basta katiwala ng kanilang mama si Conchita. Sa haba ng panahong nakabantay ito sa kanilang mama ay naging kaibigan na rin ang turing nito sa kaniya.
Sinulyapan nilang magkakapatid ang kanilang mama. Napakaganda pa rin nito. Maayos ang pagkakalapat ng kolorete sa mayuming mukha nito. Mababakas ang kapanatagan sa pagkakahimlay.
Nagsimulang bumuhos ang mga luha mula sa magagandang mga mata ni Nenita. Nilapitan si Nenita ng kaniyang Ate Romania. Hinimas-himas ang likod niya.
“Hindi man lamang natin nadalaw ang mama hanggang sa kaniyang huling hininga,” bulalas ni Nenita.
“Dapat siguro pag-usapan na rin natin sa lalong madaling panahon kung paano ang magiging hatian natin sa mga naiwang ari-arian nina mama at papa. Imbitahan natin si Atty. Galauran sa susunod na mga araw,” sabi ni Anselmo. Si Atty. Galauran ang abogado ng kanilang pamilya.
“Igalang mo naman ang mama, kuya. Wala pang isang oras na nakararating dito ang bangkay ni mama pero kayamanan na agad ang iniisip mo! Ano ka ba naman?” galit na sumbat ni Romania sa panganay na kapatid.
“O, bakit? Ano ba ang dapat pag-usapan? Ang kadakilaan ni mama? Wala na siya hindi ba? Hindi na niya maririnig kung anuman ang mga sasabihin natin. Maging praktikal na lamang tayo. At isa pa, alam kong nakaabang ka rin naman sa mapupuntang mana sa iyo. Para may maibigay ka sa mga taong tinutulungan mo,” sagot ni Anselmo sa kapatid.
“Huwag mo akong itulad sa iyo, kuya. Masyado kang gahaman sa pera. Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo! Masyado kang makasarili!” galit na sabi ni Romania.
“Tumigil na kayo, kuya, ate. Igalang naman natin si mama. Huwag ngayon. Tsaka na lang tayo magtalu-talo kapag nailibing na siya.” awat ni Nenita sa dalawang nakatatandang kapatid.
Natuon kay Nenita ang tingin ni Anselmo. “Huwag kang maglinis, Nenita. Hindi ba ikaw ang paboritong anak? Bakit ka nagpakalayu-layo kay mama? Alam mong ikaw na lang ang aasahan niya sa kaniyang pagtanda subalit pinili mong lumayo. Makasarili ka rin.”
Hinarap ni Nenita ang kapatid. “Kuya? Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bago ako umalis sa poder ng mama tiniyak ko munang nasa maayos siyang kalagayan. Sino ba sa atin ang unang nag-asawa at lumayo para makatakas sa responsibilidad? Hindi ba ikaw?”
Hindi nagpatalo si Anselmo. “Ang sabihin mo sadyang wala kang utang na loob! Matapos kang pag-aralin nina papa at mama, bihisan, palakihin, bigyan ng sariling buhay pinili mo pa ring lumayo! Ikaw na nga ang paborito, hindi ba? Kahit hindi ka namin…”
“Kuya Anselmo! Tumigil ka na!” Putol ni Romania sa kapatid.
“Bakit, Romania? Ayaw mo bang marinig at malaman ni Nenita ang buong katotohanan? Ayaw mo bang marinig ni Nenita ang sikretong itinago sa kaniya ni mama? Tutal wala na ang mama kailangan niya nang malaman ang totoo at walang makapipigil sa akin para sabihin ito.”
Subalit nahindik silang lahat nang biglang tumaas ang kanang kamay ng kanilang mama at humawak ito sa bisig ni Anselmo. Dumilat ang mga mata nito at biglang bumangon mula sa kabaong. Mistula itong bangkay na bumangon mula sa hukay. Napatili at napalayo sa kabaong sina Romania at Nenita. Hindi naman nakahuma si Anselmo. Kitang-kita ang tinitimpi nitong panginginig ng katawan.
“Mama? Buhay ka?” maang na tanong ni Anselmo. Hindi kumibo ang kanilang mama. Sa halip sinenyasan nito sina Conchita at ang dalawang staff ng punerarya na tulungan siyang ibaba. Hindi sila namamalik-mata. Buhay na buhay ang kanilang mama!
“Nagulat kayo, noh? Nagustuhan niyo ba ang gimik ko?” nakangiting sabi sa kanila ni Luciana.
Galit na galit si Anselmo. “Ano na naman ang kalokohang ito, mama? Anong kalokohan ang pumasok sa isip niyo para gawin sa amin ito?”
