“Pare, ayan may taxi na dadaan. Kunwari magpapanggap tayong pasahero pero bago pa lamang makalabas ng ating lugar ang taxi ay dapat maholdap na natin ‘to,” sabi ng kaibigan ni Macmac na si Onyok.
“Pre, sigurado ka ba na hindi tayo sasabit dito?” nag-aalangang tanong ni Macmac. “Hindi ‘yan! Madilim naman at hindi tayo makikilala ng drayber. Tsaka kailangan ko talaga ‘to, pare. Wala nang pambili ng gamot ‘yong anak ko. Tapos ‘di ba sabi mo wala na rin kayong bigas? Lakasan na lang ng loob ‘to, pare,” sagot ni Onyok na halos hindi nag-aalangan sa planong panghoholdap sa daraan na taxi.
Ilang beses nang nagawa ng magkaibigan Macmac at Onyok ang mangholdap sa mga daraan na tao, motor o saksakyan sa kanilang madilim na lugar. Wala kasing CCTV sa paligid kaya madali para sa kanila na mangbiktima.
Sa pagkakataong ‘yon ay isang taxi ang paparating at dadaan sa kanilang kinatatayuan at plano nilang biktimahin ang drayber ng taxi upang makuha ang kita nito sa buong araw na siya namang paghahatian ng magkaibigan.
Mayamaya nga ay pinara na ni Macmac ang taxi. Huminto naman ito dahil akala ng drayber ay mga pasehero sila dahil nakaayos ang kanilang mga itsura. Agad na pumasok ang dalawa sa loob ng taxi. Si Onyok ay pumuwesto sa tabi ng drayber at si Macmac naman ay umupo sa likod. Pagkapasok ay agad nang nilabas ni Onyok at Macmac ang hawak na patalim at itinutok magkabilaan sa drayber.
“Holdap ‘to! Akin na ‘yang kita mo! Ilabas mo na!” sigaw ni Onyok sa harap ng mukha ng lalaki. “Akin na!” nanggigil na sigaw ni Onyok.
Nagulat ang drayber ng taxi at agad niyang tinignan ang mga lalaking sumakay upang makilala at maireport niya ang mga ito sa pulis sa oras na tumakbo ang mga ito dala-dala ang kaniyang kita. Ngunit hindi niya sukat akalain na isang pamilyar na mukha ang makikita niya sa likod ng kaniyang sasakyan.
“Anak?” gulat na sabi ng drayber na si Dante.
Nagulat ang dalawang magkaibigan sa sinabi ng matandang drayber. Nagtinginan at nagtataka ang dalawa.
Bigla naman lumingon sa likod ng saksakyan ang drayber at tinignan ang mga mata ni Macmac.
Laking gulat ni Macmac nung lumingon ang drayber dahil ang kaniyang nakita ay ang ama niyang matagal na niyang hindi nakakasama. “Tay?” gulat na sabi ni Macmac.
“Tay, bakit ka nandito?” nagtataka at gulat na tanong ni Macmac. “May hinatid akong pasahero. Maaga kasing natatapos ang trabaho ko sa construction kaya nag-apply ako bilang drayber ng taxi tuwing gabi,” sagot ni Tatay Dante.
“Ikaw, anak. Bakit ka nandito? Bakit ganito ang ginagawa mo?” tanong ni Tatay Dante sa anak.
“Hoy, Macmac! Ano ‘to? Baka mapahamak tayo niyan! Imbis ata na pera, eh, reunion ang nahanp natin,” wika ni Onyok. Alam kasi nito ang istorya ng buhay ni Macmac at alam nito na iyon ang unang pagkakataon na nagkita muli ang mag-ama buhat nang lumayas si Macmac sa kanilang bahay.
“Tay! Pasensiya ka na. Huwag mo po kaming dalhin sa pulis,” nagmamakaawang sabi ni Macmac kay Tatay Dante.
“Anak, ano nangyari na sa iyo? Halos magsasampung taon na simula nung lumayas ka sa bahay. At ‘di ko akalain na magtatagpo tayo sa ganitong pagkakataon,” wika ni Dante sa anak.
“Anong nangyari sa’yo, anak,” malungkot na sabi ni Dante. Halos mangiyak-ngiyak na rin ito dahil hindi niya inaasahan na ang holdaper na nagpakaba ng puso niya kanina ay ang anak niya pala. Ang anak niyang si Macmac ay isang holdaper.
Hindi mawari ni Tatay Dante ang nararamdaman. Dose anyos pa lamang ang kaniyang anak ay lumayas na ito sa kanila dahil maaga itong napabarkada. Kay tagal niyang hinintay ang pagbabalik ng anak ngunit hindi naman nito inaasahan na sa ganitong pagkakataon sila magkikita.
“Anak,” wika ni Tatay Dante na halos manlumo sa kalagayan ng anak. “Paano ka nauwi sa ganitong sitwasyon? Saan ka na ba nakatira ngayon? Sino ang mga kasama mo?” patuloy na tanong ni Tatay Dante habang unti-unti nang tumutulo ang luha nito.
“Tay, sobrang hirap po ng buhay. Minsan kailangan mo na talagang kumapit sa patalim para mabuhay mo ang pamilya mo. May mga anak na po ako at buntis pa ang asawa ko ngayon. Kulang ang sinasahod namin ni Onyok sa pabrika kaya kahit labag man sa loob namin ay ito na lang ang alam namin na paraan upang magkaroon ng karagdagang pera,” pagpapaliwanag ni Macmac sa matandang drayber.