“Kung hindi ko pa ito gagawin hindi ko kayo makikitang kompleto, mga anak ko!” Naluluhang sabi ni Luciana sa kaniyang mga anak.
“Ni hindi niyo man lang naisip na dalawin ako rito. Hindi niyo man lang naisip na may isa pa kayong magulang na naghihintay sa inyo. Naisip ko paano kaya kung sabihin kong patay na ako? Pupuntahan niyo kaya ako? Oo, nandito nga kayo sa burol ko pero anong ginawa niyo? Bangayan pa rin kayo. Matatanda na kayo, mga anak! Bakit hindi pa rin kayo magkaisa? Iisang dugo lamang tayo. Iisang pangalan. Ayokong mawala sa mundong ito na hindi kayo napagkakaisa!”
Sumagot si Anselmo. “Alam mong hindi totoo iyan, mama. Tutal nagkakalabasan na tayo ng katotohanan dito, sige. Alam mo ba mama kung bakit ako umalis kaagad sa bahay na ito noon? Dahil sa atensyong ibinibigay niyo kay Nenita! Ako ang tunay niyong anak pero mas pinili niyong mahalin ang babaeng naging bunga ng pagkakasala ni papa sa ibang babae kaysa sa amin na mga tunay niyong anak!”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Nenita sa kaniyang narinig. Hinarap niya ang ina.
“Totoo ba, mama? Totoo ba ang sinasabi ni kuya?” lumuluhang tanong ni Nenita sa ina.
Nilapitan ni Luciana si Nenita. Niyakap ito. Pagkatapos ay ginagap ang mga kamay. “Anak, patawarin mo ako kung itinago ko sa iyo ang katotohanan. Oo, totoo iyon. Pero tinanggap kita bilang sarili kong anak. Pinatawad ko ang papa mo sa kasalanan niya. Minahal kita gaya ng pagmamahal ko kina Romania at Anselmo.”
Humarap si Luciana kina Anselmo at Romania. “Mahal ko kayo. Pero kayo ang lumayo sa akin. Walang inang maghahangad ng masama sa kaniyang mga anak. Tignan ninyo ang mga buhay niyo ngayon. Magaganda. Naabot niyo ang mga pangarap niyo. Pero sana huwag ninyo akong talikuran bilang magulang niyo. Lalo ka na Anselmo. Mahal na mahal kita. Ikaw ang panganay ko.”
Lumapit si Luciana sa kaniyang panganay at niyakap ito nang mahigpit. Hindi nakatiis si Anselmo. Natibag ng luha ng kaniyang mama ang sakdal ng tigas niyang puso. Humikbi si Anselmo na tila isang musmos sa balikat ng kanilang ina.
Mayamaya ay nagulat sila nang hawakan ni Luciana ang kaniyang dibdib. Nanikip ang paghinga nito at nawalan ng malay. Itinakbo nila sa pinakamalapit na ospital si Luciana pero dead on arrival na ito. Atake sa puso sabi ng doktor. Lubhang mabilis ang mga pangyayari. Ang pagpap*tay-p*tayan ng kanilang ina sa isang iglap ay nagkatotoo na.
“Kasalanan ko ito,” lumuluhang sabi ni Anselmo. Nanlulumo siyang umupo sa sahig ng ospital. Lumapit si Romania at niyakap ang kapatid.
“Kuya, huwag mong sisihin ang sarili mo. Everything has a purpose. Pasalamat tayo at nakausap pa natin si mama bago talaga siya bawian ng buhay. Let’s start a new beginning. Alang-alang kay mama.” Tumango si Anselmo at nagyakapan silang magkakapatid.
Ang kunwariang burol ni Luciana ay naging totoo na nga. Inamin ni Conchita na lahat ng pagpapanggap na iyon ay inisip ni Luciana upang mapabalik silang magkakapatid. Kaya walang takip ang kabaong sa pagdating nito ay upang makahinga ito sa loob ng kabaong. Hindi naman siya makapaniwala na ang mismong kabaong na nirentahan nito sa pagpapanggap ay ang kabaong na hihimlayan nito sa hindi inaasahang pagkamatay.
Hindi naman nakaramdam ng kahit na anumang hinanakit si Nenita sa kaniyang Mama Luciana at lalo na sa kaniyang papa sa itinago nitong katotohanan sa kaniyang pagkatao. Hindi man niya makilala ang tunay na ina sapat na sa kaniya ang naging pag-aaruga ni Luciana. Wala na siyang hahanapin pa.
Makalipas ang tatlong araw ay inilibing nila ang kanilang mama sa tabi ng puntod ng kanilang papa. Sa puntod ng kanilang mga magulang ay nangako ang tatlong magkakapatid na aalagaan at mamahalin na nila ang isa’t isa.