“Tulad niyang si Onyok. Kailangan niyang maghanap ng pera para makabili ng gamot para sa kaniyang anak na may sakit,” dagdag ni Macmac.
“Pero maari naman kayong maghanap ng ibang trabaho o mamasukan sa ibang amo,” sagot ni Tatay Dante. “Hindi naman gaanon kadali na maghanap ng karadagang trabaho, eh,” wika ni Onyok.
“Tay. Pasensiya ka na at nakita mo ako na ganito ang ginagawa. Wala kasi kaming maisip na ibang paraan kaya palakasan na lang ng loob,” saad Macmac.
“Hindi naman namin ginagamit sa masamang paraan ‘yong mga pera na nakukuha namin dito. Para rin naman sa pamilya naming ito, eh,” paliwanag ni Macmac sa kaniyang ama.
“Ngunit hindi ito tama. Mali na kumukuha kayo ng mga bagay na hindi sa inyo at mas lalong hindi tama na ilagay niyo sa panganib ang buhay ng ibang tao para lamang makuha ang gusto niyo,” pagpapaliwanag ni Tatay Dante sa anak at sa kabigan nito.
Habang patuloy na pinapaliwanag ni Tatay Dante sa dalawa na mali ang ginagawa ng mga ito dahan-dahan naman siyang nagbilang ng pera na kinita niya sa araw na ‘yon.
“Ayan. Ito para sa’yo ‘to Onyok para makabili ka ng kaunting pagkain at gamot para sa anak mo,” wika ni Tatay Dante habang inaabot nito ang mga pinagsama-samang pera na nagkakahalaga ng limang daang piso.
“At ito naman ang sa iyo, Macmac. Gamitin mo ito para makapamili ng pagkain para sa pamilya mo. Hindi ko na madadagdaan pa, anak. Naghihintay din ang nanay mo sa’kin ngayon upang may ipambili ng gamit ng iyong mga kapatid malapit na kasi ang pasukan,” sabi ni Tatay Dante kay Macmac habang inaabot ang mga pera na nagkakahalaga ng isang libo. Dinagdagan pa ni Tatay Dante ng limang daan ang perang inabot niya sa anak na galing pa mismo sa kaniyang pitaka.
“Umuwi na kayo at ipangako niyo sa akin na hindi niyo na ito uulitin,” bilin ni Tatay Dante. “Hahanapan ko kayo ng puwede niyong mapasukan pa na trabaho upang may dagdag kayo na kita,” pahabol na sabi ni Tatay Dante sa dalawa.
Nagpasalamat ng wagas si Onyok kay Tatay Dante dahil malaking bagay na ang pera na ibinigay nito sa kaniya. Si Macmac naman ay pilit na ibinabalik ang pera na ibinibigay ng kaniyang ama ngunit dahil sa pamimilit ni Tatay Dante ay tinanggap niya na rin ito. Hindi lubos akalain ng dalawa na makakatanggap sila ng tulong mula kay Tatay Dante kahit na halos pagtangkaan na nila ang buhay nito.
Hiyang-hiya si Macmac sa kaniyang ama. Ngayon na nga lang niya ulit nakita ang ama nasaksihan pa nito ang ginagawa niyang panghoholdap.
Ilang araw ang nakalipas matapos ang gabing iyon ay binisita ni Macmac ang kaniyang pamilya. Simula nung naglayas ang lalaki ay ngayon lang ulit siya nakapunta sa kanilang bahay.
Nang makarating si Macmac ay agad itong sinalubong ng mga kapatid. Naiyak naman ang kaniyang ina sa tuwa. Ang tatay niya naman noon ay nag-aayos ng taxi sa labas ng kanilang bahay.
Nang magkaroon ng pagkakataon ay nag-usap ang mag-ama nang masinsinan.
Humingi ng paumanhin si Macmac sa nagawa nitong pag-alis sa kanilang bahay at kapatawaran dahil sa nagawa nitong hindi magandang bagay.
“Tay, patawarin mo ako. Hindi ako naging mabuting anak sa’yo. Patawarin mo ako dahil mas pinili kong mabuhay ng malayo sa inyo. Sana ay matanggap niyo pa rin po ako at ang pamilya ko dahil tulad niyo ay nais ko pong maging mabuti at marangal na ama sa mga anak ko. Tulungan niyo po ako, tay” naiiyak na sabi ni Macmac.
Bigla na lang niyakap ni Tatay Dante ang anak. Lumuluha na rin ito. Kahit kailan ay hindi ito nakaramdam ng galit o inis sa kaniyang anak. Kahit na naligaw man ito ng landas ay hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal nito sa anak bilang ama.
“Macmac, anak. Matagal na kitang hinihintay na umuwi sa atin, anak. At kahit gaano pa ‘yan katagal at kahit ano pa ang nangyari sa iyong buhay ay sasalubungin ka pa rin ng aking dalawang kamay sa oras na bumalik ka,” wika ni Tatay Dante.
Mula noon ay tuluyan ng nagbagong buhay si Macmac. Umuwi na rin siya kasama ang kaniyang pamilya sa bahay ng kaniyang mga magulang. Si Tatay Dante naman ay nakahanap ng bakante trabaho sa construction at ipinasok niya si Macmac at Onyok. Doon ay nagsimula ang dalawang ng panibago at marangal na buhay.